Ibinuking ng Isang Lalaki sa Mister ang Ginagawang Pangangaliwa ng Misis Nito; Ngunit Sino Nga Ba Siya Upang Gawin Ito?
Hindi makapaniwala si Arthur sa kaniyang napapanood na maselang bidyo na ipinapanood sa kaniya ng ‘di-kilalang panauhin, isang lalaki, na ngayon lamang niya nakita.
Nanginginig ang kaniyang mga kalamnan.
Agad siyang nagtungo sa palikuran. Bumaligtad ang kaniyang sikmura. Isinuka niya ang laman nito.
Nang mahimasmasan, bumalik siya sa sala.
“Ayos ka lang ba? Pasensya ka na kung dinayo pa kita rito sa Maynila para lang ibuking ang kataksilan ng asawa mong si Lorna. Iyan ang ginagawa niya habang wala ka. Iniiputan ka sa ulo, habang pagod na pagod ka ritong nagtatrabaho, mag-isa. Pinababayaan na rin niya ang mga anak ninyo,” saad ng estrangherong lalaki, na nagpakilala sa pangalang Jason.
Nanlalambot na napaupo si Arthur sa kaniyang sofa.
Ang ipinakita sa kaniya ni Jason ay kuhang bidyo ng kaniyang taksil na asawang si Lorna. May ‘kalaro’ itong ibang lalaki, at sa mismong kuwarto pa nila sa bahay ginawa.
Kaya pala hindi na nagpaparamdam sa kaniya ang misis. Tatlong buwan na. Hindi man lamang nagtatangkang tumawag sa kaniya.
Akala niya’y abala lamang ito sa trabaho bilang empleyado sa isang housing firm. Iyon pala, sa ibang tao na pala abala.
“Hayop sila. Mga hayop sila! Humanda sa akin ang magkalaguyong iyan. Hindi ko palalampasin ang kataksilan sa akin ni Lorna. Minahal ko siya… minahal ko siya…” at hindi na napigilan pa ni Arthur ang pagluha. Wala na siyang pakialam kung kaharap niya ay isang estrangherong lalaki, at pagdudahan ang kaniyang kasarian.
Masakit na masakit ang kaniyang kalooban. Hindi niya malubos-maisip na magagawa siyang lokohin ng misis.
Naalala pa niya kung paanong mismong si Lorna pa ang nagpapansin sa kaniya noon at kumuha sa kaniyang interes upang ligawan siya.
Tutol ang kaniyang ina kay Lorna, unang kita pa lamang nito sa kaniya. Masyado kasing moderno ang paraan ng pananamit ng misis.
Subalit napamahal na rin siya rito kaya inaya na nga niya ng kasal. Biniyayaan sila ng dalawang anak.
“Lorna mahal… kailangan kong bumukod muna ng tutuluyan dahil utos ng kumpanya, habang may pandemya pa. Ayoko rin kasing magdala ng virus sa bahay. Pumayag ka na…”
“Hay naku, baka naman may ibang babae ka na ha?”
“Grabe ka naman sa akin, mahal. Hindi naman ako ganyan. Trabaho ang dahilan kung bakit pupunta ako roon. Uuwi naman ako paminsan para madalaw-dalaw naman kayo.”
Ito naman pala ang dahilan kung bakit hindi na siya kinakausap nito ng mga nagdaang araw. Kunwari ay nagtatampo sa kaniya dahil sa kaniyang hindi pag-uwi. Iyon pala, may iba na pala itong tinatrabaho. May ibang lalaki na palang pinagkakaabalahan.
“Ano pa ang hinihintay mo… puntahan mo na ang asawa mo. Hulihin mo. Tiyak na magugulat siya kapag bumulaga ka sa harapan niya at makita mo ang lalaki niya sa sarili mong pamamahay. Hindi ba’t masyado ka nang nilalapastangan ni Lorna?” ani Jason.
“Tama ka. Tama ka…” nagdilim na ang paningin ni Arthur. Wala siyang gustong gawin ngayon kundi ang makauwi at mahuli sa akto ang kaniyang misis kasama ang kalaguyo nito.
