Kumpiyansado ang Binata na Siya’y Sasagutin ng Dalaga dahil sa Katungkulan ng Ama; Tama Naman Kaya ang Akala Niya?
“Buo na ba ang loob mo na ligawan si Melody? Ang pinakamaganda estudyante sa unibersidad natin?” pang-uusisa ni Kaloy sa kaibigan habang sila’y bumibili ng bulaklak sa tapat ng kanilang paaralan para sa dalagang napupusuan nito.
“Oo naman, bakit hindi?” kumpiyansadong sagot ni Ricardo saka agad na kinuha ang nabiling bulaklak.
“Hindi mo ba alam na kahit sandamakmak na ang mga binatang nanligaw doon, ni isa, wala iyong sinagot? May artista pa ngang nagpunta rito sa paaralan natin kahapon, eh, pero pati iyon, tinaboy niya! Handa ka na bang mapahiya?” pangangamba pa nito habang patuloy ang pagsunod sa kaniya sa paglalakad patungo sa kanilang paaralan.
“Bakit naman ako ipapahiya no’n? Alam naman niyang tatay ko ang alkade sa siyudad na ito. Bukod pa roon, sino bang hindi nakakaalam na malaki ang binigay na pondo ng tatay ko sa unibersidad na ‘to? Tiyak, makokonsensya o matatakot ‘yon kapag tinabla niya ako,” pagmamalaki niya saka agad na ngumisi.
“Ginagamit mo naman ang tatay mo, eh!” sambit nito na ikinataas ng kilay niya.
“Hinihingi ko ba ang opinyon mo? Ibili mo na ako ng makakain sa kantin! Dalian mo!” sigaw niya rito nang tuluyan na silang makarating sa loob ng kanilang paaralan. Agad naman itong tumalima.
Madalas gamitin ng binatang si Ricardo ang posisyon ng kaniyang ama upang siya’y bigyang pabor ng mga tao sa paligid niya. Kung hindi niya ito gagamitin panakot sa mga propesor niyang nais siyang ibagsak dahil sa katigasan at katamaran niya, gagamitin niya naman ito upang makahakot ng mga estudyanteng pupwede niyang gawing utusan.
Dahil nga bukod sa dekalibre ang yamang taglay ng kanilang pamilya at may kapangyarihan pa ang kaniyang ama sa kanilang siyudad, kahit anong gustuhin niya, kaniyang nakukuha.
Ito ang dahilan para wala siyang maramdamang kahit katiting na kaba sa panliligaw na gagawin niya sa isang estudyante sa kanilang paaralan na sikat dahil sa angkin nitong kagandahan at katalinuhan. Nasa elementarya palang siya noong maakit siya sa kagandahan nito dahilan para kaniya itong sundan hanggang kolehiyo.
Alam man niyang mapili at mailap ito sa mga binatang manliligaw, siya’y kumpiyansadong hindi siya magagawang tanggihan nito dahil nga sa katungkulan ng kaniyang ama.
Matapos niyang kainin ang biniling pagkain ng isa sa kaniyang mga utusan, agad na niyang hinahanap ang dalagang si Melody sa buong paaralan.
Agad siyang napangiti nang makita itong tahimik na nag-aaral sa kanilang library. Agad niyang pinaalis sa tabi nito ang mga dalagang kasama nito upang kaniya itong makausap nang masinsinan. Umupo siya sa tabi nito saka iniabot ang sandamakmak na pulang rosas.
“Nasa elementarya palang ako, desidido na akong ligawan ka…” hindi pa man niya natatapos ang sasabihin agad na siyang tiningnan nito nang masama. “Ayoko sa’yo,” sabi nito na agad niyang ikinabigla.
“Ano? Sino ka sa tingin mo para tanggihan ako? Hindi mo ba kilala kung sino ang tatay ko?” sigaw niya rito dahil sa labis na pagkainis, sawayin man siya ng librarian doon, sinigawan niya rin ito dahilan para ito pa ang tumahimik.
“Paano ko hindi makikilala ang lalaking nagpatapos sa buhay ng tatay ko?” tanong nito na kaniyang ikinabigla, nagsimula na ring magbulungan ang mga estudyanteng nakarinig nito, “Alam mo ba kung bakit ako nag-aaral mabuti sa abogasya? Upang pabulukin sa kulungan ang tatay mong walang puso!” sigaw pa nito, kaya siya’y nagdali-daling umalis doon at agad na umuwi sa kanilang bahay.
Hindi niya maintindihan kung anong dapat niyang maramdaman noong araw na ‘yon. Ang ama pala ng dalagang pinapantasya niya, nawala dahil sa kaniyang ama.
Sinabi niya sa kaniyang ama ang nangyari at siya’y agad na pinaiwas nito sa dalagang iyon. “Ilang buwan na lang naman, makakapagtapos ka na ng pag-aaral. Marami ka pang makikilalang babae kaya tigilan mo ang dalagang iyon na puno ng kahibangan,” malamig na sabi nito.
Paglipas lang ng halos isang taon, muling binuksan ng dalaga ang kasong kinasangkutan ng kaniyang ama at doon niya nalamang kalaban pala ng tatay niya ang ama nito sa pagkaalkalde dahilan para ito’y ipatapos ng kaniyang ama.
Sa dami ng ebidensyang nakalap nito na hindi niya alam kung saan nagmula, tuluyang napatanggal sa posisyon ang kaniyang ama at nakulong.
“Wala kang dapat ikapagmayabang sa tatay mo, Ricardo. Itatak mo sa isip mo na naging alkalde siya ng siyudad na ito dahil sa isang maruming paraan,” bulong pa sa kaniya ng dalaga saka siya dinuraan na labis niyang ikinahiya.
Simula no’n, hindi na niya muling ginamit ang posisyon ng ama upang makakuha ng kahit anong pabor. Magkahalong kahihiyan at galit ang kaniyang nararamdaman sa ginawa ng kaniyang ama dahilan para ipangako niya sa sariling ititigil niya na rin ang maling pag-uugali.
Hindi man niya nakuha ang pinapangarap na dalaga, masaya siyang makita itong magtagumpay gamit ang isang mabuting pamamaraan.