Inday TrendingInday Trending
Hindi Nagdalawang-Isip ang Pilay na Tulungan ang Matandang Pulubi; Isang Magandang Gantimpala ang Kaniyang Matatanggap

Hindi Nagdalawang-Isip ang Pilay na Tulungan ang Matandang Pulubi; Isang Magandang Gantimpala ang Kaniyang Matatanggap

“Boss, baka naman may trabaho kayo riyan para sa akin? Masipag ako, kahit ano ay kaya kong gawin. Hindi po ako mareklamo kahit pangkain lang ang ipasahod mo sa akin ay ayos lang,” pagmamakaawa ni Berting sa mga may-ari ng tindahan sa palengke.

“P’wede bang tumabi ka nga riyan, pilay?! Tingnan mo ngang hindi mo na mabuhat ang katawan mo, gusto mo pang maghanap ng trabaho? Hindi kami tumatanggap ng paralitiko rito! Sa iba ka na lang mang-istorbo!” iritableng sambit naman ng lalaki.

Kahit paano pa magmakaawa itong si Berting ay wala talagang gustong tumanggap sa kaniya.

Nakatira si Berting sa isang barung-barong malapit sa riles ng tren. Dating drayber ng trak ang ginoo ngunit nadisgrasya kaya naputol ang kaniyang binti. Hindi na rin niya maigalaw nang maayos ang isa niyang braso dahilan para hindi na siya makapagtrabaho.

Samantala, dahil naging alagain ay hindi na nakayanan ng kaniyang misis ang kalagayan ni Berting. Nagpasya itong lisanin na lang ang ginoo at isinama nito ang kanilang anak. Halos gumuho ang mundo ni Berting. Simula na rin iyon sa sunud-sunod na pagsubok sa kaniyang buhay.

Dahil wala nang mahingan ng tulong itong si Berting ay minabuti na lang nitong mamalagi sa kasalukuyan niyang tinitirhan sa tabi ng riles.

Araw-araw ay tila isang malaking pakikibaka para kay Berting dahil hindi niya alam kung saan siya kukuha ng kaniyang ipambubuhay sa sarili. Kaya madalas itong tumambay sa simbahan at palengke para makadilihensiya ng pera.

Hapon na at kumakalam na ang sikmura ni Berting ngunit tanging sampung piso lang ang laman ng kaniyang bulsa. Kailangan niyang makagawa pa ng pera para mairaos ang araw na iyon.

Pumunta siya muna saglit sa simbahan upang magdasal. Paglabas niya ay napansin niya ang isang gusgusing matandang lalaki sa gilid ng simbahan. Nakahiga ito at namamaluktot. Sanay naman na si Berting sa ganoong senaryo. Ngunit imbis iwan niya ang matanda ay binalikan niya ito upang tanungin.

“Ginoo, ayos lang po ba kayo?” pilit na ginigising ni Berting ang matanda ngunit patuloy lang ito sa pag-ungol.

Hindi alam ni Berting kung paano maiibsan ang nararamdaman ng matanda kaya nanghingi siya ng tulong sa mga taong dumaraan. Ngunit wala ni isa sa kanila ang nais na tumulong.

Kaya ang ginawa ni Berting ay dumukot sa kaniyang bulsa. Agad niyang ibinili ng kanin at mainit na sabaw ang natitira niyang pera. Dali-dali niya itong ipinakain sa matanda. Nanonood na lang siya habang kumakain ang matandang pulubi.

“M-maraming salamat sa iyo! Ilang araw na rin kasi akong hindi kumakain. Ni wala rin akong mainam na pahinga dahil kung saan-saan na lang ako natutulog. Ni hindi ko nga alam kung paano ako nakarating rito. Akala ko talaga ay katapusan ko na. Salamat sa tulong mo!” saad naman ng matandang pulubi.

“Bakit nga po ba kayo mag-isa, tatang? Taga-saan po ba kayo? P’wede tayong lumapit sa mga awtoridad para matulungan kayong makauwi sa pamilya n’yo. Tiyak akong nag-aalala na rin sila sa inyo,” wika naman ni Berting.

“P-pamilya? Wala na ako no’n. Simula nang mawalan ako ng silbi ay wala nang tumuring sa aking pamilya. Nakakalungkot lang na nariyan lang ang mga tao sa paligid mo batay sa kaya mong ibigay. Pero kapag walang wala ka na, wala ka na ring mahagilap,” saad muli ng matanda.

Napayuko si Berting. Naalala niya ang paglisan ng kaniyang mag-ina.

“Tatang, kung gusto n’yo po ay manatili muna kayo sa tinutuluyan ko habang hindi pa po kayo nakakapagdesisyon kung saan kayo tutungo. Pero pagpasensiyahan n’yo lang dahil pinagtagpi-tagpi ko lang ang mga materyales na makita ko para kahit paano ay mayroon akong matatawag na bahay. Pagpasensiyahan n’yo na rin po kung hindi rin tayo madalas makakakain. Pero mairaraos pa natin ‘to! Naniniwala ako sa Diyos!” sambit naman ni Berting.

Dahil wala nang mapupuntahan ay tinanggap ng matamda ang alok ni Berting sa kaniya.

Nang malaman ng mga kapitbahay ni Berting ang pag-uuwi nito ng isang matandang pulubi ay lalo siyang kinutya ng mga ito.

