
Labis ang Pangmamata ng Waiter sa Pamilyang Mukhang Mahirap na Kakain sa Isang Mamahaling Restawran; Pahiya Siya nang Matapos Kumain ang mga Ito
“Oh, Sherwin, ikaw na ang mag-asikaso sa pamilyang iyan,” natatawang tudyo ni Allan sa kaniya. “Ang malas mo naman sa araw na ito. Puro mahihirap ang natitiyempuhan mo,” dugtong nito saka inasikaso ang pagkaing kailangan nitong ihatid sa inaasikasong kustomer.
Nakabusangot na kinuha ni Sherwin ang menu at hinanda ang sarili para asikasuhin ang pamilyang hindi naman nababagay sa klase ng restawran na pinapasukan niya.
“Ano ba ang mayroon sa’kin sa araw na ito? Bakit puro walang pera ang napupunta sa’kin? Kung ‘di mukhang mahirap ay wala namang tip na ibinibigay. Ang tumal ko naman ngayon,” aniya sa kasamang si George.
Ngumiti lamang si George saka nagkibit-balikat.
“Good afternoon po,” bati niya.
Karaniwang ginagawa nila kapag may kustomer na papasok ay sinasalubong nila ito at kinakausap, pagkatapos ay inaalalayan nila ang mga ito papasok sa loob upang hanapan ng mauupuan saka ibibigay ang menu, para makapili na ng makakain.
Pero dahil para sa binata’y mukhang hindi naman na kailangang gawin iyon sa pamilyang ito, kaya hinayaan lamang niya ang mga itong pumasok at maghanap ng mauupuan at saka lamang siya lumapit. Agad namang pumili ang haligi ng tahanan.
“Sir, pwedeng ito?” anang haligi ng tahanan.
Itinuro ang mamahaling steak na kanilang iniluluto sa restawran. Kadalasan ang umo-order lamang ng gano’ng steak ay ang mga mayayamang mamamayan sa bansa at hindi makita ni Sherwin na kaya ng pamilya ang presyo ng steak na iyon.
“Excuse me, sir. Pero ito po ang pinakamahal na steak na sini-serve namin rito sa restawran. Madalas po ang nakakabili lamang ng steak na ito’y ang pinakamayayaman sa bansa. Baka po hindi niyo kayanin, sir, pwede pa naman kayong pumili ng iba, iyong kaya lamang ng budget ninyo,” aniya.
Iniisip ni Sherwin na baka mamaya ay wala naman palang maipambabayad ang pamilya at baka siya pa ang mag-abono.
Nagtataka man ang haligi ng tahanan sa sinabi ng waiter ay mas pinili na lamang nitong humanap ng ibang putahe ng pagkain. Ngunit hindi naman iyon sinang-ayunan ng asawa nitong ang naunang in-order din ng niya ang gusto.
“Hayaan mo na,” pigil ng asawa nito. “Tama naman si kuya, mas maiging maging praktikal tayo,” anito.
Naiinis man ang ginang ay wala na lamang itong ginawa kung ‘di manahimik at irapan ang waiter.
“Ano ba ang mairerekomenda mong dapat naming kainin, Mr. Waiter?” mahinahong tanong ng ginoo.
Tinulungan naman ni Sherwin na maghanap ng murang pagkain ang ginoo. Inirekomenda niya ang pansit at ang pinakamurang pagkain na inihahain nila gaya ng tapa, tapsilog, chicksilog o ano pang may kanin at ulam na.
Iyon ang sa tingin niya’y kaya ng pamilya, hindi ang mamahaling steak na una nitong in-order sa kaniya. Ngumiti ang ginoo saka sinunod ang kaniyang naging suhestiyon. Gusto pa sanang dagdagan ng ginoo ang order ng mamahaling inumin, ngunit mas inirekomenda niya ang soda, kaya iyon na lamang din ang kinuha nito.
Pagpasok sa may kusina ay sinalubong siya ni Allan at tinanong kung ano ang nakuha niyang order sa pamilya, agad naman niyang kinuwento ang nangyaring usapan nila, dahilan upang humalakhak si Allan.
“Wow ah! Hindi halatang um-order ang pamilyang iyan ng special steak natin, ang tanong nga lang ay may pera kaya silang pambayad sa steak?” ani Allan.
“Hindi halata sa itsura, p’re kaya nga iba ang inirekomenda ko e. Sa tingin ko ito ang mas kaya nilang bilhin,” ani Sherwin saka ngumiti at sinimulang asikasuhin ang order na kaniyang nakuha.
