Inday TrendingInday Trending
Nakatabi ng OFW sa Eroplano ang Dalagita na Kamukhang-Kamukha ng Anak Niyang Binatilyo; Sino Nga Kaya Ito?

Nakatabi ng OFW sa Eroplano ang Dalagita na Kamukhang-Kamukha ng Anak Niyang Binatilyo; Sino Nga Kaya Ito?

Kanina pa sinisipat-sipat ni Debora ang dalagitang katabi niya sa eroplano. Isang OFW si Debora, at nakatanggap siya ng mensahe mula sa kaniyang inang si Aling Lourdes, na kinakailangan niyang umuwi. Emergency raw.

Ayaw sabihin sa kaniya ang tunay na dahilan kung bakit ora-oradang kailangan niyang umuwi. Kahit ang iba nilang kaanak, ayaw magsalita. Kabang-kaba siya kaya agad siyang nagpaalam sa kaniyang among Arabo. Mabuti na lamang at mabait ang kaniyang mga amo. Masuwerte siyang ‘di-hamak, kaysa sa iba pang mga kasamahang OFW na minamaltr*to ng mga nagiging amo nila.

Kamukhang-kamukha ng kaniyang kaisa-isang anak na binatilyong si David ang katabing dalagita. Napansin ng dalagita ang pagsulyap-sulyap ni Debora. Sa halip na mailang ay ngumiti pa ito sa kaniya.

“Bakit po? May dumi po ba sa mukha ko?” nakangiting tanong ng dalagita.

“Ay, sorry… nabother ka ba? Wala naman. Maganda kang bata, iha. Kamukhang-kamukha mo ang anak kong si David. Teka, ipakikita ko sa iyo,” at inilabas ni Debora ang kaniyang selpon. Ipinakita niya sa katabing dalagita ang litrato ng anak. Maging ito ay namangha sa mga nakita. Para kasing nakita niya ang sarili sa katauhan ng ibang tao, sa ibang kasarian.

“Baka kayo po ang tunay kong ina?” pabirong tanong nito. Nagkatawanan silang dalawa.

“Ikaw lang bang mag-isang bumiyahe?” untag ni Debora.

“Hindi ho. Nasa bandang dulo po ang mga magulang ko. Dito po ako napunta dahil humabol lang po ako. Tamang-tama ho na may hindi raw makakarating na pasahero sa slot na ito, kaya sa akin naibigay.”

Habang lumilipad ang eroplano ay nagkakuwentuhan sina Debora at ang dalagita na nagngangalang Angelita. Marami silang napagkuwentuhan. Karamihan sa mga paborito nitong pagkain ay paborito rin ng kaniyang si David. Pati sa mga interes ay halos nagkakatulad din.

Nang humimpil na ang eroplano, hindi alam ni Debora kung bakit humiling ito na mayakap siya.

“Oo, walang problema,” nakangiting pagpapaunlak ni Debora.

Niyakap ni Angelita nang mahigpit na mahigpit si Debora. Gumanti naman ng yakap ang ginang. Kakatwa ang kaniyang naramdaman. Weirdo, ‘ika nga, subalit pakiramdam niya ay si David na kaniyang anak ang kayakap niya.

Hindi niya napigilang mapaiyak. Hindi niya alam kung bakit tumulo ang mga luha niya. Wala namang dahilan para maiyak siya.

“Tita Debora, bakit ho kayo umiiyak?” nag-alalang tanong ni Angelita.

“W-Wala naman… siguro kasi hindi na tayo magkikita? Ang saya kasi ng kuwentuhan natin eh.”

“Puwede po ba mahiram ang cellphone ninyo?”

Ibinigay ni Debora ang kaniyang cellphone kay Angelita. Nag-type dito ang dalagita.

“Hayan, tita, inilagay ko po riyan ang numero ng cellphone ko, pati na social media account. Kapag libre po tayo, magchikahan po tayo ulit, at nais kong makita nang personal ang anak ninyong si David, ang kambal ko sa ibang ina,” nakangiting sabi ni Angelita.

“Oo, oo naman… ipagluluto ko kayong dalawa ng spaghetti na paborito ninyong dalawa,” masayang sabi ni Debora habang nagpapahid ng luha. Naghiwalay na rin sila ng landas ni Angelita.

Bigla siyang nagtaka dahil ngayon lamang pumasok sa isipan niya na para bang walang dalang bagahe ang dalagita; wala rin ang mga magulang na sinasabi niyang kasama.

Naputol ang kaniyang pagmumuni nang may tumawag sa kaniya: ang kaniyang kuya na si Pedrito. Ito ang susundo sa kaniya.

