Nangailangan ng Raket ang Dalaga Kaya Nagpatulong Siya sa Kaniyang Kapitbahay; Patusin Kaya Niya ang Alok ng Kliyente Nito?

“Sige na Aling Soler, baka naman may alam kang raket… hindi kasi kakasya ang sinusuweldo ko sa pabrika eh… alam mo naman, hindi prayoridad ang mga handicrafts ngayong pandemya. Kaya kailangan ko ng sideline,” pagmamakaawa ni Adela sa kaniyang kapitbahay na si Aling Soler.

Tiningnan siya ni Aling Soler mula ulo hanggang paa. Kilala si Aling Soler bilang recruiter at nagre-refer ng kung ano-anong mga trabaho sa mga agencies. May nakukuha itong komisyon kapag natatanggap ang mga ni-refer nito sa trabaho.

“Hindi ka ba maarte? Baka naman mamaya umurong ka bigla sa raket na ibibigay ko sa iyo. Wala akong kikitain sa iyo,” sabi nito habang humihithit ng sigarilyo.

“Naku Aling Soler, sanay na sanay ho ako sa mga gawaing-bahay, sanay na sanay ho ako sa trabaho. Bata pa lang ho nagbabanat na ako ng buto,” pagtitiyak ni Adela.

“Sige. Pero… atin-atin lang ito ha…” binabaan ni Aling Soler ang kaniyang tinig. Nagpalinga-linga sa kaniyang paligid. “Walang dapat na makaalam, maliwanag ba?”

“Oho, Aling Soler. Pero, baka naman ho pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot iyan ah, o kaya pagbebenta ng aliw, hindi po ako uubra diyan,” pagpapauna na ni Adela sa ginang.

“Gaga, hindi ako push*r. Hindi rin ako bug*w… pero…”

“Pero ano ho?”

Advertisement

“Huwag mong mamasamain ang tanong ko sa iyo ha? Ikaw ba ay may karanasan na sa lalaki?”

“Aling Soler… hindi ho ako magpapakaplastik sa inyo. Naibigay ko na po ang sarili ko pero hindi naman ho sa kung sino-sino. Sa lalaking mahal ko ho. Pero bakit naman ninyo naitatanong?”

“Mabuti pa, sumama ka na sa akin. May pupuntahan tayo.”

Sumama na nga si Adela kay Aling Soler, bagama’t kinakabahan siya sa raket na ibibigay nito. Inihanda niya ang sarili sa anumang malalaman. Hindi naman siguro siya ipapahamak ng kapitbahay. Kilala niya ang pamilya nito. Kilala rin nito ang pamilya niya.

Maya-maya, nag-doorbell ito sa isang malaking bahay. Dalawang beses. Isang kasambahay ang sumungaw.

“Kay Don Emilio at Donya Carmen. Pakisabi, si Soler.”

Umalis saglit ang kasambahay. Muling bumalik. Binuksan nang maluwag ang tarangkahan.

“Pasok daw,” saad ng kasambahay. “Bawal magtanggal ng face mask at face shield ha.”

Advertisement

Pumasok ang dalawang babae sa malaking bahay, na pagkaganda-ganda at nakalulula sa aliwalas.

Pagpasok sa loob, nabungaran na nilang nakaupo sa malaki at magarang sofa ang dalawang matandang mag-asawa.

“Upo ka, Soler. Siya na ba?” tanong ni Donya Carmen.

“Opo, Donya Carmen. Heto po si Adela.”

Gulong-gulo si Adela sa mga nangyayari.

“Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa. Babayaran kita ng 250,000 piso upang makisip*ng sa asawa kong si Emilio. Kapag nagbuntis ka, karagdagang 250,000 piso subalit wala ka nang karapatan sa bata. Kami na ang magiging mga magulang niya. Nagkakaintindihan ba tayo?”

Napatayo si Adela. Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Hindi naman ito nasabi at naipaliwanag sa kaniya ni Aling Soler.

“S-Sandali lang ho… ano ito, Aling Soler?”

Advertisement

“A-Adela… kaya kita tinatanong kanina kasi naghahanap sila ng magiging nanay para sa magiging anak nila. Hindi na kasi mabubuntis si Donya Carmen dahil sa edad niya. Eh gusto pa nilang magka-anak,” paliwanag ni Aling Soler.

“Babayaran ka namin basta’t magbunga lamang ang gagawin ninyo ng aking mister,” giit ni Donya Carmen.

Tumayo si Adela.

“Pasensya na po pero hindi po kakayanin ng konsensya ko na makipagtal*k sa isang lalaki, o sa isang mas nakatatanda sa akin, na hindi ko naman mahal at ngayon ko lang nakilala. Pagpasensyahan na po ninyo, para ko na kayong mga lolo at lola. Pangalawa po, hindi ko maaatim na ipamigay ang magiging anak ko. Pasensya na po,” saad ni Adela.

Umalis na nga si Adela at walang lingon-likod na lumabas na sa bahay. Hinabol-habol siya ni Aling Soler.

“Hoy Adela, galit ka ba sa akin? Eh kasi sabi mo gusto mo ng raket eh,” hindi magkandatutong tanong ni Aling Soler.

“Oho Aling Soler, gusto ko nga ho ng dagdag na mapagkakakitaan pero huwag naman pong ganyan. Hindi ko ho ipagbebenta ang puri at dangal ko, kahit na ako ay nasa kagipitan. Hindi ko po maaatim na ibigay o ibenta sa iba ang aking magiging anak. Humanap na lang po kayo ng ibang babaeng papayag sa set up na gusto nila,” may paninindigang sabi ni Adela sa kapitbahay.

Nagtiyaga na lamang si Adela sa paghahanap ng raket, at mapalad naman na nangangailangan ng dagdag na helper sa bagong bukas na kainan sa palengke.

Advertisement

Napagtanto ni Adela na ayos lamang na maliit ang kita basta’t marangal. Sigurado siyang hinding-hindi niya pagsisisihan ang naging desisyon niya.