Nais Makaganti ng Lalaking ito sa Kaniyang Mapagkait na Kapatid; Nagulantang Siya nang Bigla itong Humingi ng Tulong sa Kaniya
“Remo, nakita mo na ba yung text sa’yo ng ate mo? Dalawang linggo na raw sa ospital yung pamangkin mo at wala na silang pambayad. Nanghihingi ata ng tulong sa atin,” balita ni Daisy sa kaniyang asawang abala sa pagdidilig ng halaman.
“Tulong? Tulong niya mukha niya! Noong manganganak ka nga sa panganay natin, isang dekada na ang nakakaraan, hindi ba’t nanghingi rin ako ng tulong sa kaniya dahil walang-wala na talaga ako? Pinagtabuyan ako niyan sa harap ng mga kaibigan niya na para bang isang batang kalyeng nanlilimos! Kapatid niya ako, Daisy, tapos ginanon niya ako!” galit na sagot ni Remo, kitang-kita sa kaniyang mukha ang sama ng loob na nararamdaman para sa kaniyang nakatatandang kapatid.
“Oo, kapatid mo nga siya, kaya nga dapat tulungan mo siya ngayon, ‘di ba? Naiintindihan ko na may sama ka ng loob sa kaniya, Remo. Pero, kailangan bang gantihan natin siya sa masamang ginawa niya sa atin?” pangongonsensya ng kaniyang asawa habang tinatapik-tapik ang kaniyang likuran.
“Aba, syempre! Para maramdaman niya rin ang pakiramdam ng walang makapitan! Lumuhod na siya sa harapan ko, Daisy, hindi ko ‘yan bibigyan kahit isang sentimo!” ‘ika niya dito saka padabog na binitawan ang hawak na lagadera.
Isang taon bago makapagtapos ng pag-aaral si Remo, nagbunga ang pagmamahalan nila ng kaniyang unang kasintahan. Bagamat bata pa at wala pang trabaho, ang mga magulang niya ang siyang sumusuporta sa buwanang pagpapakonsulta sa doktor ng kaniyang asawa.
Ngunit tatlong buwan bago ito manganak, sumakabilang buhay ang kaniyang mga magulang dahil sa isang aksidente dahilan upang sa kaniyang panganay na kapatid na lamang siya muna umasa.
Isang doktor ang kaniyang ate, dahilan upang bahagya siyang mapanatag sa nalalapit na panganganak ng kaniyang asawa noon kahit pa pumapasok na siya bilang isang serbidor sa isang restawran. Sanggang dikit kasi sila nito noon pa man kaya inakala niya na hindi siya nito papabayaan ngunit sa mismong araw ng panganganak ng kaniyang asawa, tila nag-iba ang kaniyang kapatid at nakatikim siya nang maaanghang na salita mula dito.
“Hanggang kailan kita susustentuhan? May sarili ka nang pamilya, sa akin ka pa umaasa? Pagdusahan mo ‘yang kalandian niyo ng nobya mo! Hindi na ako magbibigay sa inyo. Umaabuso na kayo! Umalis ka na dito, nakakahiya sa mga kaibigan ko!” sambit ng kaniyang ate, saka siya sapilitang pinalabas ng malaki nitong bahay.
Simula noon, habang naglalakad siya patungong ospital habang humihikbi, ipinangako niya sa sariling balang araw, makakaganti rin siya sa kaniyang ate.
Agaran naman siyang nakakuha ng magandang trabaho pagkatapos niyang mag-aral dahilan upang maiangat niya ang kaniyang maliit na pamilya mula sa kahirapan. Naging marangya ang kanilang buhay katulad ng kaniyang pinapangarap. Nababalitaan man niyang naghihirap na ang kaniyang ate, ngunit hindi niya ito pinagbibigyan ng kahit maliit na pansin.
Noong araw na iyon, mimabuti niyang magpahinga. Nakaramdam kasi siya ng pagtaas ng dugo mula sa pag-uusap nila ng kaniyang asawa. Ngunit maya-maya, bigla siyang nakarinig ng isang pamilya na boses.
“Remo, Remo! Tulungan mo ako!” dahilan upang mapabalikwas siya’t tignan ang babaeng sumisigaw mula sa labas ng kanilang bahay.
Doon niya nakita ang kaniyang kapatid sakal-sakal ng isang lalaking nakatakip ang mukha.
“Tulungan mo ako, Remo! Malaki na ang utang ko sa kanila at nais na nilang tapusin ang buhay ko!” iyak nito, nagmadali siyang kumuha ng pera at lumabas ng bahay, ngunit bago pa man siya makalabas, nakarinig na siya ng putok ng baril at tumambad na sa kaniya ang walang-buhay na katawan ng nag-iisa niyang kapatid.
“Ate!” sigaw niya saka siya humagulgol sa tabi nito.
“Remo! Remo! Gising! Bakit ka umiiyak?” sigaw ng kaniyang asawa. “Si ate, kailangan kong puntahan si ate. Dalian mo magbihis ka pupuntahan natin si ate!” sambit niya sa asawa, agad naman itong napangiti’t mabilis na nagbihis.
Nadatnan nilang umiiyak ang kaniyang kapatid yakap yakap ang kaniyang pamangkin. Agad niya itong nilapitan saka niyakap.
“Nandito na ako, ate, ako bahala sa inyo,” sambit niya dahilan upang mas lalong umiyak ang kaniyang kapatid.
“Patawarin mo ako, Remo, sa lahat ng pagkukulang ko, asahan mong babawi ako sa’yo,” hikbi nito dahilan upang dumaloy na rin ang kaniyang luha.
Simula noong araw na iyon, naging buo muli ang relasyon nilang magkapatid. Napalitan ng pagmamahal ang sama ng loob na matagal niyang ibinuro sa kaniyang puso. Ika ng kaniyang asawa, “Minsan, kailangan mong gantihan ng kabutihan ang tao upang mapagtanto niya lahat ng pagkakamali niya, hindi palaging sa paraang masama,” dahilan upang mayakap niya ito nang mahigpit.
“Salamat, mahal ko,” sambit ni Remo.