Kinatatakutan ng Lahat ang Matandang Babaeng May Dalang Malaking Katutubong Lukbutan at Itim na Ibon sa Kaniyang Balikat; Anong Misteryo ang Nasa Pagkatao ng Babae?
Umagang-umaga, kasabay ng pagsilay ng ngiti ng Haring Araw sa Silangan, pupungas-pungas na bumangon si Rick sa higaan. Narinig na naman niya ang pagkukwentuhan ng kanyang nanay at ate.
“Hayan na naman si Aling Mercy. Nakakatakot naman. Bakit kasi ganyan ang hitsura niya?” sabi ng kanyang ate.
Matapos marinig ang sinabi ng kanyang ate, agad siyang lumundag sa kanyang kama at patakbong lumapit sa bandang pintuan ng kanilang bahay. Naroon ang kanyang nag-uusap na nanay at ate.
Parang slow motion ang lahat ng eksena—parang napapanood sa isang teleseryeng paborito ng kanyang nanay tuwing hapon, ang paglalakad sa kalsada ng isang babaeng bakas ang katandaan sa mukha at katawan. Mahaba hanggang beywang ang buhok nito na puting-puti, may putong sa ulo, mahaba at itimang damit. May nakasukbit na katutubong bag sa kanyang likuran, at ang mas kakatwa sa kanya, ang malaking ibon sa kanyang balikat.
Una nilang nasilayan ang matandang babaeng iyon dalawang buwan na ang nakalilipas. Bigla na lamang itong lumitaw sa kanilang lugar, at ang sabi, siya raw ang bagong tagapangalaga ng lumang bahay sa kabilang kalsada ng kanilang baryo. Kinatakutan at kinailagan siya ng mga tao, dahil sa kanyang kakaibang anyo, bagama’t nakilala siyang mahusay na mananahi kahit dalawang buwan pa lamang siyang nananatili roon.
Pananahi ang tanging kinabubuhay ni Aling Mercy. Kahit nakatatakot ang kanyang anyo, may mga nangangahas pa ring magpagawa ng mga bestida, baru-baruan ng bata, kobrekama, at iba pang uri ng kasuotan, at talaga namang mapapalatak ang sinuman dahil sa gandang taglay nito. Ang kakaiba kay Aling Mercy, hindi siya nagpapabayad ng salapi, bagkus ay puting sinulid at tela ang hinihingi niyang kabayaran sa kanyang serbisyo.
Isang araw, umalis ang kanyang nanay upang mamalengke. Wala rin ang kanyang ate dahil nagtatrabaho ito. Kailangan na ring lumakad ni Rick papasok sa kanyang eskwela. Habang nagbibihis, nawarak ang pundya ng kanyang unipormeng pantalon. Halos maiyak si Rick. Hindi siya marunong manahi. Hindi maaaring hindi siya pumasok, may quiz pa naman sila.
Naalala niya si Aling Mercy, ang nakatatakot na mananahi. Naisipan niyang ipatahi ang kanyang pantalon. Subalit bigla siyang nakaramdam ng takot. Naalala niya ang hitsura nito. Pero hindi siya makakapasok sa paaralan kapag nagkataon. Isa pa, wala siyang puting sinulid at puting telang pambayad. Naalala niya ang laging sermon ng kanyang nanay. Kailangang malakas ang loob. Hindi maaaring laging nahihiya lalo na’t kung wala namang ginagawang masama.
Wala siyang magagawa kundi lumapit nang tulong kay Aling Mercy. Bantulot siyang nagtungo sa bahay nito. Saktong nasa bakuran ito at pinapakain ang alagang ibon.
“M-Magandang umaga po, A-Aling Mercy. Maaari po ba akong magpatahi sa inyo? Nasira po kasi ang uniporme ko,” nahihiyang sabi ni Rick.
“Sige. Pasok ka, iho.” Mabait naman pala si Aling Mercy.
