Napasubo sa Payabangan ang Ginoo; Sising-sisi Siya sa Naging Bunga ng Kaniyang Kayabangan
“Anong sinasabi mo na bibili tayo ng bagong sasakyan? Gumagana pa naman yung sasakyan natin. Saka wala naman tayong pera!” hindi makapaniwalang bulalas ng asawa niyang si Merly.
“Sasakyan ba ang tawag doon? Lumang-luma na at mukhang bibigay na. Bakit pa tayo magtitiis, kung meron naman tayong ipon kung tutuusin?” pagdadahilan naman ni Ricky.
Tila mas lalo lamang itong nangunsumi sa isinagot niya.
“Ricky naman! Alam mong may pinaglalaanan tayo sa perang nasa bangko! Para ‘yun sa matrikula ni CJ. Hindi natin ‘yun pwedeng galawin,” patuloy nitong pagkontra.
Ngunit hindi natinag si Ricky. Gusto niya talagang bumili ng bagong sasakyan.
“Ilang taon pa naman bago tumuntong sa kolehiyo si CJ. Pagbigyan mo na ako sa gusto ko. Makakatulong naman ito pareho sa atin. Ibabalik ko naman agad ang pera,” pangako niya.
Bumuntong-hininga ang babae habang magkasalubong ang kilay na nakatingin sa kaniya.
“Hindi ko maintindihan kung bakit pursigidong-pursigido ka riyan sa desisyon mo. Tapatin mo nga ako, ano ba ang nangyari?” nagdududang usisa nito.
Sandaling natameme si Ricky. Alam niyang hindi siya makakalusot sa asawa kaya napipilitan niyang ikinuwento dito ang nangyari nang magpunta siya sa reunion nilang magkakaibigan.
Sinimulan niya ang kwento sa payabangan ng kaniyang mga dating kaklase.
“Heto, manager na ako sa kompanya na pinagtatrabahuhan ko. Sa wakas, na-promote rin,” pagkukwento ni Edward na malaki ang ngisi.
Kabi-kabilang reaksyon ang natanggap nito sa mga kasama nila mesa. Sumunod naman ay si Dario na ibinida ang bagong negosyo na ipinatayo nito.
“Ako naman, kakalipat lang naming mag-asawa sa bagong bahay na pinagawa namin,” masayang kwento rin ni Ruel.
Habang masayang nagkukuwentuhan ang mga ito, si Ricky naman ay tahimik lang na nagpatuloy sa pagkain sa isang tabi. Hindi niya alam kung ano ang iyayabang sa mga ito. Wala naman kasi siyang dapat ipagmalaki.
Umaasa siya na hindi na siya uusisain ng mga kaibigan ngunit ilang minuto lamang ang lumipas, binalingan na siya ni Edward para tanungin.
“Ikaw, Pareng Ricky, hindi ka ba magkukwento? Ikaw yata ang pinakamatalino at pinakamasipag sa ating lahat. Sigurado akong ikaw ang pinakamatagumpay ngayon!”
Sandali siyang natahimik sa narinig. Matagal na panahon na ang lumipas at marami nang nabago.
Kung noon, siya ang hinahangaan ng mga ito dahil sa mataas na posisyon sa trabaho, siya naman ang kulelat ngayon kung tutuusin. Pansamantala siyang walang trabaho ngayon dahil kamakailan lang nang may makasagutan siyang kapwa-empleyado.
At dahil likas na mataas ang tingin sa sarili, imbes na humingi ng pasensya ay mas piniling niya na lang na umalis sa kompanya.
Ngunit hindi niya kayang aminin ang totoo sa mga kaibigan. Bago pa siya makapag-isip ay kusa nang may lumabas na sagot sa kaniyang bibig.
“Bumili ako ng bagong sasakyan bilang regalo sa sarili ko kamakailan lang,” pagsisinungaling niya.
“Talaga? Wow! Anong klaseng sasakyan ba ‘yan?” tanong ni Edward. Bakas ang inggit sa mukha nito.
Napangisi siya bago sinabi ang pangalan ng pinakamahal na modelo ng sasakyan na alam niya.
Agad na nanlaki ang mata ng mga ito.
“Wow, big time ka talaga, pare!” komento ni Dario.
“Iyon ang pangarap kong sasakyan! Nakakainggit ka naman, Pareng Ricky! Dala mo ba ngayon? Pwedeng makita?” ungot ni Edward habang nanghahaba ang leeg sa pagsilip sa parking lot.
Umiling siya kay Edward.
“Hindi ko dala, baka kasi magasgasan. Sa susunod na lang, pare,” aniya.