Ngumisi si Jason.
“Mabuti pa, sumabay ka na sa akin. May kotse ako,” alok naman ni Jason.
Wala silang imikan habang nasa loob ng sasakyan. Pinabayaan lamang ni Jason na namnamin ni Arthur ang kaniyang galit.
Makalipas ang ilang oras ay nakarating na rin sila sa bahay ni Arthur. Agad na bumaba si Arthur sa sasakyan at pumasok sa loob ng bahay.
Tamang-tama naman na kumakain sa mesa si Lorna at ang lalaking nakita niyang kaulayaw nito sa bidyo. Walang sabi-sabing sinuntok niya ang lalaki. Hindi na nakahuma pa ito. Umibabaw na rito si Arthur. Suntok, suntok, sapok, buntal, suntok, suntok, suntok…
Hindi nakahuma si Lorna. Matalim na titig ang ipinukol niya kay Jason. Ngumisi naman si Jason na parang nakakaloko.
Duguan ang kamao ni Arthur. Basag ang mukha ng lalaki.
“T-Tama na, A-Arthur… t-tama na…” sabi ng lalaking kalaguyo ni Lorna. Kilala nito ang pangalan niya.
“Alam ko na kung ano’ng namamagitan sa inyo ng asawa ko, mga hayop kayo! Lumayas ka sa pamamahay ko kung ayaw mong manghiram ng mukha sa aso…” mahina ngunit mariin ang pahayag ni Arthur.
Nagdudumali namang tumayo ang nanghihina pang lalaki at dali-daling lumayo na sa kanila. Aambaan pa sana siya ni Jason ng suntok subalit umiwas na ito sa takot.
“A-Arthur… m-mahal… magpapaliwanag ako. Magpapaliwanag ako,” hindi na naitatwa pa ni Lorna ang lahat.
“Nakakasuka ka, Lorna. Nakakasuka ka! Napanood ko na ang lahat ng kababuyan ninyo. Mabuti na lamang at nagmagandang loob si Jason na ipakita sa akin ang lahat,” galit na galit na sabi ni Arthur.
Umiling-iling si Lorna.
“Alam ko, alam kong gagawin ni Jason ang mga bagay na ginawa niya. Natanong mo na ba kung sino si Jason? Ha? Kilala mo ba kung sino siya?”
At napamaang si Arthur. Isang matalim na sulyap ang ipinukol ni Jason kay Lorna. Halatang namutla si Jason.
Napaisip si Arthur. Hindi nga niya natanong kay Jason kung paano ito nakakuha ng kopya ng maselang bidyo ni Lorna at kalaguyo nito.
At bakit ito nagtungo sa kaniya upang isiwalat ang kabulastugang ginagawa ng misis?
“S-Siya, si Jason, ang unang kabit ko! Tutal nagkakaaminan na tayo at nagkakabukuhan dito. Oo Arthur, si Jason ang unang kalaguyo ko, at ang sinapak mo, siya ang bago ko. Nagselos si Jason kaya ginawa niya sa amin ‘to,” pambubuko ni Lorna.
Bumaling si Arthur kay Jason.
“Hayop ka!”
At kung ano ang kinahinatnan ng lalaking sinapak ni Arthur, mas malala pa ang nangyari kay Jason.
Ginawa pala nito ang lahat ng iyon upang makaganti kay Lorna dahil may iba na itong kalaguyo.
Hiniwalayan ni Arthur si Lorna sa pamamagitan ng annullment, at ang kustodiya ng kanilang mga anak ay napunta sa kaniya. Hindi na rin niya nahabol pa ang dalawang lalaki sa buhay ng misis na nawala na parang bula. Wala na siyang pakialam sa manlolokong misis, ang mahalaga ay nasa kaniya na ang kaniyang mga anak. Magsisikap pa siyang lalo sa pagtatrabaho upang mabigyan ang mga ito ng magandang buhay kahit pa wala na siyang kaagapay.