Inday TrendingInday Trending
Pinilit ng Isang Ina ang Kaniyang Panganay na Anak na Mangibang Bansa Kahit Labag sa Kalooban ng Dalaga; Laking Gulat ng Ginang nang Mabalitaan ang Sinapit Nito

Pinilit ng Isang Ina ang Kaniyang Panganay na Anak na Mangibang Bansa Kahit Labag sa Kalooban ng Dalaga; Laking Gulat ng Ginang nang Mabalitaan ang Sinapit Nito

“Sinasabi ko na sa iyo, Thelma. Wala rito sa Pilipinas ang ikakayaman ng pamilya natin kung hindi nasa ibang bansa. Wala kang aasahang malaking sahod dito sa bansa natin. Napakalaki ng pag-asa nating makaluwag sa buhay kung mangingibang bansa ka,” giit ni Aling Myrna sa kaniyang panganay na anak.

“Ayos naman po ang sinuswelo ko dito, ‘nay. Kahit paano’y natutustusan ko naman ang mga pangangailangan nating mag-anak,” tugon ng dalaga.

“Pero hindi pa rin sapat, anak. Paano na ‘yan? Sa susunod na taon ay magkokolehiyo na ang kapatid mo. Kaya mo ba siyang mapaaral gamit ang sinusweldo mo sa pagiging kahera mo sa botika? Kung hindi sana ako iniwan agad ng tatay mo ay hindi sana ako aasa lamang sa iyo,” saad ng ina.

“Wala po kasi akong lakas ng loob talaga na mangibambansa, ‘nay. Ginagawa ko naman po ang lahat para mapagkasya ang sweldo ko. Pasensiya na kayo kung kulang pa,” malungkot na sambit ni Thelma.

Matagal nang pinipilit ni Aling Myrna ang anak na mangibang bansa. Inggit na inggit kasi ito sa maganda at nakakariwasang buhay na sinasapit ng kaniyang mga hipag na may anak na nagtatrabaho sa kabilang ibayo. Nais niyang maranasan ang luwag ng pamumuhay na nararanasan ng mga ito.

Dati kasi ay nakakaluwag sa buhay ang mag-anak. Ngunit simula nang yumao ang asawa ni Aling Myrna ay naibigay na kay Thelma ang responsibilidad para sa buong pamilya. Kahit nga tatlumpu’t tatlong taong gulang na ito ay hindi pa rin niya makuhang magpakasal at mas pinili na lamang makipaghiwalay sa kaniyang matagal nang kasintahan upang mapagtuunan ang pag-aasikaso sa pamilya.

Ngunit para kay Aling Myrna ay kulang pa ang mga ito.

“Pag-isipan mo, anak. Hindi ganitong buhay ang kayang ibigay sa atin ng tatay mo. Nangako ka sa kaniya na hindi mo kami papabayaan,” sumbat ng ginang.

Kahit takot at mahina ang loob ay pinilit ni Thelma na pagbigyan ang kaniyang ina.

“May kilala akong nagpapaalis patungo sa ibang bansa. Siya din ang tumulong na makaalis ‘yung anak ni Mareng Upeng. Tingnan mo naman ang buhay nila ngayon,” saad ni Aling Myrna.

Agad siyang nakipagkoordina sa sinasabing taong ito at inayos ang kaniyang papel upang sa madaling panahon ay makaalis na siya.

“Sa gagawin kong ito, sana mapasaya ko na si nanay. Sana ay mabigyan ko na siya ng magandang buhay na ninanais niya,” sambit ni Thelma sa sarili.

Ang hindi alam ni Thelma ay hindi talaga isang staff sa opisina ang naghihintay sa kaniyang trabaho kundi isang babaeng bayaran. Laking gulat ng dalaga ng makita ang lugar ng kaniyang pagtatrabahuhan. Kahit manlaban siya at magpumilit na umalis ay wala siyang magawa sapagkat tinatakot siya ng pamunuan na kakasuhan.

Sa takot ng dalaga ay tinanggap na niya ang kaniyang trabaho kahit labag ito sa kaniyang kalooban.

“Masasanay ka rin. Sa tingin mo lahat kami ay gusto ang trabahong ito? Wala na lang din kaming magawa,” saad ng isang babaeng kasamahan ni Thelma.

Patuloy sa pag-iyak si Thelma sa kaniyang sinapit. Ngunit hindi siya papayag na hindi siya makakaalis sa ganitong katayuan. Kaya pansamantala ay ginawa niya ang pinapagawa sa kaniya sa trabaho kahit labag sa kaniyang prinsipyo. Patuloy ang pagpapadala niya ng pera sa kaniyang pamilya sa pinas na walang kaalam-alam sa kaniyang sinapit.

“Nay, kung uuwi po ba ako ay ayos lamang po sa inyo?” wika ni Thelma sa kabilang linya ng telepono. Nagpaplano na kasi ang dalaga na tumakas.

“Bakit, anak? May nangyari ba? Huwag kang panghinaan ng loob. Tiisin mo na lang sandali pa hanggang sa makaipon tayo at makatapos ang kapatid mo. Sandaling panahon na lang iyon,” pilit ng ina.

Pagkatapos pala ng pag-uusap na iyon ay agad tinawagan ni Aling Myrna ang kausap nilang tumulong kay Thela upang makaalis ng bansa. Agad nitong inireport sa bar na pinagtatrabahuhan ng dalaga na bantayan maigi si Thelma dahil kinukutuban silang tatakas ito pauwi.

Naging mahigpit ang pagbabantay kay Thelma. At sa oras na nagtangka siyang tumakas ay pagmamalupit ang kaniyang inabot. Lalo siyang pinahirapan sa pamamagitan ng pagmom*lestiya sa kaniya ng mga parokyano ng bar.

Hanggang sa hindi na kinaya ni Thelma at lumaban siya ngunit siya ang nakitilan ng buhay.

Gulat na gulat ang pamilya ni Thelma ng ibalita sa kanila ang pagkamat*y ng dalaga lalo na ang kaniyang inang si Aling Myrna. Dito ay nalaman nila ang lahat ng hirap na pinagdaanan ng dalaga.

Sising-sisi si Aling Myrna sapagkat siya ang naghatid sa sariling anak sa huling hantungan nito. Ngunit kahit anong iyak ng ginang ay hindi na maibabalik pa ang buhay ng kaniyang panganay na anak na ang tanging nais lamang ay mabigyan sila ng magandang buhay.

Dahil sa pagkawala ng anak, nagsikap na si Aling Myrna na magtrabaho upang matustusan ang sariling pamilya. Palagi rin nilang isinasama sa kanilang mga panalangin ang namayapang kaluluwa ng pinakamamahal nilang si Thelma.

Advertisement