Inday TrendingInday Trending
Mataas ang Tingin ng Lalaki sa Kaniyang Sarili; Makahahanap Siya ng Kaniyang Katapat

Mataas ang Tingin ng Lalaki sa Kaniyang Sarili; Makahahanap Siya ng Kaniyang Katapat

Inis na inis si Roland dahil ilang minuto na siyang naghahanap ng pa-parking-an ng sasakyan sa harap ng bangko ngunit puno na ito. Kinailangan pa niyang bumaba at kunin ang atensyon ng mga guwardiya.

“Ano ba naman ‘yan?! Bakit hindi n’yo paalisin ang mga tricycle at motor na nakaparada sa harap nang maigarahe ko rito ang aking sasakyan! Mas binibigyan n’yo pa ng pansin ang mga mahihirap na iyan!” nanggagalaiting sambit ni Roland sa mga guwardiya.

“Pasensiya na po, sir, sige po at itatabi namin para makapag-park na kayo,” saad naman ng isang sekyu.

Pumasok si Roland sa bangko na bakas sa mukha ang inis. Nang makita niyang maraming tao ay hindi siya nagdalawang-isip na dumeretso sa unahan ng pila.

“Mawalang galang na po sa inyo, ginoo, pero nakapila po ako. Naroon po ang dulo ng pila,” magalang na saad ng ginang na si Marites.

“Mawalang galang na rin sa iyo. Magkano ba ang idedeposito mong pera? Mukhang manipis. Walang wala sa idedeposito ko. Kaya tumabi ka riyan dahil malaking pera ang dala-dala ko!” pagyayabang ng ginoo.

“P-pero lahat kami ay kanina pa sa pila at magtiyagang hinintay ang aming pagkakataon. Hindi naman ‘yan sa laki ng pera, ginoo,” dagdag pa ng ginang.

Ngunit hindi nagpapigil itong si Roland at ipinilit pa rin niya ang kaniyang gusto. Sa pagkakataong ito ay ang teller na sa bangko ang kaniyang kinausap.

“Tatanggalin ko ang lahat ng pera ko na nakadeposito sa bangkong ito kung hindi mo ako uunahin. Isa pa, nagmamadali ako kaya unahin mo na ako!” dagdag pa ng ginoo.

Wala nang nagawa pa ang teller kung hindi humingi ng pasensiya sa mga nakapila at unahin ang transaksyon ni Roland.

Buong pagmamayabang namang lumabas si Roland ng bangko matapos siyang makapagdeposito.

“Pasensiya na po kayo. Gano’n talaga ang lalaking iyon. Kung makaasta ay akala mo’y kaniya ang bangkong ito. Pinagbibigyan na lang namin dahil ayaw rin namin pa ng gulo. Kaya sa uulitin po, pasensiya na po,” wika pa ng teller.

Napailing na lang si Marites sa inasal ni Roland. Ayos na sana ang lahat ng paglabas ng ginang ay nakita niyang sinisigawan ng ginoo ang mga sekyu at ang kaniyang asawa dahil sa nakaharang na traysikel sa sasakyan nito.

“Grabe ang gaspang ng ugali ng lalaking iyon. Iba talaga kapag may pera. Akala mo ay pagmamay-ari niya ang lahat kung makaasta,” saad ng asawa ni Marites.

“Napakayabang nga ng taong iyon. Kanina ay nag-angas din siya sa loob ng bangko. Balang araw ay makakahanap rin ng katapat ang lalaking iyan,” wika naman ng ginang.

Sa inis ay hindi naiwasan ni Marites na ikwento sa kaniyang mga kasamahan sa paliparan ang nangyari sa kaniya sa bangko.

“Porket naka-tricycle kami ang asawa ko at kaunti lang ang idineposito kong pera sa bangko ay grabe na kaming alipustahin! Hindi ko akalain na talagang may mga tao pa lang tulad niya. Akala ko ay sa pelikula ko lang iyon makikita! Matapobre!” kwento ni Marites sa mga kapwa ticketing officer sa paliparan.

Maya-maya ay nakuha ang atensyon ni Marites ng isang lalaking nagtataas ng boses sa isa niyang kasamahan. Nagulat siya nang makita niya ang lalaking nakasagupa niya sa bangko noong isang araw.

Bilang nakakataas ang posisyon ay nilapitan ni Marites ang kasamahan upang tulungan. Nais sana niyang pakalmahin si Roland sa pagwawala nito.

“Huminahon po kayo, sir, maaari naman natin po itong pag-usapan. Huwag po kayong sumigaw. Ano po bang problema?” pahayag ni Marites.

