Inday TrendingInday Trending
Pinagtakpan ng Artistang Ito ang Kasalanang Ginawa sa Ngalan ng Kasikatan; Maaabsuwelto Nga Ba Siya sa Batas?

Pinagtakpan ng Artistang Ito ang Kasalanang Ginawa sa Ngalan ng Kasikatan; Maaabsuwelto Nga Ba Siya sa Batas?

“Pare, hindi ba’t gipit na gipit ka ngayon?” bungad ni Ernel sa kaibigan, isang gabi nang kaniya itong tawagan.

“Oo, pare, bakit? May trabaho ka ba para sa akin? Diyos ko, maraming salamat! Kailangang-kailangan namin ng asawa ko ang pera dahil siya’y manganganak na sa katapusan!” masayang sagot nito habang mangiyakngiyak.

“Tama ka, mayroon akong trabaho para sa’yo, pero ang tanong ko, kakayanin mo ba?” tanong niya rito nang may nanginginig na boses.

“Oo naman! Parang hindi mo naman ako kilala! Lahat gagawin ko para sa mag-ina ko!” masigla nitong tugon na ikinabuntong-hininga niya.

“Nakasag*sa ako ngayon ng isang matanda, pare, at gusto kong ikaw ang umako ng kasalanang kong ito kapalit ng isang milyong piso. Makakaasa ka ring hindi ko pababayaan ang mag-ina mo habang nasa kulungan ka,” tuloy-tuloy niyang sabi rito na labis nitong ikinagulat.

“To-totoo ba ‘yan, pare? Teka, parang hindi ko yata kayang…” hindi pa ito tapos magpaliwanag, agad na niya itong sinigawan.

“Kaya mo ‘to! Makakalaya ka naman paglipas ng ilang taon! Hindi ‘to pwedeng malaman ng taong bayan, dahil tiyak malalaos ako! Kung hindi mo ‘to tatanggapin, sisiguraduhin kong walang ospital ang tatanggap sa asawa mo kapag nanganak siya!” desperado na niyang panakot dito dahilan para ito’y magdali-daling pumunta sa kinaroroonan niya.

Isang sikat na artista ang binatang si Ernel. Hindi na mabilang sa daliri ang mga pelikulang pinagbidahan niya na talaga nga namang tinangkilik ng taong bayan.

Dahil dito, sandamakmak din ang mga manunuod na humahanga hindi lang sa angkin niyang talento sa pag-arte kung hindi pati na rin sa kabaitan niya sa kaniyang mga tagahanga na kung minsa’y sinasadya niya pa kung saan man ito nakatira.

Ang imaheng nabuo niya sa mga ito ang labis niyang pinagkakaingatan dahilan para ganoon na lang siya mag-ingat sa kaniyang mga ginagawa. Sabi niya pa, “Ang kabaitan kong nakikita nila ang siyang nagpasikat sa akin, dapat hindi ko ito masira.”

Kaya lang, sa hindi inaasahang pagkakataon, siya’y nakasag*sa ng isang matanda na agad nawalan ng buhay dahil sa kaniyang labis na kalasingan noong gabing iyon. Ito ang dahilan para agad niyang maisipang ipaako ang kasalanang ito sa kaniyang mahirap na kaibigan kapalit ng malaking halaga ng pera alang-alang sa kaniyang kasikatan.

Katulad ng nais niya, dumating nga roon ang kaniyang kaibigan at ito ang humarap sa mga pulis. Sinabi nitong, “Ako po ang nagmamaneho, hindi ko po sinasadya,” dahilan kaya agad itong dakpin ng mga pulis at ikulong na labis na nagbigay sa kaniya ng kaginhawaan.

Kagaya ng pangako niya sa kaibigan, inabutan niya nga ng malaking halaga ng pera ang asawa nito at kumuha ng isang taong mag-aalaga rito pati sa anak nito. Kumausap na rin siya ng isang ospital na magpapaanak dito sa katapusan ng buwan.

Buong akala niya, siya’y tuluyan nang naabsuwelto sa kasalanang ginawa niya. Kaya lang, isang araw, siya’y sinadya ng mga pulis upang tanungin sa pangyayari. Sabi pa ng mga ito, may grupo ng mga kabataan ang nakasaksi sa nagawa niyang kasalanan at may kuha ang mga itong larawan at bidyo.

Doon na siya tila binuhusan ng malamig ng tubig. Nanginig ang buo niyang katawan habang siya’y inaalalayan ng mga pulis papasok sa patrol.

Sa presinto, humarap sa kaniya ang hindi bababa sa sampung kabataan na noon pala ay gumagawa ng vlog para sa kanilang dokumentaryong proyekto sa paaralan.

Dahil sa isang matibay na ebidensyang iyon, hindi na niya nagawang itanggi ang kasalanan. Siya’y lumuhod sa mga kaanak ng matandang kaniyang nabundol na noon ay naroon din upang makinig sa kaniyang paliwanag.

Ngunit ni isa sa mga ito, kahit pa siya’y kilalang aktor, walang gustong magpaabsuwelto sa kaniya. Lahat ng mga tao rito, pati na ang mga kabataang nakasaksi ng insidente, gusto siyang managot at makulong.

“Kayang-kaya mo namang tumawag ng ambulansya noong mga oras na iyon, pero inisip mo ang kasikatang mawawala sa’yo kaya agad kang nag-isip ng paraan upang pagtakpan ang ginawa mo. Idolo pa naman kita, nagsayang lang ako ng pera sa panunuod ng sine dahil wala ka palang kwenta sa tunay na buhay!” sabi ng isang dalagang nakasaksi na ikinadurog lalo ng puso niya.

“Kung nakatawag ka ng ambulansya agad, siguro buhay pa ang tatay namin,” hikbi naman ng isang ginang na naroon dahilan para tuluyan na siyang maiyak.

Katulad ng gusto ng mga ito, siya ay nahatulan ng ilang taong pagkakakulong kasama ang nadamay niyang kaibigan na ngayon, alalang-alala sa kaniyang asawa. Tuluyan ngang nawala ang kasikatan niya simula nang araw na iyon.

Pakiramdam man niyang maaari siyang mabaliw dahil sa pangyayaring ito, pinili niyang magpakatatag upang maituwid ang baluktot na daang kaniyang tinahak.

Advertisement