Umamin ang Lalaki sa Kaniyang Kinakasama na may Mahal na Siyang Iba, Sa Kabila Nito ay Pumayag ang Babae na Magsama Silang Tatlo sa Iisang Bubong
“Parang awa mo na William, huwag mo akong iwan… hindi ko kakayaning mawalay ka sa akin!” Nagmamakaawa si Melissa sa live-in partner na si William.
Tatlong taon na silang nagsasama at wala pang anak. Isang araw, ginulat na lamang ni William si Melissa. Isang rebelasyon ang sinabi niya rito.
“Hindi na kita mahal, Melissa. Patuloy lang kitang masasaktan kapag pinagpatuloy pa natin ito. Komplikado na ang lahat. I’m sorry…” paghingi ng paumanhin ni William.
“Gusto kong malinawan. Ano, itatapon mo na lang ba ang tatlong taon nating pagsasama? Puwes ako, hindi. Mahal na mahal kita William!” hilam na sa luha ang mga mata ni Melissa. Umiiyak na rin si William. “Minahal kita, Melissa. Alam ng Diyos iyan. Pero habang dumaraan ang panahon, may mga natutuklasan ako sa sarili ko, na alam kong hindi mo maiintindihan. Kahit ako hindi ko maintindihan kung bakit nangyari sa akin iyon…”
“Puwes, ipaintindi mo sa akin. May iba ka na bang babaeng mahal? Sino siya? Mas maganda ba sa akin? Saan mo nakilala?” “H-Hindi babae, Melissa. Lalaki. I’m ga*y.”
Napamaang si Melissa. Natigalgal.
“Tama ang narinig mo, Mel. I’m ga*y. At may boyfriend ako. I’m sorry…” paghingi ng tawad ni William.
“G-Gusto ko siyang makilala. D-dito mo na siya patirahin sa atin. P-Payag ako. Basta’t huwag mo akong iwan, William. Ayokong mag-isa. Wala na akong pamilyang babalikan. Itinakwil na nila ako noong nagdesisyon tayong magsama, dahil konserbatibo sila Daddy, at gusto nilang maikasal tayo. Please. Tanggap ko. Tatanggapin ko…” pagmamakaawa ni Melissa.
Si William naman ang napamaang at natigalgal sa mga narinig mula kay Melissa. Hindi niya inaasahan ang mga sinabi nito. Iba kasi ang naisip niya. Sasaktan siya nito at palalayasin. Pandidirihan. Subalit nabanaag ni William ang sinseridad sa mga mata ni Melissa.
Kinabukasan, isinama ni William ang kaniyang boyfriend at ipinakilala kay Melissa. Awkward man, subalit sinunod ni William ang hiling ni Melissa. Kagaya ni William, discreet ang paggalaw, pananamit, at pagsasalita ni Edmond. Hindi makapaniwala si William na kayang tanggapin at pakiharapan ni Melissa nang maayos ang kaniyang lover.
“Saan ba kayo nagkakilala ni William?” untag ni Melissa. Pilit na binabasa ni William ang ekspresyon ng mukha nito. Nakangiti kasi ito. Tila magiliw pa kay Edmond. Ngunit alam at nararamdaman ni William na lihim na nasasaktan si Melissa. Alam niya. Tatlong taon silang nagsama.
“S-sa isang ga*y dating app…” ilang na sagot ni Edmond. Hindi niya inaasahan ang mga nangyayari ngayon. Hindi ganito ang inaasahan niyang paghaharap. Hindi ganito ang mga tipikal na paghaharap ng mga nagkaka-love triangle sa mga drama sa telebisyon at pelikula.
“Mahal ka ni William. Mahal ka ng mahal ko. Ayoko siyang pakawalan. Sana, pumayag kang dumito na rin. Tanggap ko ang relasyon ninyo. Huwag n’yo lang akong iwan,” pakiusap ni Melissa.
Pumayag sina William at Edmond sa set-up na gusto ni Melissa. Naiba rin ang ayos ng bahay. Pumayag si Melissa na magkasama na sa iisang kuwarto ang dalawa. Si Melissa pa ang naghahanda ng pagkain para sa kanila.
“Tama ba tong set-up natin? Parang may mali. Naaawa ako kay Melissa,” tanong ni Edmond kay William.
“Mali talaga, pero nakokonsensya rin naman ako kung iiwanan ko siya. Tatlong taon din kami. Dahil sa akin, tinakwil siya ng pamilya niya,” sagot ni William.
“Pero kung may gagawin iyan sa akin, kung tatarayan ako niyan at aalipustahin, ako mismo ang aalis ah…” babala ni Edmond kay William.
Madalas naiiwang magkasama sina Edmond at Melissa sa bahay. Abala sa trabaho si William. Si Edmond naman, kare-resign lamang sa trabaho at naghihintay lamang ng tawag mula sa mga ito.
Minsan, ipinagtimpla ni Melissa ng kape si Edmond. “H-hindi naman ako nagpapatimpla ng kape, Melissa…” naiilang na sabi ni Edmond.
“Ayos lang iyan. Wala si William. Sino mag-aasikaso sa iyo? Eh di ako,” nakangiting tugon ni Melissa. Matagal na tinitigan ni Edmond ang puswelo ng kape na iniaabot ni Melissa.
