“Wala na ang anak natin, Sherwin, wala na!” hiyaw ni Anelie sa nobyo.
“Ayos lang iyan. At least, walang katibayan ‘di ba? Mahusay na aborsy*nista si Aling Selma. Sanay na sanay na siya sa mga ganyan,” wika ni Sherwin.
“Wala kang konsensiya? Anak mo ‘yung nawala!” mangiyak-ngiyak na sabi ng babae
“Alam ko, p-pero hindi pa ako handang maging ama. Marami pa akong pangarap para sa sarili ko. Magtatapos pa ako sa kolehiyo at magiging matagumpay na arkitekto.”
Mas piniling ipalaglag ni Sherwin ang anak niya sa nobyang si Anelie dahil sa edad na disi-sais ay hindi pa siya handang gampanan ang responsibilidad bilang ama. Wala namang nagawa ang babae dahil kahit ito ay menor de edad pa rin kaya malaya nilang naidispatsa ang sanggol sa sinapupunan nito. ‘Di nagtagal, ang kanilang relasyon ay nauwi rin sa hiwalayan.
Lumipas ang ilang taon at isa nang ganap na arkitekto si Sherwin. Isa siya sa pinakamahusay sa kaniyang larangan sa bansa. Muli siyang umibig at nakipag-isang dibdib kay Yssa na nakilala niya sa pinagtatrabahuhang construction firm. Masaya ang buhay may asawa ni Sherwin ngunit dalawang taon na ay hindi pa rin sila nabibiyayaan ng anak ng kaniyang misis.
Isinakripisyo ni Yssa ang kaniyang trabaho para mapagtuunan ng pansin ang asawa at sa pagbuo nila ng pamilya. Palagi rin silang nagbabakasyon sa iba’t ibang lugar para makundisyon ang kanilang katawan para sa pagkakaroon ng anak. Sinubukan na rin nilang magsayaw sa Obando para lang makaanak ngunit talagang nananadya ang tadhana.
“Gusto ko nang sumuko, Sherwin. Lahat naman ginagawa natin para magkaroon ng anak, pero bakit ayaw pa rin tayong pagbigyan?” maluha-luhang sabi ni Yssa sa mister.
“Ngayon pa ba tayo susuko, mahal ko? Hayaan mo at magkakaroon din tayo ng baby.”
“Handa akong ibigay ang lahat, mabigyan lang kita ng anak.”
Sa labis na kagustuhang magkaanak ay kung ano-ano na ang ginawa ni Yssa para matupad ang pangarap. Nagpakunsulta siya sa mga albularyo ngunit hindi nakatulong sa kanilang mag-asawa ang payo ng mga ito. Bumili rin siya ng mga halamang gamot na ibinebenta sa Quiapo para mabuntis pero hindi rin umepekto ang mga iyon sa kaniya. Maging pagsasayaw sa Obando ay ginawa na rin nilang mag-asawa, ngunit sa huli’y wala pa ring epekto.
“Diyos ko, ginawa ko naman ang lahat para mabigyan ng panganay ang asawa ko pero bakit ayaw Niyo pa rin kaming pagbigyan?” hinaing ni Yssa.
Minsan ay sumasagi sa isip niya na magpabuntis na lang sa ibang lalaki para mabigyan ng anak si Sherwin ngunit hindi iyon kaya ng kaniyang konsensiya. Mahal na mahal niya ang mister kaya hindi niya kayang pagtaksilan ito.
Naisip din niya na sumailalim sa proseso kung saan iba ang magdadalantao para sa kaniya gamit ang sarili niyang itlog ngunit hindi naman doon sang-ayon ang kaniyang asawa kahit pa kaya nitong gastusan nang malaki ang naturang operasyon.
Isang araw ay dinala si Yssa ng kaniyang mga paa sa isang lumang kapilya malapit sa kanilang tinitirhang subdivision. Sa ‘di malamang dahilan, pakiramdam niya ay para siyang hinihila papasok sa loob ng banal na lugar. Nang tuluyang makapasok ay agad siyang lumuhod at nanalangin.
“Pakiusap, dinggin Niyo naman po ang hilig namin ng aking asawa na magkaroon ng anak. Kahit isa lang po. Pinapangako kong gagawin ko ang lahat, mapagbigyan Niyo lamang ang aking kahilingan!” aniya habang nakaluhod sa harapan ng altar.
Lumipas ang ilang linggo, gumising si Yssa na masama ang pakiramdam. Masakit ang kaniyang katawan at nahihilo. Agad na nag-alala sa kaniya si Sherwin.
“Mahal ko, baka kasi sobra kang nai-stress sa kakaisip na mabuntis ka?” anito.
“Hindi naman, eh. Maghapon lang naman akong narito sa bahay at hindi naman ako nagpapagod.”
Maya-maya ay nakaramdam naman si Yssa ng hindi maganda sa kaniyang tiyan at nagsusuka siya. Mas lalong kinabahan ang kaniyang mister.
“Nag-aalala na ako sa kalagayan mo. Kailangan na nating pumunta sa ospital.”
Dinala ni Sherwin sa pinakamalapit na ospital ang asawa at pinatingnan sa doktor.
“Dok, ano pong lagay ng misis ko?”
“Congratulations, magiging ama ka na,” masayang sabi ng doktor.
