Inday TrendingInday Trending
Naglalako ang Ina sa Bahay-Bahay Upang Matugunan ang Pangangailangan ng Anak; Nagalit ang Matandang Babae at Itinaboy Siya Nito

Naglalako ang Ina sa Bahay-Bahay Upang Matugunan ang Pangangailangan ng Anak; Nagalit ang Matandang Babae at Itinaboy Siya Nito

“Ale, baka gusto niyong bumili ng fabric conditioner, mura lang ito at mabango pa. Hindi na kayo lugi rito, ale, sige na po,” alok ni Dadang sa kaniyang mga paninda.

“Magkano ba iyan, ‘neng,?” tanong naman ng aleng kaniyang inalok.

Nang matapos sabihin ang presyo ay namili naman ito at kumuha ng dalawang fabric conditioner na kaniyang paninda. Bukod pa sa fabric conditioner ay kumuha rin ito ng kalahating dosenang powder soap at bareta, kaya kumpleto na ang kailangan nito sa paglalaba.

“Ang sipag mo ah. Dala-dala mo pa ang anak mo sa pagtitinda,” komento ng ale.

Ngumiti si Dadang saka nilingon ang anak na tahimik lamang na nakatingin sa kaniya sa may stroller, sa ilalim ng stroller nito, doon niya inilalagay ang mga paninda upang hindi na niya kakailanganin pang magbuhat nang mabigat.

“Wala po kasing magbabantay sa kaniya, kaya sinasama ko na lamang siya,” sagot niya.

Matapos masuklian ang ale ay muli niyang tinulak ang stroller at sumisigaw na nag-aalok ng kaniyang paninda. Nang may kumaway sa kaniyang isa ring nanay ay agad niya itong pinuntahan at laking pasasalamat niya dahil gaya ng naunang ale ay marami rin itong binili.

‘Pag nagkataon ay maaga silang uuwi ng kaniyang anak at maaga silang makakapagpahinga sa araw na iyon.

“Salamat po,” nakangiti niyang sambit.

Akmang aalis na siya upang magpatuloy sa paglalako nang harangin siya ng isa pang ale. Ang akala niya’y kaya siya hinarang nito dahil nais nitong bumili sa paninda niya, ngunit hindi niya inaasahan ang gagawin nito.

“Taga-rito ka ba sa lugar namin, hija?” seryoso nitong tanong.

Nakaramdam ng pag-aalinlangan si Dadang sa klase ng tono nito. Para itong galit na ‘di niya maintindihan.

“H-hindi po, ma’am, pero nandito po ako para maglako ng paninda ko,” sagot niya.

“Paano kang napadpad sa lugar namin? Hindi mo ba alam na bawal rito ang mga kagaya mong estranghero at hindi nakatira rito? Baka magnanakaw ka’t nagkukuwari lamang na nagtitinda,” bintang nito sa kaniya.

Hindi siya makapaniwala sa ibinibintang nito sa kaniya. Ang totoo’y naglalako siya sa kahit saan-saang lugar, at ito ang unang beses na napagbintangan siyang may binabalak na masama sa kapwa na kung tutuusin naghahanap buhay lamang siya.

“Naku! Nagkakamali po kayo, madam, marangal po ang trabaho ko kahit medyo mahirap, at maniwala man kayo sa hindi, kahit saan-saan po ako inaabot ng pagtitinda at nakasisiguro po akong hindi ako masamang tao,” aniya.

Matalim na tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa, na mas lalong nagbigay sa kaniya ng kaba. Sino ba ang babae? Bakit naman kailangan siyang pagdudahan nito?

“Umalis ka na sa lugar na ito! Wala akong tiwala sa’yo. Pakiramdam ko’y masama kang babae at dahilan mo lamang iyang pagtitinda upang makapasok sa lugar namin!” singhal nito. “Siguro’y nangunguha ka ng mga bata ano? Isa ka sa mga sindikato!”

Wala sa loob na napahawak si Dadang sa kaniyang dibdib. Grabe na ang bintang na narinig niya sa bibig ng ale! Alam niyang hindi siya ganoong klaseng tao.

“Mare, sobra naman yata iyang binibintang mo sa kaniya. Mukhang hindi naman siya kagaya ng iniisip mong masamang tao. Dala-dala nga niya ang anak niya oh,” singit ng aleng bumili sa kaniya kanina.

Gusto niyang lumapit sa ale at humingi ng tulong pero hindi niya ginawa. Tumayo siya nang tuwid at hinarap ang aleng pinagbibintangan siya nang masama.