“Hindi kita lalasunin kung iyan ang iniisip mo,” sabi ni Melissa. Sumimsim siya nang kaunting kape. Ipinakitang wala siyang inilagay na kung ano pa man sa iniaalok na kape para kay Edmond.
“Bakit ganyan ka? Bakit mabuti ang pakikitungo mo sa akin?” tanong ni Edmond. Napamaang si Melissa.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong nito.
“Inagaw ko ang mahal mo. Dapat nilalait mo ‘ko ngayon. Dapat hindi ako nandito ngayon. Dapat isinusumpa mo kami. Pero bakit kabutihan ang pinapakita mo? Sabihin mo ang totoo,” bulalas ni Edmond.
“Gusto mo ba ang totoo, Edmond? Sige. Ang totoo, parang dinudurog ang puso ko. Ang sakit-sakit! Alam mo yung, yung… hindi mo alam kung saan ako nagkamali, saan ako nagkulang? Mahal na mahal ko si William. Pero iba ang sitwasyon niya. At aminin mo man sa hindi, mas tanggap ko ito kaysa ibang babae ang minahal niya. Mahal ko at tanggap ko si William,” umiiyak na tugon ni Melissa.
Niyakap nang mahigpit ni Edmond si Melissa. “I’m sorry, Melissa. We are sorry. Hindi namin sinadyang mahalin ang isa’t isa. Hindi ko sinasadyang agawan ka…”
At doon na nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Dahil laging wala si William dahil sa ilang mga dapat asikasuhin para sa accreditation ng kanilang kompanya, napalapit ang loob nina Melissa at Edmond sa isa’t isa.
Sila ang laging nagkakausap. Sinasamahan lagi ni Edmond si Melissa sa pamimili sa palengke, sa grocery, pagkuha ng mga pinalabhang damit sa laundry shop, at sa iba pang bagay. Naging magkaibigan sila.
Isang gabi, umuwing lasing na lasing si William. Narinig ni Melissa na nagtatalo sila ni Edmond. Kinabukasan, inusisa ni Melissa si Edmond hinggil sa kanilang pinag-awayan.
“M-Mukhang may iba na siyang kinakalantaring iba…” malungkot si Edmond.
“H-ha? Paano mo nasabi? untag ni Melissa.
“Nakita ko sa phone niya. Gamit niya ulit yung ga*y dating app kung saan kami nagkakilala. Marami siyang ka-chat at nakikipagkita siya. May nangyayari sa kanila. Ayoko na…” sabi ni Edmond.
“Anong balak mo?” tanong ni Melissa.
“Mel… mukhang kailangan ko nang umalis. Ayoko na. Akala ko seryoso sa akin si William, hindi pala. Salamat sa lahat. Nakilala kita bilang kaibigan,” pasasalamat ni Edmond.
Subalit hinawakan ni Melissa ang mga kamay ni Edmond. “Isama mo ako, Edmond… ayoko na rin. Hindi ko na maaayos si William. Sasama na ako sa iyo…”
Napamaang si Edmond.
“M-mahal na yata kita, Edmond. Sa halos pitong buwan na magkasama tayo rito, nawala ang pagmamahal ko kay William. Ngayon alam ko na kung bakit nahulog ang loob niya sa iyo. Mabuti kang tao. Pero alam ko naman na bak*la ka rin, at hindi mo ako matatanggap…” bulalas ni Melissa.
Nabanaag ni Edmond ang sinseridad sa mga mata ni Melissa. Mga matang nakikiusap. Nagsusumamo. Nagmamahal. Napalunok si Edmond. Bumuntong-hininga siya, bago nagsalita.
“Sumama ka na sa akin. Iwan na natin siya. Isa kang mabuting babae, Melissa. Hindi mo deserve ang ganitong trato. Aaminin ko sa iyo, nagugustuhan na rin kita. Yes I’m ga*y, pero masaya ako kapag kasama kita. Baka… baka… puwedeng mag-work itong sa atin?” sabi ni Edmond.
Siniil ni Melissa ng munting halik sa labi si Edmond. Nagyakap silang dalawa. Agad silang nag-impake ng kanilang mga gamit.
Pag-uwi ni William, nagulat siya dahil wala na sina Edmond at Melissa. Isang liham ang iniwan ni Melissa na idinikit sa pinto ng refrigerator. Ipinaliwanag ni Melissa na sumama na siya kay Edmond, at malaya na siyang gawin ang gusto niyang gawin.
Nanlumo si William. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyari. Subalit wala siyang lakas ng loob upang ilaban pa si Melissa, o si Edmond. Kasalanan naman niya ang lahat. Siya ang unang nagloko. Siya ang unang nang-iwan. Ngayon, siya ang iniwan. Kaybilis ng karma!
Hindi na hinabol pa ni William sina Edmond at Melissa. Tuluyang nagbago si Edmond. Naging magkasintahan sila ni Melissa. Ginawa ni Edmond ang mga bagay na hindi ginawa ni William kay Melissa. Pinakasalan niya ito. Nagkaroon sila ng dalawang supling at bumuo ng masayang pamilya.