Inday TrendingInday Trending
Pinaboran ng Ginang ang Pambababae ng Kaniyang Anak; Karma ang Babalik sa Kaniya

Pinaboran ng Ginang ang Pambababae ng Kaniyang Anak; Karma ang Babalik sa Kaniya

“Lizel, nasaan ka ba at kanina pa naghihintay sa iyo ang mga pinagkainan sa lababo? Ano ba ang inaasahan mo? Ako pa ang gagawa niyan dito? Kahit kailan talaga, napakatamad mo!” bulya ni Aling Thelma sa kaniyang manugang.

“P-pasensiya na po, ‘ma, nasa likod bahay po kasi ako dahil hinango ko ang mga labahin. Sige po at ako na po ang maghuhugas ng pinggan,” humahangos na tugon naman ni Lizel.

“Hugasan mo na agad ang mga pinagkainan at baka langawin pa ‘yan! Ibang klase na talaga ang mga manugang ngayon! Sila pa ang matapang, wala namang mga silbi!” dagdag pa ng biyenan.

Labis kung pagsalitaan nang masakit ni Aling Thelma ang kaniyang manugang na si Lizel. Paano ba naman kasi ay ayaw niya ito simula’t sapul para sa kaniyang anak. Anak kasi ng isang panadero itong si Lizel at hindi nakatapos ng pag-aaral. Para sa ginang ay malaking pabigat ang manugang para sa kaniyang anak.

Kinagabihan ay umuwi si Eddie galing sa trabaho. Nais man siyang asikasuhin ni Lizel ay marami pang ipinag-uutos sa kaniya si Aling Thelma.

“Tingnan mo ‘yang asawa mo, napakakupad kung kumilos. Simpleng mga gawain sa bahay ay hindi pa magawa! Ewan ko ba naman sa iyo, Eddie, kung bakit siya pa ang napili mong mapangasawa! Napakaraming nagkakandarapa sa iyo. Maganda ang estado ng buhay mo dahil isa kang inhinyero. Hindi ko lubos akalain na sa isang hindi nakapagtapos ng pag-aaral ka lang mauuwi,” dismayadong sambit ni Aling Thelma.

“‘Ma, huwag n’yo na pong ipangalandakan ‘yan sa akin! Matutuwa po ba kayo kung sasabihin kong hindi ko na mahal si Lizel at may iba na akong iniibig?” sambit ni Eddie sa ina.

“Aba’y kung tulad ng klase lang din iyan ni Lizel ay huwag na lang. Sakit ng ulo lang ang dala sa akin ng babaeng iyan!” sambit naman ng ginang.

“H-hindi, ‘ma! Ibang klaseng babae itong si Shiela. Siya ang tipo ng babaeng magugustuhan ninyo. Maganda, palaban at higit sa magaling sa pera!” wika pa ng ginoo.

“Bakit kasi nagmamadali ka noon na pakasalan ‘yang si Lizel? Tingnan mo at tali ka na ngayon! Mas mainam kung hinintay mo na lang ang babaeng iyan! Sabagay, wala na tayong magagawa. Pero dahil sinabi mo sa akin ‘yan, makakaasa kang mananatiling ligtas ang sikreto mo,” nakangiting sambit pa ni Aling Thelma.

Nagpatuloy ang maling gawain ni Eddie lingid sa kaalaman ni Lizel. Ang tanging alam lamang ng kaniyang misis ay nagtatrabaho siya kaya wala siyang oras.

Isang araw, habang naglalaba ng mga damit itong si Lizel ay nakita niya ang isang polo ng mister na may mantsang lipstik. Alam niyang hindi ito sa kaniya dahil nga hindi naman siya gumagamit ng anumang make up.

Labis ang lungkot na nararamdaman ni Lizel ngunit hindi siya nagpahalata. Isang gabi, habang mahimbing na natutulog ang kaniyang asawa ay tiningnan niya ang selpon nito. Laking gulat niya nang makita ang mga larawan ng isang babaeng kasama ni Eddie. Malambing ang dalawa sa isa’t isa.