Nangingimi mang pumasok, tumuloy na rin si Rick at inabot ang kanyang pantalon sa mananahi. Kinuha ng mananahi ang isang malaking kahon ng sapatos na kinapapalooban ng lahat ng mga gamit para sa pananahi. Sinuyod ng sulyap ni Rick ang loob ng bahay ni Aling Mercy. Malinis ang loob ng kabahayan nito. Antigo ang mga gamit, lalo na ang mga naglalakihang cabinet. Libang na libang si Aling Mercy sa pagsusulsi ng kanyang nasirang pantalon, kaya naman hindi nito napansin ang pagpasok ni Rick sa loob ng isang silid. Nagulat si Rick sa kanyang nakita—isang tila hugis-taong nababalutan ng puting tela at sinulid, na natiyak niyang isang mummy ang nakahiga sa isang malaking kama! Inilabas niya ang kanyang selpon at kinuhanan ng larawan ang mummy.
“Ano’ng ginagawa mo rito?!”
Nagulantang si Rick sa paglapit ni Aling Mercy. Naumid ang dila ni Rick. Hindi niya alam kung anong sasabihin niya. Hindi niya alam kung kanino matatakot. Sa mummy na nakita niya, o sa galit na si Aling Mercy. Maraming gustong itanong si Rick subalit walang tinig na nais lumabas sa kanyang lalamunan.
Lumapit si Aling Mercy sa kamang kinahihigan ng mummy. Inayos-ayos ang mga puting sinulid na natatastas. Marahil, nabakas ni Aling Mercy ang namumuong tanong sa kanyang mga mata, kaya nagsalita ito.
“Ito ay aking asawa. Hindi ko siya maipalibing nang maayos dahil wala akong pera. Apat na taon ko nang dala-dala ang kanyang bangk*y. Wala akong kamag-anak na pwedeng lapitan. Ibinalot ko na lamang siya sa mga tela at sinulid. Ayaw pumayag sa sementeryo na mailibing ko siya. Mahirap lamang ako.”
Hanggang sa pagkauwi ng bahay ay binabagabag ang kalooban ni Rick. Napakahirap pala ng kalagayan ni Aling Mercy. Dahil sa kahirapan ay ni hindi nito maipalibing nang maayos ang kanyang asawa, sa halip ay ibinalot na lamang sa tela at mga sinulid. Noong sumakabilang buhay ang kanyang tatay, isang maayos na burol at libing ang naibigay nila. Napakain pa nila ang mga kamag-anak at mga panauhing nakiramay at nakipaglibing sa kanila. Labis na nalungkot si Rick. Hanggang sa kanilang hapunan sa hapag-kainan ay napansin ng kanyang nanay ang kanyang pananahimik.
Gustong tulungan ni Rick ang kaawa-awang si Aling Mercy subalit hindi niya alam kung anong gagawin. Habang tinitingnan ang larawan ng mummy sa kanyang selpon, may naisip siyang paraan.
Kinabukasan, hindi pa man nakakapasok sa kanyang silid-aralan, sinalubong ng kanyang mga kaklase si Rick. Lahat sila ay may hawak na selpon.
“Rick!!! Sikat ka na!”
“Totoo ba yung nakita mo, Rick? Nakakatakot ba?”
“Anong hitsura ng mummy sa malapitan?”
Kumunot ang noo ni Rick. Hindi niya maintindihan ang sinasabi ng kanyang mga kaklase.
“Tingnan mo Rick. Sikat ka na! Nag-viral ang post mo sa Facebook tungkol sa nakita mong mummy. 10,000 shares na at 2,106 likes!”
Namangha si Rick. Kagabi, bago matulog, sa kagustuhang matulungan si Aling Mercy, naisip ni Rick na i-post sa kanyang Facebook account ang larawan ng mummy. Nilagyan niya ito ng caption: Tulungan po natin si Aling Mercy na maipalibing ang kanyang asawang mummy.
Dahil sa viral post ni Rick, nakarating sa lokal na pamahalaan ang tungkol sa mummy, naitampok sa mga balita at mga programang pantelebisyon, at bumuhos ang tulong at suporta sa pagpapalibing sa mummy. Simula nang mailibing ang kanyang asawang mummy, lagi nang nakangiti si Aling Mercy. Malaki ang naging pasasalamat ng matanda sa ginawang pagtulong sa kaniya ni Rick. Nang dahil sa binatilyo, maayos na ang kinalalagyan ng kaniyang pinakamamahal na mister.