Inday TrendingInday Trending
Mayamang Lalaki ang Piniling Pakisamahan ng Dalaga Upang Gumaan ang Kaniyang Buhay; Tama Kaya ang Naging Desisyon Niya?

Mayamang Lalaki ang Piniling Pakisamahan ng Dalaga Upang Gumaan ang Kaniyang Buhay; Tama Kaya ang Naging Desisyon Niya?

“Bespren! Nakasalubong ko ang nanay mo, ang balita niya sa akin, nagsabay raw magpunta rito sa bahay niyo ‘yong kambal na manliligaw mo?! Anong balita? Nag-away ba sila sa harapan mo?” pang-uusisa ni Analy sa kaniyang kaibigan, isang tanghali nang napagpasiyahan niyang abutan ito ng ulam.

“Hindi! Subukan lang nilang gawin ‘yon, pareho ko silang ba-busted-in!” mayabang na sagot ni Natasha saka inilagay sa lamesa ang ulam na bigay ng kaibigan.

“Ang tapang talaga ng kaibigan ko! Sabi pa ng nanay mo, may napili ka na raw na magiging nobyo. Sino sa dalawang ‘yon? Si Marco ba o si Mario?” tanong pa nito.

“Si Marco,” nakangiti niyang sagot.

“Ano? Babaero pa ang pinili mo! Ang bait-bait ni Mario sa’yo at sa nanay mo! Tumutulong pa nga ‘yon sa paglilinis dito sa bahay niyo habang si Marco dinadalhan ka lang ng pagkain, ayaw pang sumadya rito!” dismayado nitong sabi.

“Iyon na nga, eh, aanuhin ko ang mabait na lalaki kung walang maipapakain sa akin? Tiningnan ko ang mga bank accout nila, nakita kong wala pang isang daang libo ang pero ni Mario habang nasa isang milyon ang pera ni Marco sa tatlong bank account niya!” kwento niya pa rito habang ngingiti-ngiti.

“Totoo ba ‘yan?” paninigurado pa nito.

“Oo! Kahit kambal sila, makikita mo talaga kung sino ang masipag at madiskarte sa mabait lang!” nguso niya pa rito dahilan para tanggapin na rin nito ang ginawa niyang desisyon.

Pangarap ng dalagang si Natasha noon pa man ang makatagpo ng isang mayamang lalaki na babago sa buhay niya at ng kaniyang ina. Isang lalaking may matabang bulsa, maayos na trabaho, at may sariling mga ari-arian.

Kaya naman, kahit may maganda na siyang trabaho ngayon at bahagya nang maalwan ang buhay nilang mag-ina kaysa dati na isang kahid isang tuka sila, hindi niya pa rin maalis sa isip ang pangarap niyang ito.

Ito ang dahilan para ganoon na lang siya labis na magpapansin sa mga lalaking nakikilala niya sa social media. Walang araw na hindi siya naglalagay doon ng magandang litrato upang makabingwit ng mga mayayamang lalaki.

At dahil nga sa kagandahan niya, nakuha niya ang pansin ng isang kambal. Sabay pang nagmensahe ang dalawang ito sa kaniya at siya’y kinukumbinsing makipagkita.

Nang malaman niya ang laman ng bank account ng mga ito, roon na niya nabuo ang isip niyang makipagrelasyon sa binatang si Marco.

Wala naman siyang pinagsisihan sa desisyon niyang ito noong mga unang buwan ng kanilang relasyon. Bukod sa palagi nitong pinagbibigyan ang mga kagustuhan niyang kumain sa labas, bumili ng mamahaling sapatos, at kung ano pa mang luho niya, nakita niya rin ang pagbabago sa ugali nito. Naging malapit na rin ito sa kaniyang ina at hindi na rin nambababae.

“Mukhang nakita ko na ang lalaking makapagpapabago sa buhay namin, ha?” ngisi niya habang pinagmamasdan umalis ang nobyo gamit ang isang magarang sasakyan.

Dahil nga may pera naman ang nobyo niya na malapit na niyang pakasalan dahil siya’y nabuntis na nito, nagpasiya na siyang tumigil sa pagtatrabaho kahit na nalaman niyang unti-unti nang nababawasan ang pera ng kaniyang kasintahan.

“Tiyak naman, muling dadami ang pera niya,” sabi niya sa sarili saka napagpasiyahang magbabad sa social media.

Doon niya nakita ang balitang ang dating manliligaw niyang si Mario, isa na ngayong bilyonaryo dahil sa kinita nito sa mga investment.

“Kaya pala wala siyang maipakitang pera sa kaniyang bank account, lahat pala ay in-invest niya sa isang sikat na kumpanya. Habang ang lalaking sinagot mo, natakot sa negosyong iyon at nagpakasasa sa luho,” sabat ng kaibigan niyang biglang sumulpot sa likuran niya. “Ano naman? Ayos lang ‘yon! Nasusuportahan niya pa rin naman ako,” giit niya pa.

“Sigurado ka? Tingnan mo itong nasagap kong balita mula sa kaibigan kong nagtatrabaho sa isang motel,” sabi nito saka pinakita ang bidyo ng kaniyang kasintahan na may sinamang magandang babae sa naturang motel.

“Hi-hindi ‘yan si Marco! Nagbago na siya!” pagmamatigas niya saka tinawagan ang kasintahan, ngunit isang babae ang sumagot at sinabing pagod na pagod daw ang lalaki sa pag-eehersisyo.

Doon na tuluyang gumuho ang mundo niya. Wala siyang ibang magawa kung hindi ang maiyak habang hinihimas-himas ang kaniyang tiyan.

“Hindi mayamang lalaki ang magpapaganda ng buhay mo, bespren, kung hindi ikaw,” pangaral pa ng kaniyang kaibigan dahilan para siya’y muling magkaroon ng lakas ng loob kahit bahagya pa siyang natatakot at kinakabahan sa buhay na kahaharapin mag-isa.

Pagkasilang niya sa bata, ilang buwan lang ang kaniyang pinalipas, muli siyang pumasok sa kaniyang trabaho. Wala na rin siyang natanggap kahit isang mensahe sa kasintahang si Marco. Hindi na rin siya nagsayang pa ng oras upang maghabol dito.

Hindi man siya agarang yumaman sa desisyon niyang iyon at siya’y labis na napapagod, ang importante para sa kaniya ngayon, mabigyan niya ng magandang buhay ang kaniyang anak mula sa sarili niyang dugo at pawis. Mahirap man, kakayanin niya ang lahat para sa kanilang mag-ina.

Advertisement