Pinipigilan ni Lizel ang kaniyang mga luha habang patuloy siya sa pagtingin ng mga larawan. Ilang sandali pa ay tumambad sa kaniya ang mga malalasw*ng litrato at bidyo ng dalawa.

Maya-maya ay nagising si Eddie at napansin niyang hawak ng misis ang kaniyang selpon.

“Akin na nga ‘yan! Pakielamera kang talaga!” sigaw ni Eddie.

“Paano mo nagawa ito sa akin, Eddie? Ginagawa ko ang lahat para maging maayos ang pagsasama natin. Tinitiis ko ang ugali ng mama mo dahil ayaw kong masira ang relasyon natin. Pero may iba ka na palang inaatupag! Paano mo naatim ito, Eddie? Paano mo ako nagawang saktan nang ganito?” pagtangis ni Lizel.

“Hindi ba malinaw na ayaw ko na sa iyo? Nagsasawa na ako sa relasyong ito! Nagsasawa na ako sa iyo!” sigaw muli ng mister.

Dahil sa pag-aaway na iyon ay nagising mula sa pagkakatulog itong si Aling Thelma. Agad siyang nagpunta sa silid ng mag-asawa at nadatnan niyang nagtatalo ang mga ito.

“Ang kapal ng mukha mo! Nakuha mo pang mambabae!” patuloy sa paghampas si Lizel sa kaniyang asawa.

Pinigilan naman ito ni Aling Thelma.

“Hindi mo masisisi ang anak ko kung maghanap siya ng iba dahil umpisa pa lang ay hindi ka na karapat-dapat sa kaniya! Masyado kang mababang uri para sa anak ko. Dapat nga maging masaya ka dahil sa wakas ay nakahanap na siya ng tunay na para sa kaniya!” saad ni Aling Thelma sa manugang.

“A-alam n’yo ang lahat ng ito? Alam n’yo na nambababae itong si Eddie at kinukunsinti n’yo naman? Anong klaseng ina kayo?” umiiyak na sambit ni Lizel.

“Wala kang karapatang kwestiyunin ang pagkaina ko, Lizel. Ikaw ang may kasalanan ng lahat ng ito dahil hindi ka tulad ng ibang babae riyan na malakas ang kompyansa sa sarili. Wala kang pinag-aralan kaya hindi ka nababagay sa anak ko!” dagdag pa ng ginang.

Imbes na tumulong si Aling Thelma na magkaayos ang mag-asawa ay pinalayas pa niya si Lizel. Wala namang nagawa itong si Lizel kung hindi bumalik sa kaniyang mga magulang dahil masyado nang masakit ang ginawa sa kaniya ng asawa at ng ina nito.

Wala pa mang isang linggo ay iniuwi na ni Eddie ang kaniyang bagong kasintahan sa bahay. Tuwang-tuwa naman si Aling Thelma dahil malakas ang dating nitong si Shiela. Maganda ang tindig at alam mong may pinag-aralan at may kaya sa buhay. Taas noo itong si Aling Thelma dahil sa wakas ay nakita na ni Eddie ang babaeng para rito.

Taliwas sa ipinapakita ni Aling Thelma kay Lizel ay pinipilit na makisama ng ginang sa bago niyang manugang. Ngunit malayo talaga ang ugali ni Shiela kay Lizel. Kahit anong pakita ni Aling Thelma dito ng mabuti ay hind niya makuha ang loob nito.

Isang araw ay narinig na lang ng ginang na nag-uusap ang kaniyang anak at ang bago nitong kinakasama.

“Hindi ko kayang makisama sa nanay mo! Kung ayaw mo siyang paalisin dito ay ako na lang ang aalis! Hindi ito ang pinangarap kong buhay, Eddie. Hindi ito ang ipinangako mo sa akin! Maraming nagkakandarapang lalaki sa akin at kaya nilang ibigay ang buhay na gusto ko! Tandaan mo, aalis ako rito kung hindi mo pa paaalisin ang nanay mo rito sa bahay! Bahay ko na ‘to!” saad ni Shiela sa ginoo.