“Tara na, Debora. Dalian natin,” seryosong sabi nito.

“Kuya, nasaan ang nanay? Si David? Ikaw lang nanundo?”

Hindi na nakasagot si Pedrito dahil binitbit na nito ang mga maleta at iba pang bagahe niya.

Habang nasa sasakyan ay tahimik si Pedrito. Seryosong nagmamaneho. Kanina pa siya daldal nang daldal subalit wala itong itinutugon sa kaniya kundi mga isahang kataga lamang.

Hindi maganda ang pakiramdam ni Debora.

Pagdating sa kanilang bahay, nagtaka siya kung bakit may malaking tolda sa harapan. Maraming upuan. May mahahabang mesa.

Pagtingin sa loob, may kurtinang kulay-pula sa kanilang dingding. May naka-adornong krus. May malamlam na ilaw. May kahong mahaba. Kulay-puti.

Napatakbo sa loob si Debora.

Napatda ang lahat ng mga nakakita sa kaniya. Nakalimutan siyang kumustahin. Matagal siyang nagtrabaho sa Saudi bilang kasambahay. Walang nangahas na mangusap.

Unti-unti, lumapit si Debora sa kabaong. Pigil ang kaniyang paghinga.

Gusto niyang sumigaw subalit walang tinig na nais kumawala sa kaniyang lalamunan.

Si David na kaniyang kaisa-isang anak, ang kaniyang inspirasyon, ang dahilan kung bakit siya kumakayod-kalabaw… heto’t nakahimlay sa kabaong.

Tumulo ang luha sa kaniyang mga mata: isang patak, dalawa, tatlo, naging sunod-sunod… ang tahimik na pagluha ay naging iyak, na naging hagulhol, na naging palahaw… sa wakas ay nasambit na niya ang pangalan ni David. Malakas. Pasigaw.

Hindi niya alam kung sino-sino ang mga pumigil sa kaniya, para hindi mahulog ang kabaong sa kinalalagyan nito, dahil sa labis na pagyakap dito.

Hanggang sa kinapos siya ng hininga. Namuti ang paligid niya. Nawalan siya ng ulirat.

Paggising niya, medyo nahimasmasan na siya. Agad siyang dinaluhan ng kaniyang inang si Aling Lourdes.

“Anak… si David… bigla na lamang siyang hindi nagising. Nabangungot.”

“Bakit hindi ninyo kaagad sinabi sa akin, ‘Nay? Bakit naman ninyo ako binigla?” at nagsimula na namang maglandas ang mga luha sa mga mata ni Debora.

“Kasi… ayokong maapektuhan ka nang malubha. Hindi ko alam kung tama ba ang ginawa ko, pero may sakit ka sa puso anak ko. Nawalan na ako ng apo, ayoko nang mawalan ng anak…” umiiyak na sabi ni Aling Lourdes.

Tatlong araw lamang tumagal ang burol. Nagpasya si Debora na ipa-cremate na lamang ang mga labi ng anak. Nais niya itong makasama kahit saan siya magpunta.

Saka niya naalala si Angelita, ang dalagitang nakatabi niya sa eroplano, na kamukhang-kamukha nito.

Kinuha niya ang kaniyang cellphone. Tiningnan niya ang numero ng cellphone na inilagay nito sa phonebook niya. Wala. Walang bagong numero o pangalang Angelita. Wala rin ang social media account nito.

At kinilabutan si Debora.

Naalala niya ang puting kasuotan nito.

Naalala niya na wala itong dalang mga bagahe nang bumaba mula sa eroplano.

Naalala niya na wala itong ibang kasama.

Naalala niya na kamukhang-kamukha ito ng anak na si David, maging ang mga paboritong pagkain at interes ay nagkakatulad sila.

Naalala niya ang pagyakap nito sa kaniya, ang mahigpit na mahigpit na yakap, at ang pakiramdam niyang si David ang nakakulong sa kaniyang mga braso.

Muling napaiyak si Debora.

“Salamat, anak… salamat sa huling pagkakataong makasama at mayakap kita… magpahinga ka na… bantayan mo ako mula sa langit ha?” bilin ni Debora sa pinakamamahal na anak.

Ipinasya na lamang ni Debora na bumalik sa ibang bansa at ipagpatuloy ang buhay, isubsob sa trabaho, para sa kaniyang inang si Aling Lourdes. Isinama niya ang urna na kinalalagyan ng abo ni David.

Tinapos lamang niya ang kontrata at bumalik na rin sa Pilipinas. Nagtayo na lamang siya ng negosyo upang makasama pa niya nang mas matagal si Aling Lourdes.

Advertisement