Tinatamad nang Magtrabaho ang Binatang Ito; Bigla Siyang Sumigla nang Makausap ang Isang Matandang Tindero sa Daan
Tinatamad na bumangon si Junie mula sa kaniyang kama. Nag-inat-inat. Alas sais na ng umaga. Para siyang hinahaltak pabalik sa kaniyang higaan. Setyembre na kasi at ilang buwan na lamang ay magpa-Pasko na. Malamig-lamig na ang simoy ng hangin.
Matapos ayusin ang kama, maligo, mag-ayos, at kumain ng almusal ay lumarga na papasok sa trabaho ang binata. Isang sakay ng traysikel mula sa kanila patungong sakayan. Baba. Maghihintay. Sasakay ng bus patungo sa trabaho. Baba. Lakad.
Araw-araw na ganito ang takbo ng buhay niya. Malaki naman ang suweldo niya, maayos ang mga katrabaho, walang maereng boss. Pero nakakaramdam ng pagkabagot si Junie. Parang tinatamad na siyang magtrabaho.
Ilang beses nang sumagi sa isipan niyang magbitiw na sa trabaho, magnegosyo na lang. Pero kapag naiisip naman niyang hindi pa ganoon kalaki ang naiipon niya, tumitiklop siya. Inilalagay niya sa baul ang kaniyang pagtatangka. Marami siyang pananagutan. Wala pa siyang sariling pamilya, pero parang ganoon na rin. Sa kaniya nakaasa ang mga magulang at mga kapatid. Minsan, pati ibang kaanak pa.
“Junie, magdiriwang kasi ng kaarawan si Tita mo eh…”
“Junie, kuwan kasi… pinapalayas na ako sa inuupahan ko…
“Junie, meron ka ba diyan…”
“Junie, pautang naman…”
“Junie… Junie…”
“Junie…”
Napadilat si Junie. Napatayo siya nang makita ang kaniyang boss na nasa harapan na niya. Niyugyog nito ang kaniyang balikat. Kanina pa pala siya nakaidlip sa harapan ng kaniyang kompyuter.
Kitang-kita sa kaniyang mga mata ang pigil na tawa ng kaniyang mga kasamahang kunwari ay abala sa kani-kanilang mga ginagawa, subalit ang totoo ay nakaabang lamang sa mga mangyayari, nakikinig.
Iningit ng kaniyang boss ang kanang bisig nito paharap sa kaniya. Ipinakita ang relo.
“Boss, ang ganda po ng relo ninyo…”
“Junie, hindi relo ko ang ipinakikita ko sa iyo. Kadarating-rating mo lang kanina, hindi ba? Ibig sabihin, bawal matulog sa oras ng trabaho. Mamaya ka na umidlip sa pananghalian. Teka, nagawa mo na ba ang report na kailangan mong ipasa sa akin?” untag nito.
“Opo sir, tatapusin ko na lang po, muli ko lang hong babasahin, tapos ipadadala ko na po sa email ninyo,” wika ni Junie. Pakiramdam niya ay namumutla siya.
“Sige, bago ka umidlip mamaya sa pananghalian, sana nasa akin na. Marami rin kasi akong gagawin, at gusto ko nang matapos ang mga dapat kong gawin.”
Nakahinga nang maluwag si Junie nang umalis na ang kanilang boss.
“Uminom ka ba kagabi?” untag sa kaniya ng isa sa mga kasamahan.
“Hindi… inantok lang talaga ‘ko,” sabi ni Junie. “Ayoko na talagang magtrabaho. Tinatamad na ko. Gusto ko na lang magnegosyo.”
“Anong negosyo naman?”
Hindi nakasagot si Junie. Oo nga ‘no? Gusto niyang magnegosyo pero hindi naman niya alam kung anong negosyo.
“Pag-isipan mong maigi. Tingnan mo ako. Negosyante ako dati, pero nalugi ako dahil hindi bukal sa puso ko yung negosyong pinasok ko. Nagsara ang negosyo ko. Dito ang bagsak ko ngayon. Empleyado.”
“Bakit, ano’ng masama sa pagiging empleyado?” tanong ni Junie.
“Wala naman. Empleyado man o negosyante, pare-parehong kumakayod.”
Habang naglalakad patungo sa sakayan ay nag-iisip si Junie kung ano nga bang negosyo ang papasukin niya.
Maya-maya, nakita niya ang isang matandang lalaki na nagkakandahirap na sa pagtulak ng kaniyang maliit na tindahang de-gulong; nagtitinda ito ng mga karaniwang streetfood gaya ng kwek kwek, tokneneng, balat ng manok, at iba pa.
Kahit hirap na hirap sa kaniyang katawan ay mababakas pa rin ang kasiyahan sa mukha nito.
“’Tay, pabili nga ho ng tokneneng. Pakilagyan po ng sukang sawsawan na maraming sili at bawang,” ani Junie. Naengganyo siyang bumili.
Nanginginig-nginig na ang kamay ng matandang lalaki.
“’Tay, bakit ho nagtitinda pa kayo? Wala ho ba kayong kasama sa bahay?”
“Meron, kaya lang ay mas gusto kong kumita sa sarili kong bulsa. Saka kapag ako’y tumigil sa paghahanapbuhay, baka mas mapadali ang aking pagtungo sa kabilang buhay.”
Napatango-tango si Junie.
“Kaya ikaw iho, habang malakas ka pa, kayod lang nang kayod. Ipon lang nang ipon. Kasi kapag matanda ka nang gaya ko, marami nang masakit sa katawan. Gustuhin man ng utak mong magtrabaho, minsan, sumusuko na ang katawang-lupa.”
Parang sinampal si Junie sa mga sinabi ng matandang lalaking tindero. Baligtad ang nangyayari sa kaniya. Malakas ang katawan niya, subalit ayaw na niyang magtrabaho.
Dahil sa mga karunungang nakuha niya mula sa matanda ay binigyan niya ito ng malaking tip. Tuwang-tuwa naman ito.
Kinabukasan, masigla na sa kaniyang trabaho si Junie. Magaan na sa dibdib ang kaniyang mga ginagawa. Napagtanto niya kung gaano siya kapalad sa kalagayan niya ngayon, kaya walang dahilan upang tamarin at mabagot siya sa buhay.
Kailangan niyang magpakasipag ngayon hindi lamang para sa sarili kundi para sa kaniyang pamilya—at magiging sariling pamilya.