Hindi Marunong Makinig si Cedrick sa Kaniyang Ina, Isang Leksyon ang Ibibigay ng Kakahuyan sa Kaniya
“Cedrick, anak, ilang beses ko bang sasabihin sa ʼyo na huwag kang pupunta roʼn sa may kakahuyan? Hindi magandang tambayan ʼyon ninyong magbabarkada, delikado roʼn!”
Umagang-umaga ay panay ang sermon ni Aling Sonia sa anak na si Cedrick. Simula kasi nang napalipat sila rito sa probinsya ay palagi nang nagpupunta si Cedrick doon kasama ang mga bagong kakilalang barkada nito.
“Bakit, ʼma? Ano bang delikado roʼn?” Tumawa pa si Cedrick. “Maligno? Engkanto? Mama naman, 2020 na naniniwala pa kayo sa ganoʼn?”
“Mas maigi na ʼyong nag-iingat, anak. Noong mga araw na mga bata pa kami, hindi talaga kami pinapayagang magpunta roʼn dahil sa kababalaghang bumabalot sa kakahuyan. Makinig ka naman sa akin,” patuloy namang paliwanag ni Aling Sonia sa anak na suwail.
Hindi na nito sinagot pa ang kaniyang sinasabi. “Punta lang ako kina Isko, ʼma. ʼWag nʼyo na akong hintayin,” paalam nito.
“Anak, maghahapunan na,” pigil naman ni Aling Sonia sa anak ngunit mabilis na itong nakalabas sa pinto.
“Doon na lang ako kakain, ʼma!” hiyaw pa ni Cedrick bago tuluyang tumakbo paalis.
Napabuntong-hininga na lang si Aling Sonia sa sobrang kunsumisyon sa anak na si Cedrick.
Samantala, tuwang-tuwang nag-iinuman sina Cedrick at ang kaniyang mga kabarkada sa kakahuyan. Sa dami ng pupuwede nilang pagpuwestuhan ay dito nila napili para walang sasagabal sa kanilang pagsasaya. Paanoʼy menor de edad pa silaʼt hindi pa naman talaga pinapayagan ng kani-kaniya nilang mga magulang na mag-inom kayaʼt dito sila nagtatago.
“Tagay pa, pre!” masayang ani Cedrick sa kabarkadang si Isko. Agad naman siyang tinagayan nito hanggang sa makaapat na bote na sila.
“Walang-uuwi, ha? Siguradong lagot tayo kapag nalaman nilang nag-iinom tayo rito!” tumatawang paalala ni Isko kay Cedrick at sa iba pa nilang kasama.
Nasa kalagitnaan sila ng kanilang kasiyahan nang sabay-sabay nilang mamataan ang isang napakagandang dalagang naglalakad sa gitna ng kakahuyan. Tila mga nabuhayan ang mga binatilyo sa nakita.
“Ang sexy!” hiyaw ni Cedrick na hindi na nag-aksaya pa ng pagkakataon. Tumayo siya sa kanilang inuman at agad na sinundan ang magandang dalaga, kahit susuray-suray siya sa paglalakad. Sumunod na rin sa kaniya ang kaniyang mga kaibigan.
Walang sinuman sa kanila ang nakapansin na nararating na nila ang pinakadulong bahagi ng kakahuyan dahil sa pagsunod nila sa dalaga. Natauhan lang ang magbabarkada nang biglang maglaho sa harap nila ang dalaga, na lingid sa kanilang kaalaman ay isa palang… engkantada!
Kinilabutan sila nang magsimulang humangin nang malakas at ganoon na lang ang kanilang pagkagulantang nang unti-unti ay naggalawan ang sanga ng mga puno, na animo may sarili itong buhay!
Nagtangkang tumakbo si Cedrick ngunit may bagay na pumulupot sa kaniyang katawan… isang baging!
“Bitawan mo ako! Bitawan mo ako!” sigaw niya. Ganoon din ang hinihiyaw ng iba pa niyang mga kasama.
“Mga bata,” isang tinig ang nagsalita, “wala bang nagsabi sa inyong delikadong magpunta rito sa kakahuyan?” pagkatapos ay sinundan iyon nang halakhak. “Kayoʼy mga suwail. Kayong mga hindi marunong makinig sa mga magulang. Kayoʼy mapaparusahan!”
Biglang pumasok sa utak ni Cedrick ang bilin ng inang si Aling Sonia na lagi niyang binabalewala.
Pagsisisi ang agad na lumukob sa damdamin ng binata.
“Patawad, ʼma,” iyon lang ang nasambit niya sa sarili bago nila nakitang bumuka ang lupa.
Mula sa pagkakapulupot ng baging ay isa-isa silang inihagis niyon at nahulog sila sa malalim at madilim na biyak ng lupa.
Iyon ang huling natatandaan ni Cedrick bago magdilim ang kaniyang paningin.
Nagising ang magbabarkada na nakasalampak sila sa lupa kung saan silaʼy nag-iinuman kanina.
Agad silang nahulasan mula sa tama ng alak at walang sali-salitang kaniya-kaniyang nagtakbuhan palabas ng kakahuyan.
“Oh, anak, kanina pa kita hinihintay. Saan ka ba galing? Nag-aalala na ako sa ʼyo!”
Sinalubong ni Aling Sonia ng sermon si Cedrick nang sa wakas ay umuwi na ito. Ngunit ganoʼn na lang ang kaniyang pagtataka nang imbes na pagdadabog, tulad ng dati nitong gawain, ay mahigpit na yakap ang isinalubong nito sa kaniya!
“Sorry po, mama! Sorry po talaga,” umiiyak na hinging paumanhin ni Cedrick sa ina.
“Bakit, anak? May nangyari ba? Bakit ka ganiyan?” Takot ang nasa tinig ni Aling Sonia.
Isiniwalat ni Cedrick sa ina ang buong pangyayaring naranasan nila sa kakahuyan. Bukod doon ay nangako siyang hindi na kailan man magiging suwail sa kaniyang ina.
Nagpasalamat naman si Aling Sonia sa Diyos dahil hindi nito pinabayaan ang kaniyang anak.