Inday TrendingInday Trending
Inilaan ng Babae ang Buong Buhay sa Kaniyang Pamilya, Ngunit Pasakit Lamang ang Isinukli ng mga Ito sa Kaniya

Inilaan ng Babae ang Buong Buhay sa Kaniyang Pamilya, Ngunit Pasakit Lamang ang Isinukli ng mga Ito sa Kaniya

Dalawampu’t limang taon na rin ang nakalipas mula noong nagpakasal si Marvin at Lovely, nagkaroon sila ng isang anak na lalaki na ang pangalan ay si Bobby na ngayon ay nasa labing siyam na taong gulang na.

Masaya naman ang kanilang pagsasama at wala na ngang mahihiling pa si Lovely dahil sa masaya nilang pamilya. Inilaan niya ang buong atensyon sa kaniyang asawa at anak. Wala na siyang ibang inisip kung ‘di ang alagaan ang dalawang lalaking mahal na mahal niya.

Ngunit isang araw ay bigla na lamang nanlamig ang pakikitungo sa kaniya ng asawa. Lagi na lamang itong nagagalit at naiinis sa kaniya. Laging nakasinghal kapag nag-uutos at kapag hindi niya nagawa ang pinapagawa nito’y sinasaktan na siya ng asawa.

“Napaka-walang kwenta mo talaga, Lovely!” singhal ni Marvin. “Gaya ng edad mong tumatanda ay nagiging inutil ka na rin. Dapat ka na sigurong palitan ng mas bata,” dugtong nito saka nagmartsa palayo sa kinaroroonan niya.

Napahaguhol na lamang ng iyak si Lovely dahil sa masasakit na salitang sinabi ni Marvin. Ano bang mali niya? Hindi naman siya nagbago sa pag-aalaga rito. Mas ramdam pa nga niya ang pagbabago nito sa kaniya. Hindi na ito ang asawang pinakasalan at minahal niya noon.

Abala si Lovely sa pagluluto ng hapunan ng maramdaman niya ang pagdating ng asawa. Agad na sumilay sa labi ni Lovely ang matamis na ngiting noon pa man ay sinasalubong niya rito at nagmamadaling lumabas sa kusina ng agad ding napaatras sa nakita— si Marvin, masayang nakangisi habang payapang nakaabay ang braso nito sa balikat ng babaeng sa kaniyang tantiya ay nasa edad pa lang ng bente mahigit. Balingkinitan ang katawan at taglay ang maganda mukha.

“Lovely, ipaghanda mo kami ng makakain ni Selena,” utos ni Marvin na animo’y isa siyang katulong sa bahay nila.

Nais niya sanang pumalag at magwala ngunit agad ding pinigilan ang sarili lalo nang makita niyang malungkot na nakatingin sa kanila ang kaniyang anak na si Bobby. Lihim na umiyak si Lovely habang ipinaghahanda ng makakain sina Marvin at ang kabit nito. Kaya siguro nanlamig na sa kaniya ang asawa, dahil may pinag-iinitan na pala itong bago at mas bata pa kaysa kaniya.

Makalaunan ay nagsawa na siguro ng tuluyan sa kaniya si Marvin dahil tuluyan na itong umalis sa kanila.

“Paano na kami ng anak mo, Marvin?” Nagmamakaawang wika ni Lovely.

“Susuportahan ko pa rin si Bobby dahil anak ko siya. Pero pakiusap huwag mo na akong pipigilan. Hindi na kita mahal dahil wala kang kwentang asawa. Mas nais kong makasama si Selena kaysa sa’yo. Alis na d’yan!” wika pa ni Marvin.

“Pakiusap, huwag mo kaming iwanan! Handa akong magpaka-martyr huwag ka lang mawala,” nagsusumamo pa ring wika ni Lovely.

“Ang tigas talaga ng ulo mo! Hindi mo ba maintindihang hindi na ikaw ang mahal ko! Alis na Lovely, kung ayaw mong masaktan,” wika ni Marvin saka tuluyang nilisan ang bahay nila.

Walang nagawa si Lovely sa matigas na desisyon ni Marvin na iwanan sila. Lingid sa kaalaman ni Lovely ay nakita iyon lahat ng kanilang anak na si Bobby. Si Bobby na lang ang mayroon si Lovely at hindi na niya kakayanin kung pati ito ay mawawala rin sa kaniya.

Ngunit hindi inaasahan ni Lovely na katulad ni Marvin ay manlalamig rin sa kaniya si Bobby.

“May gusto ka bang kainin anak? Ipagluluto kita,” malambing na tanong ni Lovely.

“Ayokong kausapin ka, ma. Kaya ka siguro iniwan ni papa kasi totoo ngang wala kang kwenta,” nakabusangot na wika ni Bobby.

Nagulat si Lovely sa sinabi ni Bobby. Alam niyang hindi siya perpektong ina at asawa, pero alam din niyang ginawa niya ang lahat ng makakaya niya mapasaya lamang ang mga ito— ngunit tila kulang pa rin pala.

“Kung para sa’yo ay isa rin akong walang kwentang ina Bobby, gawin mo rin ang ginawa ng papa mo sa’kin. Iwanan mo rin ako at sumama kayo sa babaeng iyon!” Tumatangis na wika ni Lovely.

Agad namang nag-empake si Bobby. Dala-dala ang lahat ng gamit nito upang pumunta sa poder ng ama nitong si Marvin.

“Siguro nga’y masyado kong inilaan ang buong buhay ko sa inyo kaya nakalimutan ko nang mahalin ang sarili ko, kaya ngayon ang tingin niyo na lang sa’kin ay isa akong walang kwenta,” wika ni Lovely sa anak habang tahimik itong nag-eempake. “Sana maging masaya ka sa piling ng papa mo at sa bago mong ina,” dugtong ni Lovely.

Napakasakit ng nararamdaman ni Lovely lalo na nang tuluyang umalis si Bobby. Ngunit mas pipiliin niyang masaktan kaysa pilitin itong manatili sa piling niya kung totoong para sa mga ito ay isa na nga siyang walang kwenta.

Sa labis na pagmamahal sa asawa at anak, nakalimutan na niyang mahalin ang sarili. Ibinuhos niyang lahat sa mga ito ang alam niyang pagmamahal, nakalimutan niyang lahat ay kumukupas, at pwedeng mawala. Katulad na lang ngayong iniwan na siya ng mga ito.

Ngunit sa kabila ng lahat ay alam ni Lovely na makakabangon rin siya balang araw. Pero sa ngayon ay magfo-focus muna siya kung paano niya muling maibabalik ang pagmamahal para sa sarili. Hangad niya pa rin ang kaligayahan ng kaniyang mag-ama sa bago nitong asawa at ina.

Advertisement