“Talagang nahihibang ka na rin, Berting, hindi mo na nga alam kung paano bubuhayin ang sarili mo, heto ka’t kumuha ka pa ng responsibilidad! Dalawang bibig na ang papakainin mo! Magiging mahirap na lalo para sa isang pilay na tulad mo,” saad ng isang ginang.

“Hindi ko naman po kayang pabayaan na lang sa lansangan si Mang Arturo. Muntik na siyang mawalan ng buhay kahapon. Baka mamaya ay gano’n na naman ang mangyari sa kaniya. Pupunta ako ng palengke at maghahanap muli ng trabaho ngayong araw. Kahit makabili lang ako ng bigas ay ayos na,” pahayag ni Berting.

Pinilit ni Berting na kumita nang araw na iyon. Buong araw siyang nagbuhat ng mga pinamili ng mga tao. Bago umuwi ng bahay ay naisip pa niyang manguha ng mga kalakal pandagdag sa kanilang panggastos.

Nakabili si Berting ng bigas. Nakahingi rin ng tatlong pirasong isda sa palengke – iyong mga itatapon na ng mga tindero dahil bilasa na.

Agad na nagluto si Berting pag-uwi upang mapakain na rin niya ang matanda. Walang patid sa paghingi ng paumanhin ang ginoo sa matandang kaniyang kinupkop.

“Ano ka ba, ayos lang ako, Berting! Ako nga itong nahihiya sa iyo at nakadagdag pa ako ng alalahanin mo. Kita mo nga naman, kahit hirap ka na dahil sa kalagayan mo ay nagawa mo pa ring tumulong sa akin. Tiyak akong isang araw ay gagantihan ng Panginoon ang kabutihan mo,” saad ng matanda.

Masayang pinagsaluhan ng dalawa ang pagkain nila ng gabing iyon.

Kinabukasan ay maagang gumising si Berting upang maghanap muli ng trabaho sa palengke at makarami sa pangangalakal ng basura. Ngunit laking gulat niya nang mapansing wala na ang matanda sa kaniyang tabi.

Halos masubsob na si Berting sa paghahanap kay Mang Arturo ngunit talagang wala na ito. Labis naman ang pag-aalala ni Berting dahil hindi man lang niya alam kung saan ito nagtungo.

Hindi makapaghanap ng eekstrahang trabaho si Berting dahil laman pa rin ng kaniyang isip ang matandang pulubi. Palinga-linga siya sa paligid. Nagbabakasakaling matanaw niya si Mang Arturo. Ngunit siya ay bigo.

Palubog na ang araw nang nagdesisyon si Berting na umuwi na ng bahay. Lubos siyang nadidismaya sa sarili dahil hindi niya makita ang matanda.

Ngunit lalo siyang nangamba nang mapansin naman niyang wala na rin ang tinitirhan niyang bahay. Giba-giba na ito at napakaimposible na para kay Berting na magawa ito ngayong gabi.

“S-sino ang gumawa nito? Bakit n’yo ginawa ito sa akin? Wala naman akong ginagawang masama sa isa sa inyo!” pagtangis ni Berting.

“Oo nga, wala kang ginagawang masama kahit kanino dahil puro kabutihan lang ang laman ng iyong puso, Berting. Kaya naman hindi ka na dapat dito pa manirahan,” sambit ng isang pamilyar na tinig.

Paglingon ni Berting ay laking gulat niyang makita si Mang Arturo at nakasuot ito ng magarang damit.

“P-paanong nangyari ito, tatang? Nakauwi na po ba kayo sa pamilya n’yo? Masaya ako para sa inyo!” naiiyak sa tuwa si Berting.

“H-hindi, Berting. Sa tanda kong ito ay wala na akong pamilya. Matagal nang namayapa ang aking asawa at hindi naman kami nagkaroon ng anak. Lahat ng yaman sa buhay na nais ko ay nakamtan ko ngunit wala naman akong kahit sino upang maibahagi ko ito. Maraming taong nais akong maging kaibigan dahil sa yaman na mayroon ako. Ngunit wala ni isa sa kanila ang totoo. Kaya naisipan kong magpanggap na maging isang pulubi upang makita ko kung may mga tao pa bang handang tumulong nang walang kapalit. Hindi ko inaasahan na matatagpuan ko pa ito sa isang tulad mo,” paliwanag muli ng matanda.

“Alam ko ang pakiramdam ng walang malapitan. Kaya nais kong makatulong sa aking kapwa hanggang sa makakaya ko. Iyon po kasi ang turo sa akin ng nanay ko noon,” tugon naman ng ginoo.

“Napatunayan mo iyan sa akin. Kaya naman, Berting, nais kong magbigay ng tulong sa iyo. Hindi mo na kailangan pang tumira sa lugar na ito. Ako na ang bahala sa bagong bahay mo. Nais rin kitang anyayahan sa aking kompanya para samahan akong mamalakad nito. Ituturo ko sa iyo ang lahat ng aking nalalaman nang sa gayon ay hindi ka na maliitin ng kahit sino. Ito ang pasasalamat ko sa tulong at kabutihan na ipinakita mo sa akin kahit alam mong wala akong maisusukli sa iyo,” dagdag pa ng matanda.

Sa isang iglap ay nagbago ang buhay ni Berting. Ang dating inaalipusta dahil sa pagiging pilay ay maganda na ang antas sa buhay ngayon.

Sa pag-unlad ng buhay ni Berting ay lalo pa siyang nakatulong sa mga nangangailangan. Lalo lang niya pinatunayan kay Don Arturo na karapat-dapat siya sa pabuyang inilaan nito para sa kaniya.

Advertisement