Inday TrendingInday Trending
Nakatikim ng Pang-iinsulto ang Dalaga Mula sa Dating Kaklase Dahil Promodiser Siya Gayong Nakatapos Naman sa Kolehiyo; Paano Niya Dedepensahan ang Sarili?

Nakatikim ng Pang-iinsulto ang Dalaga Mula sa Dating Kaklase Dahil Promodiser Siya Gayong Nakatapos Naman sa Kolehiyo; Paano Niya Dedepensahan ang Sarili?

Hindi makahanap ng trabaho si Camille sa mga hotel o restawran nang dahil sa pandemya. Marami kasi sa mga ito ang lubos na naapektuhan; kung hindi man nagsara, nagbawas ng mga tao. Bagong gradweyt lamang si Camille sa kursong Hotel and Restaurant Management o HRM.

Matagal niyang hinintay ang pagkakataong ito na makatapos ng pag-aaral, mag-aplay ng trabaho, at makapasok sa isang magandang hotel. Pagkakataon na niya upang makatulong na sa kaniyang pamilya.

“Okay lang ‘yan, anak. Huwag kang ma-pressure. Kaya ko pa namang magtinda sa palengke eh. Malakas pa naman ang kitaan ng prutas at gulay,” pagpapakalma sa kaniya ni Aling Bibeth, ang kaniyang masipag na ina.

“’Nay, simula nang mawala si Tatay, kayod-kalabaw na ho kayo para mapag-aral ako, gayundin ang mga kapatid ko. Ngayong tapos na ako, pagkakataon ko na para makatulong naman sa inyo. Nakakainis kasi itong pandemyang ito eh,” hindi mapigilan ni Camille ang inis.

“Kaunting tiyaga anak, may awa ang Diyos. Makakahanap ka rin ng trabaho.”

“Sana nga, ‘Nay. Kasi marami akong gustong gawin at bilhin. Gusto kong maayos ang mga sira-sirang bahagi ng bahay natin. Saka gusto ko ring makapagbigay na ng mga panggastos dito sa bahay.”

“Huwag kang mag-alala, anak, at naniniwala akong may kukuha sa iyo. Ikaw pa ba, eh napakahusay mo.”

Sa mga ganoong pagkakataon ay nabubuhayan ng loob si Camille. Iba talaga ang inspirasyong dala kapag naniniwala ang mga magulang at mahal mo sa buhay. Kung tutuusin, maganda naman ang tinapos niya: kursong Hotel and Restaurant Management.

Punumpuno siya ng pag-asa nang siya ay makatapos at mahawakan na niya ang diploma. Subalit bigla ngang dumating ang pandemya. Isa sa mga naapektuhang sektor ay ang mga hotel at restawran.

Isang araw, napag-alaman ni Camille na tumatanggap ng karagdagang promodiser ang isang supermarket malapit sa kanila.

Hindi nagsayang ng kaniyang oras si Camille. Inihanda niya ang resume maging ang kaniyang sarili para sa aplikasyon. Ipinasa niya ito sa opisina ng Human Resources Department. Ilang araw lamang ay nakatanggap na siya ng tawag.

Matapos ang ilang mga panayam ay natanggap na rin sa trabaho si Camille. Masaya niya itong ipinamalita sa kaniyang ina.

“Sabi ko naman sa iyo eh, may tatanggap kaagad sa iyo. Saang hotel ba ito o restaurant?”

“’Nay, sa supermarket po muna bilang promodiser, habang naghihintay pa ako ng tawag sa iba pang mga hotel at restaurant na inaplayan ko. Kaysa naman sa ngumanga ako rito.”

“Ayos lang ‘yan, anak. Sige lang. Gawin mo ang nararapat.”

Matapos ang isang linggong oryentasyon at training, sumabak na nga sa trabaho si Camille. Hindi naging madali ang lahat dahil bukod sa pag-aalok sa mga kustomer na tangkilikin ang produkto, kinakailangan din niyang mag-imbentaryo, at gumugugol din ito ng ilang oras.

Bukod doon, hindi rin basta-basta nakakaupo. Kailangang lagi silang nakatayo at mag-asiste sa mga kustomer.

“Hello, Ma’am. Bili na po kayo…”

“Camille? Camille, ikaw nga…” at tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Si Jocelyn iyon, dati niyang kaklase sa hayskul.

“Uy, Jocelyn, kumusta ka? Akalain mong magtatagpo pa tayo rito,” nakangiting bati ni Camille.

“Mabuti naman. Heto, asensado na. Nakapangasawa ako ng mayaman, pero hinahayaan din niya akong magtrabaho para career woman din ako. Architect na ako ngayon. Ikaw? Akala ko ba college graduate ka, bakit dito ka nagtatrabaho?” untag nito.

Hindi maintindihan ni Camille kung bakit tila pakiramdam niya ay iniiinsulto siya ni Jocelyn. Pinili niya pa ring ngumiti at sagutin ito nang maayos.

“Tama ka naman, HRM graduate ako, kaya lang naapektuhan kasi ng pandemya ang hotel and restaurant industry. Freeze hiring. Kaya… habang naghihintay pa ako, eh dito muna ako,” aniya.

“Camille, baka naman may iba ka pang alam na trabaho? Alam mo, sayang ka. College graduate ka eh. Puwede kang pumasok sa opisina, huwag lang sa ganitong trabaho. Para ka na ring walang kinaiba sa mga hindi man lamang nakatuntong sa kolehiyo,” diretsahang payo ni Jocelyn.

“Naku, Jocelyn… salamat sa payo mo ah, pero huwag mo namang maliitin ang trabahong ito. Wala namang kaso kung college graduate ako at ito ang trabaho ko ngayon, kasi marangal namang trabaho ito. Sige ha, nice seeing you, enjoy ka lang sa pamimili mo,” nakangiting sabi ni Camille sa dating kaklase.

Hindi pa man nakakalayo si Camille ay agad na siyang sinundan ng napahiyang si Jocelyn. Abot-abot ang paghingi nito ng paumanhin.

“Patawarin mo ako sa mga nasabi ko. Ang ibig ko lang namang sabihin, sana sa hotel o resto ka magtrabaho, pero naipaliwanag mo naman ang dahilan kung bakit mismatch ang trabaho mo sa kurso. Hindi ko naman minamaliit ang trabaho ng pagiging promodiser. Oh siya, sige Camille, ingat ka lagi at good luck sa iyo!”

Para kay Camille, walang kaso kung siya ay promodiser dahil marangal na trabaho ang kaniyang ginagawa.

Tumagal pa siya ng halos tatlong buwan sa naturang trabaho, at natuwa naman siya dahil kahit paano ay nakaipon siya. Mababait din ang kaniyang mga kasamahan at boss.

Hanggang sa tumawag na nga ang isa sa mga restaurants na kaniyang inaplayan. Nagbaka-sakali siya. Natanggap naman siya.

Mabigat man sa loob, kinailangan na niyang magpaalam bilang promodiser upang pasukin ang mundong nais niya talaga.

Subalit kahit kailan, hinding-hindi niya ikahihiyang naging promodiser siya.

Advertisement