Sa Gitna ng Mainit at Maalikabok na Kalsada’y Matiyagang Naglalako ang Mamá ng Kaniyang Paninda; Isang Supot ang Magbibigay Ngiti sa Kaniyang Labi

Sa Gitna ng Mainit at Maalikabok na Kalsada’y Matiyagang Naglalako ang Mamá ng Kaniyang Paninda; Isang Supot ang Magbibigay Ngiti sa Kaniyang Labi

InspiringMiracleStories

Takatak vendor, iyon ang trabaho ni Mang Berto. Araw-araw siyang nakikipagsapalaran sa init, ulan, at minsan pa’y bagyo sa gitna ng kalsada para lang kumita ng pera pambiling pagkain ng kaniyang pamilya.

Sa gitna ng daan at mainit na arawan ay naglalako siya ng kaniyang panindang tubig, candy, at basahan, hindi alintana ang masakit na init sa balat, basta ang mahalaga’y kumita ng pera, para sa pang-araw-araw ay makaraos. Gano’n lang naman ang hinahangad ng mahihirap na mamamayan. Kumita sa araw na ito, para may pangkain at malamanan ang nag-aalborutong sikmura. Kung anuman ang mangyayari bukas, bukas na lang niya iyon iisipin, basta ang pinakamahalaga ay ang ngayon.

“Oh! Tubig para sa mainit na panahon. Baka inuuhaw na kayo d’yan?” alok niya sa mga pasaherong nakasakay sa dyip. “May tubig rito, may sampu, may bente.”

Isang babaeng pasahero naman ang bumili kaya nagpasalamat si Mang Berto rito. Saka muling naglakad upang mag-alok ulit ng paninda sa iba pang tsuper at pasahero, nang may humintong kotse sa kaniyang harapan.

Inihanda na niya ang kaniyang paninda dahil ang akala niya’y bibili ito. Pero imbes na bumili ay may iniabot itong isang malaking supot na punong-puno ng laman. No’ng una’y nag-alangan pa siyang kunin dahil baka hindi naman iyon para sa kaniya, ngunit nang sabihin ng lalaking drayber na kunin niya ang malaking supot na iyon ay kinuha niya ito at tiningnan kung ano-ano ang laman.

“Para sa’kin po ito, sir?” takang tanong niya.

Tumango ang lalaking nagmamaneho. “Opo, tatay, para iyan sa inyo.”

“Hala! Salamat po sir, ang dami naman po nito,” manghang-manghang wika ni Mang Berto.

Isang supot na may lamang bigas, mga de lata at kung ano-anong klaseng ulam gaya ng hotdog, tocino at isang buong manok, saka anim na instant noodles! Paniguradong pangkunsumo.

“God bless sa inyo, tatay. Reward iyan sa pagiging masipag ninyong mamamayan. Sana matuwa ang buong pamilya mo d’yan sa ibinigay ko,” anang lalaki.

Paniguradong iyon ang mangyayari kapag iniuwi niya ang mga pagkaing iyon sa kanyang pamilya. Sa hirap ng buhay ngayon ay malaking bagay na para sa kanila ang mag-ulam ng isang beses sa isang buwan ng manok. Palagi na lang silang gulay o isda, dahil iyon lamang ang nakakayanan ng kaniyang kinikitang pera sa maghapon.

Apat ang anak niya at puro maliliit pa. Kwarenta’y tres na si Mang Berto, pero maliliit pa ang kaniyang mga anak. Medyo matanda na rin kasi siya noong nagdesisyong mag-asawa. Masyadong naging mabarkada noong kabataan kaya hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Kaya siya nagsusumikap ngayon para maibigay niya sa kaniyang mga anak ang pag-aaral na hindi niya nakamit noong kabataan niya.

Nagpaalam na ang lalaki sa kaniya at akmang isasara na nito ang bintana sa sasakyan nang pigilan niya ito at inabutan ng apat na boteng tubig, tig-dadalawa sila ng kaniyang kasamang babae na nasa loob ng sasakyan.

“Maliit na bagay lang po iyan, sir, kumpara sa ibinigay niyo sa’kin. Pero tanggapin niyo po iyan bilang kapalit sa kabutihang loob niyong pagbibigay sa’kin ng pagkain. Hindi tayo magkakilala pero hindi ka nagdalawang-isip na bigyan ako ng mga ito,” mangiyak-ngiyak niyang wika.

“Kapag nauhaw kayo sa daan, inumin niyo iyang ibinigay ko. At maraming-maraming salamat po rito sa ibinigay niyong groceries. Hulog po kayo ng langit para sa mga kagaya ko,” ani Mang Berto.

Malapad na ngumiti ang lalaki. “Walang anuman po iyon, tatay. Maliit na bagay lamang po iyan, pero maraming salamat din po dahil nagustuhan niyo ang ibinigay kong kaunting tulong. Mag-iingat kayo sa pagtitinda rito sa gitna ng daan at pagpalain ka ng Diyos Ama,” anang lalaki.

“Kayo rin, sir,” ani Mang Berto saka sumaludo sa lalaki.

Tuluyan na nga nitong isinara ang bintana ng sasakyan saka pinatakbo palayo. Naiwan si Mang Berto na nanatili ang matamis na ngiti sa labi. Maraming beses na siyang nakatanggap ng hindi inaasahang tulong sa mga kagaya ng lalaking nagbigay sa kaniya ng groceries. At lahat ng mga ito’y labis niyang pinagpapasalamatan, maliit man o malaking bagay ang ibinibigay sa kaniya’y walang humpay na pasasalamat na iyon para sa mga kagaya niyang hindi masyadong sinuwerte sa buhay.

Niyuko ni Mang Berto ang isang supot na hawak saka mulong ngumiti nang matamis. Nasasabik na siyang makauwi, paniguradong kagaya niya’y isang matamis na ngiti rin ang isasalubong ng kaniyang mga anak sa kaniya dahil sa kaniyang dala-dala. Salamat sa lalaking may butihing puso.

More Stories