Hindi naman alam ni Eddie ang kaniyang gagawin. Masyado na siyang hulog kay Shiela para wakasan ang kanilang relasyon. Kaya naman nagtungo siya sa kaniyang ina upang kausapin ito.

“At sa tingin mo, saan naman ako magtutungo? Ikaw lang ang anak ko, Eddie, wala akong ibang mapupuntahan!” sambit ni Aling Thelma sa anak.

“Iuupa ko na lang kayo ng bahay. Basta hindi na po kayo p’wedeng magsama pa ni Shiela sa bahay. Iiwan niya ako, ‘ma. Kayo na rin ang nagsabi na siya na ang babae na para sa akin. Ayaw ko na siyang pakawalan pa!” saad ni Eddie sa ina.

“Kaya ako itong papaaalisin mo sa bahay? Ang kapal ng mukha niyang babae na ‘yan! Kung alam ko lang ay hindi na lang ako pumayag pa sa relasyon ninyong dalawa! Kung hindi naman dahil sa akin ay hindi kayo makakapagsama nang malaya!” dagdag pa ng ginang.

“Basta, ‘ma, hindi na po kayo p’wedeng manatili pa rito sa bahay na ito. Huwag n’yo na pong hintayin na si Shiela pa ang magpalayas sa inyo. Dahil wala akong magagawa. Siya ang kakampihan ko dahil siya na ang asawa ko ngayon,” wika naman ng anak.

Labis ang pagdadalamhati sa puso ni Aling Thelma dahil sa mga narinig niya kay Eddie. Hindi niya akalain na bandang huli ay mararanasan rin niya ang pagpapalayas na ginawa niya noon kay Lizel. Labis siyang nagsisisi dahil napagtanto niyang mas maayos at mas mabait ang dati niyang manugang.

Tuluyan nang umalis ng bahay si Aling Thelma upang mangupahan malayo sa kaniyang anak. Madalang na lang siya nitong dalawin at hindi na rin niya masyado pang nakakausap si Eddie dahil abala ito lagi kay Shiela.

Isang araw ay nakita ni Aling Thelma si Lizel sa parke. Malaki na ang ipinagbago ni Lizel. Agad niya itong nilapitan upang humingi ng tawad at upang tulungan siya na mapaghiwalay sina Eddie at Shiela.

“Patawarin mo ako. Hindi ko nakita ang kabaitan mo noon. Malaki ang nagawa ko sa iyong kasalanan. Kaya naman sana ay makipagtulungan ka sa akin. Makipagbalikan ka na kay Eddie nang sa gayon ay magbalik na tayo sa dati. Pero hinding hindi ka na makakatikim sa akin ng masasakit na salita. Pangako ko sa iyo na magiging maayos na ang pakikitungo ko sa iyo,” saad ni Aling Thelma sa dating manugang.

Ngunit isang matipid na ngiti na lamang ang sinagot ni Lizel.

“Pasensiya na po kayo, pero hindi ko na po iyan magagawa sa kadahilanang may bago na rin po akong kinakasama. Sa katunayan po ay hinihintay ko siya kasama ang kaniyang mga magulang. May bago na po akong buhay ngayon. Kahit na hindi maganda ang mga nangyari sa atin dati ay nagbunga naman ito ng maganda sa akin ngayon. Natagpuan ko ang tunay na lalaking magmamahal sa akin at tanggap ako ng mga magulang niya kahit magkaiba ang antas namin sa buhay,” pahayag naman ni Lizel.

Maya-maya ay dumating na ang karelasyon ni Lizel kasama ang mga magulang nito. Halata sa mukha ng mga ito ang saya na makasama sa kanilang pamilya si Lizel.

“Sige po, Aling Thelma, aalis na po ako. Magandang araw at kinagagalak ko po kayong muling makita,” saad muli ni Lizel.

Nangingilid na lang ang luha ni Aling Thelma sa panghihinayang habang tinatanaw niya si Lizel kasama ang bago nitong pamilya.

Labis ang pagsisising nararamdaman ng ginang. Kung maibabalik lang niya ang panahon ay mas nanaisin niyang piliin na lang si Lizel kaysa sa walang pusong si Shiela para sa anak na si Eddie.

Advertisement