“Drama lang niya iyan, mare! Ayokong may nakakapasok rito sa lugar natin na ibang tao, dahil baka may masama silang binabalak sa’tin, hindi natin alam ang tinatakbo ng isip ng iilan. Kaya para mas sigurado, dapat wala nang kagaya niya ang makapasok rito,” matigas na wika ng ale.

“Saka kung totoong anak mo iyan, bakit dala-dala mo kahit nagtitinda ka? Ang init-init ng panahon, pati ang bata dinadamay mo sa kalokohan mo! Ayokong may kagaya mong nakakapasok at nagtitinda rito sa lugar namin, hindi ka dapat na pinagkakatiwalaan, baka oportunista ka!” galit na wika ng ale at panay ang duro sa kaniya.

Hindi makuha ni Dadang kung ano ang naging kasalanan niya sa ale, kung bakit galit na galit ito sa kaniya. Wala naman siyang nakikitang masama sa ginagawa niya. Nagtitinda lang naman siya ng fabric conditioner at mga sabon, iyon lang at hindi siya masamang tao gaya ng ibinibintang nito sa kaniya.

“Huwag naman gano’n, mare. Kawawa naman ang babaeng iyan, grabe na nga ang kayod niya para lang sa anak niya, tapos bukod sa ipapahiya ay paaalisin mo pa rito ng wala namang sapat na dahilan,” kontra ng aleng bumili sa kaniya kanina.

Ngunit matigas pa rin na inaayawan ng aleng galit ang sinasabi ng aleng kumakampi sa kaniya. Galit na ang ale at panay na ang sigaw nito.

Nagtanggal ng ubo si Dadang at nagsalita. “Pasensya na po kayo, madam, pero iikutin ko muna ang buong lugar, bago ako tuluyang umalis sa lugar na ito. Kung duda kayo sa’kin, hindi ko kayo pagbabawalang sundan ako. Nakasisiguro naman akong hindi ako masamang tao gaya ng sinasabi ninyo tungkol sa’kin,” mahinahon niyang paliwanag.

“Tama iyan, ineng. Walang batas na nagsasabi sa lugar na itong bawal kang magtinda. Magpatuloy ka sa ginagawa mo, hindi para sa sarili kung ‘di para sa anak mo,” anang ale saka tinulungan na siyang makalayo sa aleng namumula na sa galit.

Nang tuluyan na silang makalayo sa aleng galit ay saka lamang niya hinarap ang aleng tumulong sa kaniya at nagpasalamat sa ginawa nitong pagtanggol sa kaniya.

“Naku! Wala iyon, ineng. Kahit sino naman sa lugar na ito ay kaaway ng babaeng iyon. Inggitera kasi iyon at tsismosa pa, kaya hindi na nakapag-asawa, dahilan upang mapuno ng sama ng loob ang puso niya. Kaya kung kani-kanino na lamang siya nagagalit. Huwag mo na lang pansinin,” paliwanag nito.

May dahilan naman pala bakit ganoon ang ugali ng ale.

“Salamat pa rin po ale, babalik po ako rito kapag naubos na iyong binili niyo sa’kin,” aniya.

Matamis na ngumiti ang ale sa sinabi niya. “Oo, bumalik ka at huwag intindihin ang matandang galit sa mundo. Tandaan mo, ineng, hangga’t wala kang tinatapakang iba, at wala kang naaagrabyadong tao, wala kang dapat na katakutan sa kahit saang lugar. Alam kong ginagawa mo ang lahat ng iyan, para sa anak mo, kaya magpatuloy ka lamang. Talagang minsan hindi maiiwasan ang mga kagaya no’ng aleng nakasalubong mo kanina, pero magpatuloy ka’t huwag intindihin ang sinasabi nila sa’yo,” mahaba at makabuluhang payo ng aleng kakikilala pa lamang nila.

“Maraming salamat po. Alam niyo sa ngayon, iyong payo niyo ang pinakakailangan ko. Kaya maraming-maraming salamat po,” aniya saka niyakap ang ale.

Nangako siyang babalik sa susunod na linggo at sana naman ay hindi na niya makasalubong ang aleng galit sa mundo. Kahit pagbawalan man siya nito, babalik at babalik siya sa lugar na iyon at magtitinda ng kaniyang mga paninda. Dahil ginagawa niya ang bagay na iyon, hindi para sa kaniya kung ‘di para sa pinakamamahal niyang anak.

Advertisement