“Kanina ko pa sinasabi sa bobang babaeng ito na bigyan niya ako ng flight patungong Singapore ngayong oras na ito at gusto ko ay business class! Ang gusto niya ay paghintayin ako! At kung nagmamadali raw ako ay bumiyahe na lang ako sa economy class! Hindi ba siya makaintindi?!” galit na sambit ni Roland.

“Sir, pakiusap naman po, huwag kayong magsalita nang hindi maganda. Pasensiya na po pero wala po tayong magagawa. Kailangan n’yo po talagang maghintay dahil puno na po ang mga eroplano na patungong Singapore. Puno na rin po ang mga business class namin. Ang magagawa lang po namin ay i-book po kayo sa susunod na available flight,” muling paliwanag ni Marites.

Ngunit hindi nagpaawat sa magaspang na ugali si Roland.

“Mga imbalido kayo rito! Magbabayad naman ako kahit magkano pa ‘yan! Kailangan ko nang makapunta sa Singapore ngayong araw! Mahuhuli ako sa mga appointment ko! Malaki ang mawawala sa akin! Gawan n’yo ito ng paraan, mga tanga!” bulyaw muli ni Roland.

“Marites, gumagawa na ng eksena ang lalaking ito. Ipatawag na kaya natin ang security para naman mapigil na ang pag-aangas ng isang ito,” bulong ng isang kasamahan.

“Huwag kang mag-alala. Bago natin siya ipahuli sa mga security dito sa paliparan ay kailangang gisahin muna natin siya sa sarili niyang mantika. Hindi tama ang pang-aalipustang ginagawa niyang ito sa atin dahil lang mapera siya,” pabulong na tugon rin ni Marites.

“Ano? Kanina pa ako naghihintay rito! Sinasayang ng mga bobang katulad n’yo ang oras ko! Baka kulang pa ang sahod niyo sa isang oras na nawawala sa akin! Gawan n’yo ng paraan kung hindi ay gagawa ako ng paraan para mapatalsik kayo sa paliparang ito! Kilala n’yo ako!? Kilala n’yo ba ako?!” sigaw pa ni Roland sa mga tauhan.

Binuksan ni Marites ang mikropono nna ginagamit sa pag-anunsyo sa paliparan.

“Sa lahat ng magiliw naming mga biyahero, nais po naming ipagbigay alam na mayroon pong isang lalaking narito sa aming harapan at tinatanong po kung sino siya. Hindi po namin siya kilala. Baka po mayroon po sa inyong nakakakilala sa kaniya. Mangyari lang po ay ipagbigay alam n’yo sa amin. Kanina pa po kami hinihiya ng lalaking ito dahil lang sa hindi namin mapagbigyan ang kaniyang nais na isang tiket patungong Singapore at sa business class. Kung importante pala ang biyaheng ito ay bakit hindi pa siya bumili ng ticket noong mayroon pa? Ginoo, kung marami po kayong pera ay baka maaari po kayong magrenta ng isang buong eroplano kung hindi po kayo makapaghintay. Sa ngayon po ay kausapin n’yo muna ang mga awtoridad ng paliparang ito para matigil na ang walang habas ninyong pang-aalipusta sa amin. Maraming salamat po!” pahayag ni Marites sa mikropono.

Dahil sa ginawang ito ni Marites ay nagsitinginan ang lahat kay Roland. Napapailing ang marami dahil sa kagaspangan ng ugali ng ginoo. Ang iba ay nagbubulungan pa at masamang tumingin sa kaniya.

Maya-maya ay nariyan na ang mga guwardiya ng paliparan upang dakpin si Roland at pagpaliwanagin sa pag-aangas na ginagawa nito.

Samantala, unang beses pa lang na nangyari ang ginawang ito ni Marites sa paliparan. Maging siya ay pinagpaliwanag ng pamunuan. Dahil dito ay naging laman ng balita itong si Roland. Naging tampulan siya ng tukso at sumama ang tingin lalo sa kaniya ng mga tao.

“Alam ko pong mali ang ginawa ko. Pero walang habas kung alipustahin kami ng lalaking iyon. Talagang mataas ang tingin niya sa kaniyang sarili. Ngayon ay malalaman na niya ang pakiramdam ng pinagsasalitaan nang hindi maganda. Tatanggapin ko po ang lahat ng kaparusahan na nais n’yo ngunit hindi ako nagsisisi sa aking ginawa,” paliwanag ni Marites.

Pinatawad ng pamunuan si Marites ngunit nangako siyang hindi na ito mauulit pa. Habang si Roland naman ay pilit na binabago ang kaniyang ugali dahil sa naranasang kahihiyan.

Advertisement