Kung Sino pa ang Biktima ay Siya Pang Pinagalitan ng Manager na Ito; Pahiya Ito nang Dumating ang Amo Nila
“Alam mo namang ayokong-ayoko sa empleyadong nananakit, hindi ba? Bakit nanakit ka pa rin ng kapwa mo empleyado? Akala mo ba ikaw ang boss dito?” galit na bungad ni Ronald sa kaniyang hinahawakang empleyado sa isang sikat na kumpanya.
“Ilang beses ko po bang dapat ipaliwanag sa inyo na kaya ko po iyon nagawa ay dahil pinipilit niya akong makipag-inuman sa kaniya sa isang motel?” hikbi ng naturang empleyado habang pilit itong tumutungo dahil sa kahihiyang nararamdaman.
“Dahil lang doon, gagawa ka ng gulo rito sa opisina natin?!” sigaw niya rito dahilan para magsimula nang magbulungan ang iba pa niyang hawak na empleyado na naroon.
“Sir, kabast*san po ‘yong ginawa niya sa akin! Ilang beses na niyang ginagawa sa akin ‘yon at hindi na po ako komportable! Sinasabi rin po sa kaniya na natatakot na ako sa kaniya pero imbes na tigilan niya ako, lalo niya pa akong pinipilit na sumama sa kaniya. Palagi niya ring pinapansin at binibida sa iba ang katawan…” tuloy-tuloy na katwiran nito dahilan para kaniya itong sigawan.
“Tama na! Kahit gaano ka kagaling na empleyado, kayang-kaya kitang tanggalin sa kumpanyang ito dahil sa ginawa mong gulo! Nasa ospital ngayon ang binatang iyon dahil sa’yo! Kargo pa ng kumpanya ang bayad doon!” bulyaw niya pa rito dahilan para ito’y labis na mapahagulgol sa harapan niya.
Kahit na alam ng manager na ito na may mali sa ginawa ng empleyado niyang lalaki, ito pa ang kinampihan niya dahil dugong-dugo ang mukha nito matapos makatanggap ng ilang sapok mula sa babaeng pinipilit nitong isama sa motel. Matuloy mang magpaliwanag ang empleyadong ito na pinagtanggol lang nito ang sarili, hindi niya ito pinakikinggan. Katwiran niya, “Hindi naman siya pisikal na nabast*s ng binatang iyon! Bakit kailangan niyang gumawa ng gulo rito at ipahiya ako sa mga nakatataas?”
Ito ang dahilan para ganoon niya na lamang niya ito ipahiya sa mga kapwa empleyado. Labis man itong umiyak at lumuhod sa harapan niya, umiiling-iling lang siya sa tapat nito saka agad na umalis sa opisinang iyon.
Kaya lang, bago pa siya makalabas sa naturang opisina, nakita niyang nakaabang na sa pintuan ang ginang na may-ari ng naturang kumpanya.
“Ah, eh, magandang hapon po, ma’am. Pasensya na po sa gulong naidulot ng isa kong hawak na empleyado. Pangako po…” bungad niya rito, buong akala niya, siya’y maiintindihan nito dahil mabait ito.
“Paano kita pagkakatiwalaan sa paghawak ng mga empleyado ng kumpanya ko, kung gan’yan ang pag-iisip mo? Ang dalagang ‘yan ang biktima sa gulong ito. Hindi porque siya ang nakasakit, siya na ang may kasalanan. Hindi mo kailangang ipahiya ang dalagang ‘yan dahil lang pinagtanggol niya ang sarili niya sa isang m*nyak na bagong empleyadong pinasok mo rito!” sigaw nito sa kaniya na labis niyang ikinabigla, pati mga empleyadong naroon, lahat ay napatungo.
“Ma’am, hi-hindi niyo po naiintindihan…” hindi niya pa tapos ang sasabihin, siya’y muli nitong sinigawan.
“Tama ka, hindi ko maintindihan kung bakit nilagay kita sa posisyon mong ‘yan kahit hindi ka marunong magprotekta sa mga empleyado mo!” bulyaw niya nito na labis niyang ikinatungo.
“Pa-pasensya na po, ma’am,” mangiyakngiyak niyang sagot.
“Huli na ang lahat, pasensya ka na rin. Ayoko sa isang katulad mo,” malamig nitong sabi sa kaniya, “Hija, sumama ka sa’kin, magsasampa tayo ng kaso sa lalaking nambast*os sa’yo,” yaya nito sa dalagang patuloy na umiiyak dahilan para siya’y labis na makonsensya.
Oramismo, kaniyang napagtantong mali nga ang ginawa niyang pagtuon ng atensyon sa maling ginawa ng dalaga. Doon niya lang ding naunawaang ito’y talagang nabast*s ng empleyadong iyon.
“Kung naging mahinahon lang ako, edi sana, maiintindihan ko kung anong nararamdaman ng dalagang iyon. Matutulungan at mapoprotekhan ko pa siya at higit sa lahat, sana, manager pa rin ako hanggang ngayon,” iyak niya habang ninanamnam niya ang mga huling oras niya sa kumpanyang iyon.
Katulad ng gusto ng boss niyang iyon, siya ay natanggal sa trabaho kasabay ng pagpapakulong nito sa empleyadong hawak niya.
Katakot-takot na pagmamakaawa man ang kaniyang ginawa, hindi na siya muling pinagbigyan nito. Hirap man siyang muling maghanap ng trabaho, siya’y muling nagsumikap bitbit-bitbit ang aral na kaniyang natutuhan mula sa dating pinapasukang kumpanya.
“Pangako, hindi na ako ulit magpapakabulag. Ang pambabast*s ay pambabast*s kahit ano pa mang paraan,” sabi niya sa sarili habang papasok sa bagong trabahong kaniyang natagpuan. Nakatatak na sa isip niya ang aral na natutunan. Hinding-hindi na siya uulit pa. Malaki ang pasasalamat niya na nabigyan pa siya ng ikalawang pagkakataon upang makapagsimulang muli, at hindi niya na ito sasayangin pa.