Inday TrendingInday Trending
Isang Gabi ay Tumakas ang Dalaga Para Mag-Party; Naiyak Siya sa Nadatnan Niya sa Bahay

Isang Gabi ay Tumakas ang Dalaga Para Mag-Party; Naiyak Siya sa Nadatnan Niya sa Bahay

“Kapag sinabi ko sa’yong hindi, hindi. ‘Wag kang magpilit, Princess.”

Sa inis ay naibagsak ni Princess ang kubyertos.

“Bakit ayaw mo akong payagan, Mama? Kilala mo naman sina Ashley!” iritang usisa niya sa ina.

“Wala ang Papa mo rito ngayon. Walang maghahatid at magsusundo sa’yo,” kalmadong paliwanag nito.

Hindi na siya nagsalita pa. Alam niya kasi na pinal na ang salita ng kaniyang ina at hindi niya na ito mapipilit pa.

Nang tumunog ang kaniyang selpon at nakita ang mensahe ng kaniyang kaibigan na si Celine ay napabuntong-hininga na lamang siya.

“Dito na kami sa labas ng bahay n’yo. Bilisan mo,” anang mensahe nito.

Matamlay siyang nagtipa ng sagot sa kaibigan.

“Girl, negative. Hindi ako makakasama. Ayaw pumayag ni Mama.”

Wala pang isang minuto ay sumagot na ito.

“Ano ka ba! Tumakas ka na lang! ‘Di ba sabi mo malalim matulog ang Mama mo? Hindi niya mamamalayan ‘yan,” pambubuyo nito.

Napaisip si Princess. Totoo ang sinabi ng kaibigan. Malalim nga kung matulog ang kaniyang ina. Madalas niya nga itong makantiyawan na tulog mantika.

Sumilay ang lihim na ngiti sa labi ng dalagita. ‘Yun ang gagawin niya para makatakas.

Ngunit sa labis na pagkadismaya niya, imbes na matulog na kaagad ang kaniyang ina gaya ng madalas nitong gawin ay nanood ito ng TV sa sala.

Paano siya makakalabas?

Naghintay siya na makatulog na ang kaniyang ina ngunit isang oras na ay panay pa rin ang halakhak nito sa pinapanood nitong palabas.

“‘Ma, hindi ka pa matutulog?” pasimpleng usisa niya.

Hindi lumilingong tumango lamang ito, hindi mapuknat ang tingin sa pinanonood.

Dismayadong pumasok siyang muli sa kaniyang silid. Maya-maya ay tumatawag na si Celine.

“Princess! Ang tagal mo naman! Sasama ka pa ba?” iritableng usisa nito.

Muli siyang napabuntong-hininga.

“Hindi na yata, Celine. Gising pa si Mama, nasa sala nanonood,” pabulong na sagot niya.

“Ano ka ba naman! Diyan ka na lang sa bintana dumaan! Pagkabit-kabitin mo mga kumot para makababa ka,” anito.

Natatakot man ay iyon nga ang ginawa niya. Matagal-tagal din kasing naghintay ang kaniyang mga kaibigan, nakakahiya naman kung mauuwi lang sa wala ang paghihintay ng mga ito.

Nang makababa siya ay dahan-dahan niyang binuksan ang bakal na gate para makalabas. Tuluyan nang nawala sa isip niya na isara man lang ang bintanang iniwan niyang bukas.

Nang makarating si Princess sa pupuntahan nilang party ay hindi naman din siya nakapag-enjoy. Natatakot kasi siya na baka matuklasan ng kaniyang Mama ang ginawa niyang pagtakas.

Maya’t maya tuloy ang sulyap niya sa kaniyang selpon.

“Nakakainis naman kasama ‘to si Princess!” narinig niya na lang na bulong ng kaibigan.

Dahil doon ay tuluyan na siyang nagdesisyon na umuwi na lang. Habang nasa sasakyan ay panay ang dasal niya na tulog na ang kaniyang ina.

Ngunit pagdating niya sa tapat ng bahay, ganoon na lang ang pagkabog ng dibdib niya nang maabutan ang dalawang police patrol sa labas ng bahay nila. May mga kapitbahay rin na nakikiusyoso.

Kabado siyang nakisali sa umpukan.

“A-ano po’ng nangyari?” nag-aalalang usisa niya.

“Naku, hija! Pinasok ng magnanakaw ang bahay n’yo! Dumaan sa pinagkabit-kabit na kumot, tapos sa balkonahe dumaan,” naiiling na paliwanag ni Aling Pacing.

May panghuhusga pa sa mata nito. Tila alam nito na siya ang may kasalanan kung bakit nakapasok ang magnanakaw.

Ngunit wala doon ang pansin ni Princess. Nanginginig ang tuhod na pumasok siya ng bahay upang mag-usisa.

Panay ang dasal niya na maayos ang lagay ng kaniyang ina.

Ngunit tuluyan na siyang napaupo sa nerbiyos nang makita niya ng ilang patak ng dugo na nagkalat sa sahig. Hindi niya rin makita ang kaniyang ina.

Isang pulis ang lumapit sa kaniya.

“Hija, hindi ka pwede rito, may nangyari kasing nakawan at may–”

“Nasaan po ang Mama ko?” umiiyak na tanong niya sa pulis.

Bago pa makasagot ang pulis ay isang tinig na ang tumawag sa pangalan niya.

“Princess, anak!”

Napatayo siya sa gulat. Saka lang siyang nakahinga nang maluwag nang makita ang mukha ng kaniyang ina. Mukhang maayos naman ang lagay nito. Mayroon lamang itong benda sa braso.

Inaasahan niya na nang galit nito, ngunit sa gulat niya ay niyakap siya nito nang mahigpit.

“Mabuti, anak, at maayos ang lagay mo. Diyos ko!”

Muling tumulo ang luha ni Princess. Kahit kasi kasalanan niya ang nangyari ay wala siyang narinig na paninisi o panunumbat mula sa ina.

Ang mahalaga lang dito ay ligtas siya. Bagay na hindi niya man lang pinahalagahan.

“Sorry, Mama, kung tumakas ako! Hindi ko na uulitin!” umiiyak na pangako niya.

Alam ni Princess sa sarili niya na tutuparin niya ang pangakong iyon. Dahil hinding-hindi niya na ilalagay pang muli sa panganib ang buhay ng ina.

Advertisement