
Pansit at Adobong Manok Lamang ang Handa sa Kaarawan ng Binata; Bakit Mangiyak-Ngiyak ang Dalaga sa Nakikitang Kasiyahan ng Lahat?
“Uy! Samantha, sama tayo doon sa bahay ni Albern,” aya ni Cynthia sa kaniya.
“Bakit, anong mayroon kila Albern?” takang tanong ni Samantha.
“Kaarawan niya ngayon. Sabi ng mama niya punta daw tayo kasi maghahanda siya para sa kaarawan ni Albern,” ani Cynthia.
Hindi na hinintay ni Cynthia na sumagot si Samantha, hinila na siya nito at wala na siyang panahon upang tumanggi pa sa kaibigan. Sumakay sila ng dyip papunta sa bahay nila Albern, ang nakakatuwa pa’y marami silang magkakaklase ang sumama, kaya iniisip ni Samantha na baka marami ngang hinanda ang nanay ni Albern para sa kaarawan nito.
Pumasok sila sa isang eskinita at sa dulo’y naroon na ang tinutumbok nilang bahay ni Albern. Masayang binati ng kaniyang mga kaklase si Albern, masaya at tila nahihiya naman itong nagpasalamat sa kanilang lahat.
“Nandito na pala kayo,” anang ina ni Albern. “Pasok kayo sa mumunti naming bahay.”
Nagsipasukan naman ang lahat pati siya. Ang unang tinumbok ng kaniyang mga mata’y ang mga pagkain sa mesa. Ang pananabik na naramdaman niya kanina’y biglang nawala nang makita kung ano lamang ang handa ni Albern sa kaarawan nito.
“Wow! Happy birthday, Albern!”
Masayang bati ng mga kaklase saka umawit ng kantang para sa kaarawan. Kitang-kita ni Samantha ang saya sa bawat mata ng mga kaklase, pati na ang ina ni Albern.
Masayang-masaya itong nakatingin sa kanila at ang mas pinagtatakhan niya, masaya ang mga ito kahit na ang handa lamang ni Albern ay pansit at adobong manok saka isang bandehadong kanin.
“Aunte, ang sarap po ng pansit ninyo,” ani Diego, habang ngumunguya.
“Oo nga po, aunte, ang sarap rin nitong adobo,” segunda naman ni Martin.
“Naku! Mga bolero pala itong kaklase mo, Albern,” anang ina ni Albern, na may malapad na ngiti sa labi.
Tama naman ang mga kaklase niya, masarap ang pansit at adobong manok na niluto ng kaniyang ina. At ang mas nakakatuwa pa’y kahit ganoon lamang ang handa nila’y nakikita niya ang totoong saya sa mukha ni Albern at ng ina nito, hindi kagaya niya.
“Ayos ka lang, Samantha?” untag ni Cynthia.
“O-oo, ayos lang ako. Masaya lang ako sa nakikita ko,” aniya.
“Bakit naman? Ngayon ka lang ba nakasama sa ganitong birthday party? Palibhasa kasi mayaman ka kaya hindi ka sanay sa mga nangyayari sa’ming mga mahihirap,” ani Cynthia saka tumawa.
“Hindi nga ako makapaniwala na nandito si Samantha,” ani Albern. “Nakakahiya tuloy, simpleng handaan lamang ang mayroon sa kaarawan ko, ‘di gaya ng nakasanayan niya.”
Umismid si Samantha saka ngumiti. “Ano ka ba! Mas gusto ko ang nangyayari sa kaarawan mo kaysa sa nangyayari sa kaaarawan ko,” aniya.
Wala naman siyang sinabing kakaiba pero halos lahat ay natigilan sa sinabi niya. Kaya nagpatuloy siya sa pagsasalita.
“Magara nga palagi ang kaarawan ko, may malaking cake, masasarap at iba’t ibang putahe ng ulam, halos lahat ng bisita nakadamit nang maayos, kumbaga, sa kaarawan ko ay para akong isang prinsesa na sinasamba ng iilan. Ang kaso’y hindi naman ako talaga masaya,” aniya saka tiningnan ang ina ni Albern.
“Tuwing kaarawan ko, wala sina mama at papa, dahil palagi silang nasa ibang bansa. Hindi gaya mo, Albern, na nilulutuan ka ng mama mo, ako umo-order lamang sila mama ng pagkain para may handa ako sa kaarawan ko. Bongga ang kaarawan ko, pero wala naman ang mga magulang ko, kaya hindi pa rin ako masaya. Kaya ang saya-saya ko ngayon, kasi pakiramdam ko, ito talaga ang totoong kaarawan.”
Tumayo siya saka humakbang patungo sa pwesto ni Albern.
“Nakikita ko ang saya sa mga mata niyo kahit hindi bongga ang handang mayroon sa lamesa niyo. Kaya maligayang kaarawan sa’yo Albern, sana may nanay rin akong kagaya mo,” matamis siyang ngumiti.
Nilapitan naman siya ng nanay ni Albern at niyakap.
“Alam kong malalim ang dahilan ng mama at papa mo kung bakit palagi silang wala sa tabi mo, anak. Pero sigurado akong mahal na mahal ka rin ng mga magulang mo, at ginagawa nila ang lahat ng sakripisyong iyon para sa’yo,” anang ina ni Albern.
Iiyak na sana si Samantha nang agad na putulin ng mga kaklase niya ang dramang nangyayari sa pagitan nila ng ina ni Albern.
Alam naman niya ang bagay na iyon. Ang lahat ng ginagawa ng mama at papa niya’y para naman sa kaniya, hindi nga lang niya maiwasang mangulila sa mga ito, at hindi niya maiwasang mainggit sa mga anak na kagaya ni Albern. Hindi man sila mayaman sa pera, halata namang mayaman sila sa pagmamahal.
“Hayaan mo, Samantha, sa kaarawan mo, pupunta kaming lahat at sisiguraduhin naming pasasayahin ka namin, gaya ni Albern,” ani Diego.
Agad namang sumang-ayon ang lahat sa sinabi nito. Kaya tumawa na lamang siya’t bumalik sa upuan upang tapusin ang kinakain.
Masaya siya… masayang masaya. Ngayon niya mas napagtantong hindi kailanman magiging basehan ang pabonggahan at paramihan ng handa sa kaarawan, dahil kahit pansit lang at adobong manok ang nasa mesa, basta luto iyon ng nanay o tatay mo, mas masaya at mas magiging kumpleto ang lahat dahil kasama mo ang mga mahal mo sa buhay.

Labis ang Pangmamata ng Waiter sa Pamilyang Mukhang Mahirap na Kakain sa Isang Mamahaling Restawran; Pahiya Siya nang Matapos Kumain ang mga Ito
