Inday TrendingInday Trending
Ayaw Magtrabaho ng Tambay na Ito dahil may Trabaho naman ang Kaniyang Ina; Hanggang Kailan Kaya Siya Aasa Rito?

Ayaw Magtrabaho ng Tambay na Ito dahil may Trabaho naman ang Kaniyang Ina; Hanggang Kailan Kaya Siya Aasa Rito?

“O, Martin, ang aga-aga mo na namang nakatambay dito sa tindahan namin! Binibilang mo ba kung ilan ang bumibili sa amin para may ideya ka kung paano kami kalabanin? May balak ka bang magtayo ng tindahan, ha?” tuloy-tuloy na sabi ni Kiko sa kababata.

“Kahit kailan talaga ‘yang utak mo! Paano naman ako magtatayo ng ganitong klaseng tindahan kung wala akong pangpuhunan, ha?” sagot ni Martin saka humithit ng kaniyang sigarilyo at humigop nang malamig na softdrinks. “Aba, malay ko ba kung tumuwid na ‘yang utak mo at naghanap ka na ng trabaho!” sigaw nito saka siya tinapik-tapik sa likuran.

“Diyos ko! Napakalabong mangyari ‘yon! May trabaho naman ang nanay ko at maayos naman kaming nakakakain sa isang araw, bakit pa ako magpapakahirap magtrabaho?” patawa-tawa niyang tugon, animo’y nagyayabang pa.

“Seryoso ka ba sa kat*ngahang sinasabi mo? Ang tanda-tanda na ng nanay mo, sa kaniya ka pa rin umaasa! Hindi ka na nahiya! Ang laki-laki ng katawan mo, ayaw mong magbanat ng buto!” payo nito sa kaniya na ikinatawa niya lang.

“O, yosi, para sa isang katulad mong pakialamero,” pangbabara niya rito saka ito inabutan ng isang sigarilyo na labis nitong ikinailing.

Kampante ang binatang si Martin na kahit wala siyang gawin sa maghapon, mayroon pa siyang makakain dahil sa masipag at responsable niyang ina. Kahit kitang-kita niya nang nahihirapan na itong kumilos, ni katiting na awa, wala siyang nararamdaman. Siya pa ang nagtutulak ditong pumasok sa trabaho bilang katulong araw-araw para may makain siya.

Katwiran niya, “Nagdesisyon siyang buuin ako kaya dapat alagaan at pakainin niya ako hanggang sa huling hininga niya.”

Ito ang tanging dahilan para kahit siya’y mahigit kumulang tatlumpung taong gulang na, ni minsan, hindi pa rin sumagi sa isip niyang maghanap ng trabaho.

Ayos na siya sa buhay niyang patambay-tambay lang sa tindahan ng kababata habang ginagasta nang patago ang perang ipon ng ina.

Nang araw na ‘yon, pagsapit ng alas dose ng tanghali, siya’y nakaramdam na ng gutom dahilan para siya’y magdesisyong umuwi sa kanilang bahay.

Ngunit, agad na nag-init ang ulo niya nang makita niyang nakahiga lang sa kanilang papag ang kaniyang ina.

“Hindi ka pumasok? Ano na lang ang kakainin natin ngayon, ha?” sigaw niya rito, ngunit hindi ito umiimik dahilan para tapik-tapikin niya ito.

Doon niya napagtantong wala na itong malay kaya dali-dali niya itong dinala sa ospital sa tulong ng kaniyang kababata na sumunod pala sa kaniya upang ipatikim ang nilutong ulam.

Pagkarating nila sa ospital, agad na sinuri at nilunasan ang kaniyang ina. Paglipas lang ng halos isang oras, siya’y nilapitan ng doktor at sinabing malala na ang sakit nitong diabetes.

“Imposible naman ‘yon, dok! Kung totoo ‘yan, edi sana, marami na siyang sugat at…” siya’y agad na napatigil nang ipakita sa kaniya ng doktor ang sandamakmak na sugat ng kaniyang ina sa paa na binabalot lang nito ng katsa at medyas.

“Kulang pa ba ang sugat na ito upang maniwala ka?” tanong nito dahilan para siya’y manghina, “Kailangan nating putulin ang paa niya upang huwag nang kumalat pa ang mga sugat niya,” dagdag pa nito na ikinagulat niya. “Pe-pero, wala po kaming pera, dok,” uutal-utal niyang pag-aalala.

“Hindi mo ba kayang humanap ng paraan para maisalba ang buhay ng nanay mo?” tanong nito saka siya tuluyang iniwan.

Habang pinagmamasdan niya ang inang hirap na hirap sa iniindang mga sugat, kaniyang napagdesisyunang maghanap na ng pera upang ito’y ipaopera.

Tila umayon naman ang tadhana sa kaniya dahil ang doktor na tumingin sa kaniyang ina ay nangangailangan ng isang hardinero. Agad na niyang sinunggaban ang oportunidad na ito at dahil hindi pa rin sapat ang kinikita niya rito, siya’y naghanap pa ng ibang raket hanggang sa makaipon siya ng sapat na perang pampaopera rito.

Nagbigay tulong din ang ilan nilang mga kamag-anak, kapitbahay, pati na rin ang kababata niyang si Kiko dahilan para agad na mapaoperahan ang kaniyang ina.

Simula noon, hindi na niya ito muling pinagtrabaho. Siya na ang nagbanat ng buto para mapakain at patuloy itong mapagamot.

“Bakit ba kasi pinaabot ko pang maputulan ka ng paa bago kita alagaan at tulungan? Pasensya ka na, mama, ha? Ako naman ngayon ang babawi sa’yo,” nakangiti niyang sabi rito, isang araw bago siya pumasok sa trabaho.

Advertisement