Inday TrendingInday Trending
Wala nang Ibang Maisip na Hingan ng Tulong ang Estudyante Kundi ang Kaniyang Guro; May Maaasahan Kaya Siya Rito?

Wala nang Ibang Maisip na Hingan ng Tulong ang Estudyante Kundi ang Kaniyang Guro; May Maaasahan Kaya Siya Rito?

“Kuya, may natira pa ba sa sahod mo? May kailangan kasi akong bilhing project, at bukas na ang due ng pasahan. Baka mamarkahan ako ng zero kapag ‘di ko naipasa ang project na iyon,” ani Kristel, ang kaniyang kapatid.

“Ganoon ba, Kristel?” ani Marco sa kapatid.

Kanina lamang niya nakuha ang sahod niya sa kaniyang pinagtatrabahuan, bilang isang crew sa sikat na fastfood at bago siyang umuwi ay bumili na muna siya ng mga kailangan nila sa bahay at dahil hindi naman gano’n kalaki ang sahod niya’y halos wala na ring natira sa sahod niya matapos niyang bumili ng sampung kilong bigas, ulam at groceries.

“Sige, hahanap ng paraan si kuya, huwag kang mag-aalala makakahabol ka sa project na iyan,” aniya saka alanga ning nginitian ang kapatid.

Ang tanong ngayon ay kung saan siya kukuha ng pera. Tatlong daan ang kailangan ni Kristel, samantalang isang daang piso na lang ang perang natira sa pitaka niya. Paano na lang ang panggastos niya bukas?

Kanina pa siyang nakaharap sa selpon at nag-iisip ng sasabihin sa guro niyang si Sir Jan Mikhail. Ano’ng sasabihin niya? Paano niya sasabihin sa magandang paraan ang pangugutang? Ang tanong pauutangin kaya siya nito?

Muli’y nilingon ni Marco ang kapatid na abala sa ginagawang aktibidades sa eskwelahan. Kung hindi niya lalakasan ang loob ngayon, walang maipambibili si Kristel para sa kaniyang proyekto sa paaralan, at kapag nagkataon… babagsak ang grado nito.

Naihilamos ni Marco ang sariling palad. Nakakahiyang humingi ng tulong, pero kaysa magnakaw ay mas maiging manghingi o manghiram na lamang siya ng pera sa kaniyang guro. Alam niyang kahit papaano’y may pera ito, at wala siyang ibang kakilala na may pera.

“Hello, sir!” panimulang bati ni Marco sa kaniyang guro. “Sir, baka pwede pong m-makahingi ng p-pabor, kung ayos lang naman po,” nauutal niyang wika.

“Ano ba iyon, Marco?” baritonong tanong ni Sir Jan Mikhail sa kabilang linya.

“Nakakahiya, sir, pero maaari po ba akong makahiram ng pera sa inyo? Kahit isang libo lang sir, pangdagdag sa gastusin rito sa bahay. Si mama at papa kasi po’y sa katapusan pa ng buwan magkakapera, dahil doon lamang ang bentahan ng mga kopra. Baka sa katapusan, sir, maibabalik ko na sa inyo ang hiniram ko. Pangako, sir, babayaran po kita,” ani Marco. Pinipilit na huwag manginig ang boses.

Nahihiya talaga siya sa guro at sa likod ng kaniyang isipan ay kanina pa niya naiisip na sana’y lamunin na lamang siya ng lupa.

“Sige, Marco, kailan mo ba kailangan? May oras ka pa bang pumunta sa eskwelahan? Nandito pa ako ngayon at hindi pa ako natatapos sa mga gawain. Kaya kung kaya mong lumuwas at kunin ang pera ngayon ay walang problema, baka kasi kailangan na kailangan mo na,” anang guro.

Halos humagulhol ng iyak si Marco sa sinabi ng kaniiyang butihing guro. Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Totoo bang pinapahiram siya nito ng pera? Hindi man lang ito nagdalawang-isip at hindi lang siya tinanggihan nito.

Sa araw ring iyon ay lumuwas siya’t nakipagkita sa guro sa mismong eskwelahan. Kailangan na kailangan ni Kristel ang pera at wala na siyang oras upang pagbukasin pa ang pakikipagkita sa guro.

“Sir, pangako babayaran ko po ito,” aniya.

Ngumiti si Sir Jan Mikhail at bahagyang ginulo ang kaniyang buhok. “Walang anuman iyon, Marco. Kapag may pera ka na’y saka mo na ako bayaran.”

“Salamat po, sir. Sobra akong nahihiya sa inyo ngayon, pero sa kabilang banda ay labis akong nagpapasalamat sa kabutihan niyo, sir. Estudyante niyo lang ako, pero pinagkatiwalaan niyo akong pahiramin. Pangako, ‘di ko po sisirain ang tiwala ninyo,” ani Marco.

“Salamat naman, Marco, kung ganoon nga. At saka natural na pagkakatiwalaan kita dahil para na rin kitang anak. Ako ang pangalawa mong tatay, kaya natural lamang na tulungan kita kapag nangangailangan ka,” wika ng guro.

“At saka tandaan mo, Marco, hindi mo kailangang mahiya sa’kin. Mas maigi ang ginawa mo, kaysa magnakaw. Kaya wala kang dapat ikahiya sa’kin. Bilib pa nga ako sa’yo, dahil may lakas kang makiusap sa iba at hindi masama ang bagay na iyon. Hindi masamang may ibang makakakita sa’yong mahina ka. Kaya sige na, mag-iingat ka pauwi at God bless. Gastusin mo ang pera sa pinakakailangan ha,” bilin nito.

Tumango si Marco at saka umalis na sa harapan ng butihing guro. Bago siya umuwi ay binili niya muna ang pinapabili ni Kristel para sa proyekto nito. Malaki ang pasasalamat ni Marco sa kaniyang guro na si Sir Jan Mikhail dahil na rin sa pagiging maunawain at mabuting guro nito.

Nanghiram siya ng pera at pinahiram siya nito, kaya sisiguraduhin niyang ibabalik niya agad iyon kapag nagkapera siya. Salamat dito at bukod sa nabili na niya ang kailangan ni Kristel, kahit papaano’y may pera pang sobra para sa pangkain nilang pamiliya.

Advertisement