Ilang minuto rin ang hinintay ng pamilya at nang dumating ang order nila’y agad nila itong kinain, habang si Sherwin ay ginagawa na rin ang kaniyang trabaho sa iba pang bagong dating na kustomer. Nagtaas ng kamay ang ginoo, tanda na nais na nitong kunin ang bill nila dahil tapos na silang kumain. Inasikaso naman iyon ni Sherwin saka ibinigay sa pamilya.
“Sherwin?” anang ginoo.
Binabasa ang nakasulat sa name tag na nakasabit sa kaliwang parte ng kaniyang dibdib. May kinkuha ito sa maliit na sling bag na dala at kinuha ang isang tseke, sinulatan iyon sa presyo ng dapat nitong bayaran saka iniabot sa kaniya.
“Sherwin, ganito ba talaga rito sa restawran ninyo? Imbes na ang kustomer ang magdesisyon, kayo ang mas nasusunod sa kung ano ang dapat at hindi dapat kainin ng kustomer?” malumanay na tanong ng ginoo.
“P-po? Hindi naman po, pero sa tingin ko kasi’y hindi niyo kayang bilhin ang mamahaling pagkain na inihahain namin para sa mga espesyal na tao, kaya nagrekomenda ako kung alin lang ang sa palagay ko’y kaya niyong bayaran. Kayo lang po ang inaalala ko, sir,” nauutal at nahihintakutang wika ni Sherwin.
Tumango ang ginoo. “Gano’n ba kayo magtrato ng kustomer kapag hindi magarbo o pangmayaman ang kasuotan nila?”
Sa pagkakataong ito’y pinagpapawisan na nang malamig si Sherwin. Ano ba ang dapat niyang isagot?
Mukhang naramdaman ng ginoo ang pagkataranta sa mukha ni Sherwin kaya tumayo ito at humarap sa kaniya saka nagpakilala.
“Nice to meet you, Sherwin,” anito saka inilahad ang palad sa kaharap. “Ako nga pala si Mr. Johnny Santos, ang mismong may-ari ng restawran na ito,” pakilala nito.
Halos mawalan ng ulirat si Sherwin sa nalaman. Ang lalaking nakadamit ng animo’y basahan kasama ang pamilya nito’y ang kanilang amo na sa kaniyang nalalaman ay namamalagi sa main branch ng restawran nito sa probinsya, at ipinagkakatiwala nito ang ibang branch na naitayo rito sa Maynila sa mga taong pinagkakatiwalaan nito sa negosyo.
“Marami na akong reklamong natatanggap mula sa branch na ito, kaya binigyan ko ng aksiyon upang personal na malaman kung totoo nga bang madalas silang nakakatanggap ng insulto kaysa sa good service na ini-endorso natin,” ani Mr. Santos. “At napatunayan ko ang bagay na iyon, ngayong ako na mismo ang nakaranas ng pangmamata mo sa pamilya ko, Sherwin.” Mahinahon pa rin pero halata ang awtoridad sa boses.
“Hindi mo kailan man pwedeng matahin ang isang tao dahil lang sa palagay mo’y hindi sila nababagay sa ganitong klaseng kainan. Kainan ito, kaya lahat ng taong gustong kumain sa restawran na ito’y patuluyin nang maayos at asikasuhin nang nararapat. Hindi iyong aasikasuhin lang kapag mukha siyang mayaman, pero mamatahin kapag mukhang mahirap. Kailanman ay hindi ko itinuro ang bagay na iyan sa lahat ng naging empleyado ko,” ani Mr. Santos.
Kahit galit na’y halata pa rin sa boses ang pagiging propesyonal na tao. Humingi ng tawad si Sherwin pati na ang ibang waiter na naroroon, lalo na ang manager na pinagkatiwalaan ni Mr. Santos. Walang ni isa mang tinanggal na trabahante si Mr. Santos, binigyan lamang niya ang mga ito ng warning at kapag naulit pa ang bagay na nasaksihan niya’y hindi na siya magdadalawang-isip ng alisin at palitan ang mga ito.
Mahirap man o mayaman ay may karapatang pumili kung saan nila nais kumain basta ang mahalaga’y may maipambabayad sila. Iwasang mangmata ng tao dahil lamang sa klase ng kasuotan nila. Hindi lahat ng disenteng tingnan ay mayaman, at hindi lahat ng nakasuot ng mukhang basahan ay walang pera. Maging pantay-pantay ang trato sa bawat isa.