Pakiramdam ng Dalaga ay ‘Masamang Babae’ ang Kasama Niya sa Inuupahang Kwarto; Ito Pala ang Trabaho ng Babae
Palaisipan para kay Angie kung ano ang trabaho ng kasama niya sa bedspace na si Erlinda.
Mula sa lalawigan, nakapasa si Angie sa scholarship sa isang prestihiyosong state university sa Maynila. Ayaw sayangin ni Angie ang pagkakataong makapag-aral dito, kaya sinunggaban na niya, kahit na mapalayo sa pamilya.
Pinapakuha siya sa isang condo o apartment, subalit mas pinili ni Angie na manuluyan na lamang sa isang bedspace. Mabuti na lamang at maraming mga paupahang bahay o kuwarto malapit sa state university na kaniyang pinapasukan. Nakahanap kaagad siya nang maayos-ayos.
Pinili niya ang bedspace dahil nais niyang makatipid. Sadya kasing matipid sa pera si Angie. Alam niyang may kaya sila, subalit alam din niya na pinaghihirapan ang perang kinikita ng kaniyang mga magulang, kaya hindi ito dapat gastusin nang pabulagsak.
Sa isang kuwarto ay may dalawang nangungupahan na kailangang maghati sa mga gamit na matatagpuan dito. Dalawang magkahiwalay na kama, dalawang magkahiwalay na side table, at dalawang aparador. Si Erlinda nga ang kasama ni Angie na hindi pa niya nakakausap.
Hindi nabibigyan ng pagkakataong mag-usap sina Erlinda at Angie dahil tuwing umaga, tulog si Erlinda dahil gabi ang trabaho nito. Minsan, ginagabi na rin ng uwi si Angie kapag may group activity o project silang dapat gawin sa paaralan. Kapag naman dumarating si Erlinda, tulog pa si Angie. Nararamdaman na lamang nila na nariyan ang isa’t isa, kapag bumukas ang pinto. May tig-isa silang susi.
Minsan ay naalimpungatan si Angie nang dumating si Erlinda. Kunwari ay tulog siya subalit nakabukas nang bahagya ang mga mata niya. Nakita niya ang hitsura nito: makapal ang make-up, makapal ang lipstick, at seksi ang kasuotan. Mataas ang takong ng sapatos. May kulay ang mga kuko sa kamay at paa. May kulay ang buhok nito na halo-halo. May pink, may berde, may brown.
Hindi naging maganda ang impresyon ni Angie sa kaniyang kasama. Nasabi niya ito sa mga kaklase.
“Hanapan n’yo nga ako ng ibang bedspace, mga teh.”
“Bakit?” untag ng isa niyang kaklase at kaibigang si Grace.
“Pakiramdam ko kasi, hindi kami magkakasundo ng roommate ko,” ani Angie.
“Bakit naman? May ginawa bang masama sa iyo? Pinagnakawan ka ba?”
“Hindi. Hindi naman… pero pakiramdam ko masamang babae siya. Mukhang masama ang trabaho niya.”
At inilarawan niya ang hitsura nito, lalo pa’t tuwing gabi ang oras ng trabaho.
“Ikaw naman napakamapanghusga. Baka naman call center agent,” saad naman ni Jobel.
“Ah basta… may call center agent bang ganoon ang pormahan? Parang babaeng mababa ang lipad. Ayokong maugnay sa ganyan kaya baka maghanap na lang ako ng ibang bedspace.”
Nakalimutan na ni Angie ang paghahanap ng bagong bedspace dahil naging abala na siya sa pag-aaral para sa Midterm Examination. Sumabay pa ang mga group work at indibidwal na gawain kaya puyatan talaga.
Minsan, nakikitulog na lamang siya sa bahay ng kaniyang kaklaseng kasama sa grupo, dahil ayaw naman niyang maistorbo si Erlinda, at baka awayin pa siya. Pero sa halos limang buwan nilang paghahati sa kuwarto, hindi pa talaga sila nakakapag-usap.
Hanggang sa matapos na nga ang Midterm Examination. Masayang-masaya si Angie dahil matataas ang markang nakuha niya. May isa pang asignatura na nakakuha siya ng perpektong marka.
“Tara, labas naman tayo!” aya ng isa nilang maloko at makulit na kaklaseng si Brenan.
“Inuman ba? Samgyupsal?” tanong ng isang kaklase.
“Lahat ng iyan, puwedeng-puwede nating gawin sa comedy bar na malapit lang dito. Inuman, samgyupsal, at tawanan. Game ba ang lahat?”
At mukhang game naman ang lahat, kahit si Angie ay pumayag. Wala naman sigurong masama kung gagastos siya nang kaunti upang makibagay sa kaniyang mga kaklase.
Gabi. Nagtungo na nga sila sa comedy bar na binabanggit ni Brenan. Nakakatuwa dahil may samgyupsalan nga rin ito habang humihirit ang mga komedyante sa entablado.
Gulat na gulat si Angie nang makita ang isang pamilyar na babaeng nagpapatawa sa entablado.
Si Erlinda!
Napakahusay nitong bumanat ng mga jokes, at higit sa lahat, mahusay kumanta!
Mali pala ang naisip niya hinggil dito. Masyado siyang naging mapanghusga. Napatingin din si Erlinda sa kaniya, at parang namukhaan siya.
Pagkatapos na pagkatapos ng performance nito, ipinasya niyang lapitan ito.
“Hello roommate! Ang galing mo…” nakangiting pagbati ni Angie kay Erlinda.
“Sabi ko na nga ba ikaw ang roommate ko eh, kaya pala namumukhaan kita! Ikaw nga!” natatawang sabi ni Erlinda.
“Dito ka pala nagtatrabaho, ang galing mo talagang magpatawa at kumanta. Sakit ng tiyan ko kakatawa!” papuri ni Angie.
“Naku bigyan mo ako ng tip kapag ganyang nakinabang ka sa akin! Biro lang, roommates naman tayo!” biro ni Erlinda. Nagkatawanan silang dalawa.
Napagtanto ni Angie na mali ang manghusga sa kapwa lalo na kapag hindi pa ito lubusang kilala.
Kaya naman, sabay na silang umuwi ni Erlinda, mga bandang madaling-araw. Mukhang hindi na siya lilipat ng ibang uupahan.