Maagang Naulila ang Kambal sa Kanilang mga Magulang na Mangingisda; Mananatili Ba Silang Magkasama o Mahihiwalay Rin sa Isa’t Isa?
Masayang namumuhay sa dalampasigan ang isang pamilya ng mangingisda nang tumaob na parang bangka ang kanilang pamumuhay.
Maagang naulila ang kambal na sina Ping at Ting. Aksidenteng tumaob kasi ang bangkang sinasakyan ng mag-asawa, nang minsang pumalaot ang kanilang Itang sa dagat upang mangisda.
Nagkataong sumama ang kanilang Inang—na bihira lamang mangyari. Tandang-tanda pa ni Ping ang huling mga pahayag ng kanilang Inang.
“Oh Ping, sasama lamang ako sa Itang ninyo, aalagaan mo si Ting, kahit na anong mangyari.”
Iyon na pala ang huling beses na maririnig nila ang boses ng kanilang Inang at Itang. Namuhay sila sa dagat, at pareho ring bumalik sa dagat.
Bukod sa maghapon-magdamag na pag-iyak, litong-lito sina Ping at Ting. Sila na lamang ang naiwan. Hindi nila alam kung paano pa sila makakakain sa araw-araw. Hindi nila alam kung paano pa sila makakapag-aral sa paaralan. Hindi nila alam kung makakaya ba nilang dalawa.
Magkamukhang-magkamukha sina Ping at Ting subalit magkaibang-magkaiba naman sila sa ugali.
Mas sanay si Ping sa mga gawaing-pandagat kaysa kay Ting. Lagi siyang isinasama noon ng kanilang Itang. Kayang-kaya ni Ping na hatakin ang malaking lambat kapag punumpuno na ito ng mga galunggong, o kaya’y lumusong sa baklad kapag maraming tahong na maaaring maiulam, o maibebenta sa palengke.
Si Ting naman, kahit ilang beses na siyang pinagsasabihan ng kanilang Inang, ng Itang, o minsan pa nga ay sabay sila, mas nanaisin pa nitong matulog na lamang, kaysa malaman ang mga wastong paraan kung paano manghuli ng galunggong o tahong.
“Darating ang panahong mawawala kami, Ping. Kapag nangyari iyon, kampante na akong may magmamana na sa gawaing kinasanayan ko,” laging sinasabi sa ng kanilang Itang kay Ping.
At mukhang magkakatotoo na nga ito.
“Ting, dahil ako naman ang marunong mangisda, ako na lamang ang papalaot. Dahil ikaw naman ang maiiwan dito, sana ikaw na ang bahala sa mga gawaing-bahay,” sabi ni Ping kay Ting.
Aantok-antok na tumugon naman si Ting. “Sige ako na ang bahala rito, Ping. Basta lagi kang mag-uwi ng mga isda ha? Para naman may pang-ulam at may maibenta tayo, magkapera tayo.”
At gayon na nga. Hindi pa man sumisilay ang Haring Araw mula sa Silangan, tangan na ni Ping ang sagwan, sasakay sa isa pa nilang lumang bangkang matagal nang hindi ginagamit, makikipagsapalaran sa hampas ng banayad at kung minsan ay marahas na mga alon.
Masaya si Ping kapag tumatama ang mainit na sikat ng araw sa kaniyang balat, pakiramdam niya ay yapos-yapos siya ng kaniyang Inang at Itang.
Pakiramdam niya ay pinaghehele siya ng mga ito kapag humahampas ang mga alon sa bangka. Tila nariyan lamang sila, iniingatan at binabantayan siya.
Ngunit kilala yata ng mga galunggong at tahong ang tunay na amo nila, dahil minsan, madalang lamang ang kaniyang mga nahuhuli. Minsan pa nga, walang-wala talaga.
Kaya ang ginagawa niya tuwing gabi, bago siya pumalaot kinabukasan, isusulat niya sa isang pirasong papel ang kaniyang mga usal na dasal. Alam niya, makakarating ito sa kaniyang Itang at Inang, at tutulungan siyang makahuli ng mga isda.
Ilalagay niya ang mga binilot na papel sa isang bakanteng bote, ihahagis sa dagat, at hahayaan itong ipaanod, hanggang sa makarating sa kung saan.
Si Ting naman, walang ginawa kundi matulog maghapon. Sa tuwing darating si Ping, dumudungaw ito sa bintana, sinisipat ang laman ng kanilang bangka. Magagalit ito kapag walang nakitang kahit na anong isda o lamang-dagat.
“Wala akong huli, parang malungkot din ang mga isda sa pagkawala ni Itang,” sasabihin naman ni Ping.
May naisip na paraan si Ping kung paano magkakaroon ng dagdag na kita. Napansin niyang maraming mga naglulutangang mga kung ano-anong kasangkapan sa dagat. Pinupulot niya ang mga ito. Bote. Plorera. Banga. Takure. Marami pang iba. Hanggang sa makaipon siya ng maraming-maraming mga patapong bagay, na ibinibenta naman niya sa palengke. Araw-araw, ganito ang ginagawa niya.
Isang araw, inaya siya ng mga kaibigan ng kaniyang Itang.
“Ping, mas marami kang magiging trabaho sa lugar na pupuntahan natin. Sama ka na sa amin.”
Masakit man ang kalooban, iniwan ni Ping si Ting. Maynila raw ang tawag doon. May trabahong naghihintay sa kanila. Gagawa raw sila ng mga bahay, ng mga gusali, at iba pa. Mas maraming kita.
Habang dumaraan ang mga araw na malayo siya sa dalampasigan, sa bangka, sa dagat, at kay Ting, nakararamdam siya ng matinding lungkot.
Alam niyang may mga iniwan siya.
Hindi pa man natatapos ang isang linggo, bumalik siya sa kanilang lumang bahay. Nagmamadali siya.
Pagdating niya, wala si Ting. Ginalugad na niya ang kasuluk-sulukan ng kanilang bahay, subalit wala talaga ang kaniyang kambal.
Maya-maya, napadungaw siya sa bintana na dating pinupuwestuhan ni Ting. Nakita niya ang lumang bangkang paparating. Nagulat siya sa sakay nito. Si Ting!
Kitang-kita ni Ping ang pagsaya ng mukha ng kambal. Agad itong sumagwan patungo sa baybay. Nagtatakbo. Niyakap siya.
“Akala ko, talagang iiwan mo na talaga ako, Ping.”
“Hinding-hindi na kita iiwan, Ting. Walang iwanan,” pangako ni Ping sa kaniyang kambal.
Simula noon, lagi nang magkasamang pumalaot sa dagat ang kambal. Sabay na rin silang naglalagay ng mga binilot na papel ng dasal sa bakanteng bote na inihahagis nila sa dagat. Alam nilang masayang-masayang nakamasid ang kanilang Inang at Itang mula sa kalangitan.