Hindi makapaniwala si Yssa sa narinig. Gusto niyang magtatalon sa tuwa nang malamang siya ay nagdadalantao na.
“Totoo po ba, Dok?” magkakaanak na kami?”
“Yes, misis, totoo ang sinabi ko.”
“Mahal ko, magkaka-baby na tayo! Pinakinggan na ng Diyos ang hiling natin!” wika ni Sherwin.
Mula nang malaman ng mag-asawa na magkakaroon na sila ng anak ay halos wala ng paglagyan ang saya ng dalawa. Araw-araw ay binibili ni Sherwin ng masusustansyang pagkain si Yssa at sunod na sunod ang mga gusto nito. Hindi niya hinahayaang mapagod at ma-stress ang misis. Gusto nila ay maging malusog ang kanilang anak oras na lumabas ito.
Dumating ang araw nang panganganak ni Yssa. Ang sayang naramdaman nila nang mabalitaang magkakaanak na sila ay may kapalit palang lungkot sa nalaman nila mula sa doktor.
“Tatatapatin ko na kayo. Delikado ang sitwasyon mo at ng iyong anak, misis. May sakit ka pala sa puso? Bakit mo hinayaan na ikaw ay magdalantao? Baka hindi kayanin ng puso mo ang panganganak at maaring isa sa inyo ng anak mo ang mawala,” seryosong wika ng doktor.
“Ano po? Hindi po maaaring mam*tay ang anak ko!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Yssa.
“Dok, w-wala na po bang ibang paraan?” tanong ni Sherwin.
Umiling ang doktor.
“Kailangang mamili, buhay ng misis mo o buhay ng anak ninyo.”
Parang gustong magwala ni Sherwin nang malaman kung ano ang maaaring maging resulta ng panganganak ng asawa.
“Hindi, Dok. Hindi ko isusuko ang anak ko kahit na anong mangyari!” matigas na sabi ni Yssa.
“Mahal ko, mas mahalaga ka sa akin. Hindi ko kakayananin na mawala ka.”
“Mula nang ipagkaloob sa atin ang sanggol sa aking sinapupunan ay ipinangako ko na sa Diyos na gagawin ko ang lahat, magkaroon lang tayo ng anak. Kaya handa kong isakripisyo ang sarili kong buhay para sa anak natin.”
Mahigpit na niyakap ni Sherwin ang asawa at hinalikan ito sa noo.
“Huwag mong gawin ito, mahal ko! Paano na ako?”
“Hindi ka naman mag-iisa. Iiwan ko sa iyo ang anak natin. Gusto kong alagaan mo siya at mahalin gaya ng pagmamahal mo sa akin.”
Buo na ang desisyon ni Yssa na iligtas ang buhay ng anak kapalit ng sariling buhay kahit labag na labag iyon sa kalooban ni Sherwin.
Habang nasa operating room ay taimtim na nagdarasal si Sherwin na maging maaayos ang panganganak ng kaniyang asawa. Labis rin ang pagsisisi niya dahil ito na siguro ang karma niya sa ginawang pagpapal*glag noon sa sarili niyang anak sa dating nobya. Sinisingil na siya sa ginawa niyang kasalanan. Alam niyang walang kapatawaran ang ginawa niya ngunit matagal na niyang pinagsisihan ang kamaliang iyon na habambuhay niyang dadalhin sa kaniyang konsensiya.
Nakahanda rin niyang talikuran ang lahat ng mayroon siya – magandang trabaho at magandang pamumuhay, huwag lang mawala ang kaniyang mag-ina.
Maya-maya ay lumabas na ang doktor.
“Dok, ano pong resulta?” aniya.
“Ikinalulungkot ko, hindi kinaya ng misis mo ang panganganak pero ligtas ang anak mo.”
Parang sinaksak ng punyal ang dibdib ni Sherwin sa ibinalita ng doktor. Wala na ang pinakamamahal niyang asawa.
“Hindi, hindi po iyan totoo!” hagulgol ng lalaki.Nang biglang sumigaw ang nurse sa loob ng operating room.
“Dok, Dok! Buhay po ang babae!”
Parehong napatakbo sa loob ang dalawa. Gayon na lamang ang gulat nila nang makitang buhay si Yssa.
“Ano’ng nangyari?” gulat na tanong ng doktor.
“Bigla na lamang po siyang gumalaw at nagmulat ng mga mata, Dok!” sabi ng nurse.
“S-Sherwin? A-ang anak natin?”
Nilapitan niya ang asawa at mahigpit na niyakap.
“Diyos ko, maraming salamat po at ligtas ang mag-ina ko!
Hindi pa rin makapaniwala ang doktor at ang nurse sa nangyaring muling pagkabuhay ni Yssa na isang milagro. ‘Di nagtagal ay nasilayan din ng mag-asawa ang panganay nilang anak na babae na pinangalanan nilang Miracle. Ipinagtapat rin ni Sherwin sa asawa ang ginawang kasalanan noong siya ay menor de edad pa at sinabing pinagsisihan na ang ginawa. Dahil mahal na mahal siya ng kaniyang asawa ay pinatawad siya nito.
Ang bawat buhay ay mahalaga. Walang karapatan ang sinuman na bawiin ang buhay ng kaniyang kapwa. Isang leksyon ang nangyari para kay Sherwin at pangalawang buhay naman para kay Yssa na handang isakripisyo ang sarili para sa anak at sa kanilang pamilya.