Nagtungo ang Binata sa Siyudad upang Matakasan ang Buhay Probinsiya, Sa Huli’y May Mapagtatanto Siyang Mahalagang Leksiyon sa Buhay
Sa katirikan ng araw, habang naglalakad sa gilid ng kalsada ang binatilyong si Egoy, napansin niya ang matandang lalaki na naglalakad at kumakamot sa kaniyang ulo na halos puti na ang lahat ng buhok nito. Hindi naman sana niya papansinin ang matanda dahil sa kumakalam na sikmura ngunit bigla na lamang siyang nahabag sa matandang wari’y naliligaw. Walang pakuwari ay agad niya itong nilapitan upang tanungin ang kalagayan ng matanda.
“Magandang tanghali po, ‘tay. Saan ho kayo papunta? Delikado ho at baka masagasaan kayo rito,” pag-aalala niya sa matanda na tumingin sa kaniya paitaas dahil may katangkaran din si Egoy.
Maayos ang damit ng matanda at nakaputing damit ito na halos walang dumi. Walang balbas at malinis ang mukha, paa, at kamay. Maayos din ang tsinelas nito at mukhang bago pa.
Patuloy lamang sa pagtatanong si Egoy. Ngunit hindi sumasagot ang matanda. Para bang nagtataka na lamang ito sa mga nangyayari. Habang ang binatilyo naman ay tagaktak na sa pawis dahil sa tindi ng init ng araw. Inakay ni Egoy ang matanda papunta sa pinakamalapit na karinderya upang makisilong. Ngunit nag-amok ang matanda ng pagkain at mukhang gutom na nga. Binuksan ni Egoy ang kaniyang bag upang tingnan ang natitirang pera. Halos dalawang daan na lamang ang natitira sa kaniya dahil naloko siya ng isang lalaki sa sakayan ng bus.
Hindi na inisip ni Egoy kung ano pa ang susunod na mangyayari. Kumain ang dalawa at mukhang masaya naman sila sa unli rice na promo ng karenderya na iyon. Maya-maya, hindi pa man natatapos ang kanilang pagkain, dumating ang isang binata na batid ang pag-aalala sa mukha nito.
“Lolo Amil!” sigaw ng binatang si Jopet.
Tumayo ang matanda at mukhang tuwang-tuwa nang makita si Jopet. Doon, napag-alaman ni Egoy na kamag-anak nga iyon ng matanda. Nakangiti si Egoy habang tinitignan papalayo ang matanda na akay-akay ni Jopet hanggang sa mawala ang dalawa sa kaniyang paningin. Pagkaraa’y bigla na lamang nabas aang mga mata ng binatilyo dahil bigla niyang naalala ang kaniyang mga matatandang mga magulang.
“Malamang nag-aalala na sila nanay at tatay… Hindi! Tama ang aking ginawa. Babalik naman ako kapag successful na ako para tulungan si nanay at si tatay…” pag-aalo niya sa sarili.
Dalawang araw na mula nang umalis siya sa kanilang probinsya upang makipagsapalaran sa Maynila. Hindi na kasi niya matiis pa ang buhay bilang isang magsasaka na halos kakarampot lamang ang kinikita dahil sa mga negosyanteng nagpapautang at nagpapatubo ng malaki. Aniya, mas maraming oportunidad sa Maynila. Papasok sana siya bilang isang mekaniko dahil iyon lamang ang kaya niyang gawin dahil sa mga extra niya sa probinsya. Subalit malupit ang tadhana sa Maynila, dahil hindi siya nakapagtapos ni high school, ayaw siyang tanggapin ng mga may-ari ng pagawaan.
Nanghina si Egoy nang muli niyang silipin ang kaniyang wallet. Halos bente pesos at iilang pisong barya na lamang ang natitira. Gusto sana niyang pagsisihan ang kaniyang desisyon na kumain ngunit alam niyang nakatulong siya at wala ng mas isasarap pa iyon sa kaniyang pakiramdam. Napaupo si Egoy sa tapat ng karenderya, iniisip kung paano siya makakahanap ng trabaho o kahit man lang makauwi sa kanila dahil kulang na ang kaniyang pera. Isa pa, ay hindi mawala sa kaniyang isip ang mga magulang na naiwan.
“Toy… Toy… Gising,” isang boses ng lalaki ang kaniyang narinig. Nang imulat niya ang kaniyang mga mata, palubog na nag araw at mukha ng isang binata ang kaniyang nasilayan- si Jopet!
“Pinapapunta ka ni Tatay Amil sa bahay. Iyong matanda kanina…” ani ng binata.
Dahil walang-wala na rin naman, sumama naman siya agad kay Jopet. Isang malaki ngunit lumang bahay ang kaniyang nakita na may pagawaan ng mga selpon sa baba nito ang tumambad sa kaniyang harapan. Naroon din ang matanda na kaniyang tinulungan na nakangiti sa kaniya.
“Maraming salamat sa tulong, hijo… Kung hindi siguro dahil sa’yo malamang, kung saan na naman ako napadpad… Pagpasensiyahan mo na itong uugod-ugod na matandang ito… Tuloy ka at maghapunan tayo… ” pagbibiro pa ng matanda sa kaniya.
Sa unang pagkakataon, nagkaroon si Egoy ng isang hapunan na puno ng kuwentuhan at biruan kasama nina Jopet at Tatay Amil. Matapos marinig ang kaniyang istorya, inalok ni Tatay Amil si Egoy na doon na lamang manirahan at magtrabaho sa kaniyang maliit na shop upang tulungan din si Jopet. Nag-umapaw sa pasasalamat ang puso ni Egoy nang gabi na iyon habang naglilinis sila ni Jopet ng pinagkainan.
“Alam mo, katulad na katulad mo ako noon. Ganiyan din ako noong kinupkop ako ni Tatay Amil. Hindi niya ako kaano ano pero sabi niya ako na lang daw anak niya…” pagkukwento ni Jopet sa kaniya. Nagtaka si Egoy dahil buong akala niya’y anak ito ng matanda.
“Nasaan mga anak ni Tatay Amil?” tanong nito sa kausap na binata.
“Wala eh. Hindi na siya tinatawagan matagal na… Nangungulila na kahit na may sakit siya hindi siya kinakausap. Sobrang ikinalungkot iyon ni Tatay Amil kaya nga siguro natulong na lang siya sa ibang tao eh…” sagot ni Jopet sa kaniya.
Naantig ang puso ni Egoy sa kaniyang narinig ukol sa matanda. Bukod pa doon, muli niyang naalala ang kaniyang mga magulang na iniwan sa probinsya. Humagulgol ng iyak si Egoy dahil alam niyang mali iyon. Agad siyang humiram ng selpon kay Jopet at kinontak ang kaniyang mga magulang. Humingi siya ng tawad at nangakong babalik kapag naka ipon na. Sa ngayon, nais ni Egoy na bayaran ang kabaitan ni Tatay Amil sa pagkupkop sa kaniya sa pagbibigay ng buong pagmamahal dito na parang isang anak.