Akala niya ay tapos na ang usapan ngunit nanlaki ang mata niya sa sunod nitong sinabi.
“Sayang! Pero bibisitahin kita kapag libre ako sa trabaho, ha! Titingnan ko lang,” tatawa-tawang sabi nito.
Kilala niya si Edward. Kapag sinabi nitong gagawin nito ay hindi ito mapipigil. Alam niya rin na hindi niya maitatago sa iba kapag natuklasan nito na nagsinungaling siya.
Problemadong tinanguan niya na lang ang kaibigan.
Naputol ang pagbabalik-tanaw niya nang maramdaman ang marahang hampas ng asawa niya sa kaniyang braso.
“Kung ganon, kaya mo pala gustong bumili ng sasakyan ay dahil napasubo ka dahil sa kayabangan mo? Hindi ka pa rin ba nadadala? Sana sinabi mo na lang ang totoo!” inis nitong sermon sa kaniya.
Parang batang napadabog siya.
“Ah, basta! Pinal na ang desisyon ko na kumuha ng bagong sasakyan!” pagtatapos niya sa usapan.
“Maghanap ka nung second hand. Hindi natin kaya ang presyo niyan,” payo ng asawa niya. Sumang-ayon naman siya dahil may punto ito.
Swerte naman siyang nakahanap nang maghanap siya ng nagbebenta online. Isang lalaki na nagngangalang Ace Garcia. Iyon nga lang ay sa probinsya pa ito nakatira. Nang tawagan niya ito ay nakumbinsi naman siya kaagad dahil sa mga pruweba na ipinakita nito.
Halos bagong-bago pa ang sasakyan, at malaki ang matitipid nila, kaya naman hindi na siya nag-atubili pa.
“Kaso boss, una bayad. Saka ko na dadalhin sa’yo, kapag buo na ang bayad. Para makasiguro,” anito.
Kumunot ang noo niya.
“Hindi ba ako lugi riyan? Hindi ba dapat makuha ko muna ang sasakyan? O ‘di kaya ay kalahati? Hindi ko naman itatakbo ‘yan,” natatawang katwiran niya.
“Kung ayaw mo boss, sa iba na lang. Marami ang nakapila rito,” tila inis na sabi naman nito.
Sa huli ay wala siyang nagawa kundi pumayag sa kondisyon nito.
Kinabukasan ay ipinadala niya dito ang perang pambayad. Sabik na sabik na siyang ipakita at ipagmalaki ang sasakyan sa mga kaibigan ngunit isang maghapon na ang lumipas ay wala pa ring sasakyan na dumarating.
Ilang beses niyang tinawagan ang kausap ngunit hindi ito sumasagot.
“Nag-aalala na ako. Sigurado ka ba riyan sa kausap mo?” tanong ng asawa niya nang maggagabi na.
Hindi siya makasagot. Ang totoo ay maging siya’y kabado na rin dahil malaking pera ang ipinadala niya sa kausap.
Nang lumipas ang halos dalawang araw na wala pa rin silang balita sa nagbebenta ng sasakyan ay nagpunta na sila sa pulis para i-report ang nangyari.
Halos alam niya na naloko siya ngunit nanlambot pa rin siya nang marinig ang komento ng pulis.
“Naku, sir. Na-scam kayo. Kilalang-kilala na namin ‘yan si Ace Garcia. Hindi lang mahuli-huli dahil wala talaga nakakakilala sa tunay niyang katauhan,” umiiling na sabi ng pulis.
Pakiramdam ni Ricky ay papanawan siya ng ulirat sa narinig. Hindi biro ang perang nawala sa kanila sa kapabayaan at kayabangang taglay niya.
Binalot siya ng pagsisisi ngunit huli na. Kung sinuman ang nanloko sa kaniya, alam niyang hindi niya na mababawi ang perang inipon nilang mag-asawa.
Nang gabing iyon ay sakto namang dumating ang kaniyang mga kaklase para bumisita.
Nagtaka ang mga ito na pareho silang tulala.
“Ano’ng nangyari?” usisa ni Edward.
Ipinagtapat niya sa mga ito ang lahat ng nangyari.
Bumakas ang labis na panghihinayang sa mukha ng bawat isa.
“Bakit kasi hindi mo na lang sinabi sa amin ang totoo, Pareng Ricky? Hindi ka naman namin huhusgahan dahil kaibigan mo kami. Alam naman namin na mahirap ang buhay at hindi kailangan na lagi tayong nasa itaas.”
Alam iyon ni Ricky, ngunit mas nanaig ang kaniyang kayabangan at kagustuhan na magmukhang angat sa lahat.
Ngayon, magsisi man siya ay huli na ang lahat.