Inday TrendingInday Trending
Ganda at Kabataan ni Misis, Hindi na Raw Kaya Pang Sabayan ni Mister

Ganda at Kabataan ni Misis, Hindi na Raw Kaya Pang Sabayan ni Mister

“Hanggang kailan mo ba ako iipitin sa problema niyong mag-asawa? Hanggang kailan mo ba ako gagamiting panakip butas? Parang kulang na lang pakasalan niyo rin akong dalawa sa ilang beses mo nang pag gamit sa pangalan ko, e!” inis na sabi ni Jenny sa kaniyang kaibigang si Patricia.

“Ito naman! Alam mo naman na ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ng asawa ko. Kapag ikaw ang idinahilan ko ay hindi na iyon magtatanong pa. Kaya sige na, importante lang ang araw na ito,” paki-usap naman muli ni Patricia sa kaibigan.

“Kaibigan mo ba talaga ako o ginagamit mo na lang ako para riyan sa mga kalokohan mo? Hindi ka ba naaawa sa asawa mo? Ang bait-bait nung tao tapos ginag*go mo lang. Kailan ka ba titigil sa panlalalaki mo?” baling muli ni Jenny sa kaniya.

“Alam mo panira ka talaga ng mood! Hindi pa ba sapat na hindi kami naghihiwalay kahit na hindi na ako masaya? Hindi mo kasi alam ang pakiramdam na may gurang na asawa!” giit naman ni Patricia sa kaniya.

“Matagal nang walang nangyayari sa amin. Tapos, a, basta! Hindi na masaya, wala nang kuryente, wala nang sigla. Puro na lang anak, bahay, pera, problema at paulit-ulit. Aaksayahin ko ba ang kabataan ko para lang sa ganun? Ilang taon palang ba tayo, Jenny? Kwarenta pa lang tayo at may kasabihan nga na “Life starts at 40” kaya naman ganito ang nararamdaman ko. Mabuti ikaw, kaunti lang ang agwat ng edad niyo ng asawa mo kaya siguro masaya ka pa. E ako? Paano ang kasiyahan ko?! Ang kabataan ko?!” dagdag pa ni Patricia.

“Alam mo, ito na ang pagtatapos ng pagtulong ko sa’yo. Habang pinapakinggan kita, pakiramdam ko’y niloloko ko pati asawa ko,” sagot ni Jenny.

“Sino ba ang kating-kati nang pakasalan ‘yang asawa mo kahit na dalawang dekada ang agwat niyo, hindi ba ikaw? Ilang beses ka namin pinigilan noon pero sabi mo, mahal na mahal mo siya. Hindi mo ba naisip na darating ‘yung ganitong araw at dapat mas naging handa ka. Mas naging handa ka na maging matapat sa kaniya. At isa pa, sa tingin mo ba makakapagwaldas ka ng ganyan kung hindi nagtrabahong maiigi ang asawa mo? Anong kasalanan niya sa’yo para lokohin mo siya? Kasalanan ba ang tumanda at magka-edad? Kasalanan ba ang mahinang tuhod para maghanap ka ng mas malakas? Gumising ka nga, Patricia! Walang kasalanan ang asawa mo sa’yo para iputan mo siya ng ganyan sa ulo,” dagdag pa ni Jenny.

“Napaka! Hay naku, aalis na ako. Hindi na kita iistorbohin kahit kailan, diyan ka na! Ang dami mong sinabi,” galit naman na bulyaw rin ni Patricia saka siya umalis.

Matagal nang magkaibigan ang dalawa at alam lahat ni Jenny ang mga kalokohan ni Patricia sa buhay ngunit ngayon lamang siya pinagsabihan ng kaibigan patungkol sa panlalalaki nito.

“Nandito na ako,” wika ni Patricia nang umuwi siya sa kanilang bahay. Walang sumagot o sumalubong sa kaniya kaya naman nagtaka ang babae at dali-dali niyang nilibot ang kanilang bahay upang hanapin ang kaniyang pamilya. Napahinto na lamang siya nang makita ang usok mula sa likod ng kanilang bahay at nakita niya ang mga ito.

Masayang nagtatawanan ang kaniyang tatlong anak kasama ng kaniyang asawa habang nag-iihaw ng karne sa kanilang maliit na hardin sa likod.

“O, mama! Buti nandito ka. Hindi ka ba aalis ngayon? Tara, bonding naman tayo!” yaya sa kaniya ni Irene, ang bunso nilang anak.

Malaking ngiti naman ang binigay sa kaniya ni Ramil, ang mister ng babae. Parang may kung anong kurot siyang naramdaman sa kaniyang puso at bumalik sa kaniyang pandinig ang mga sinabi ni Patricia. .

“Ano nga bang kasalanan mo at bakit kita nagagawang lokohin ng ganito?” tanong niya sa sarili habang nakatitig pa rin sa kaniyang pamilya sabay punas ng luha sa kaniyang mga mata.

“Wala siyang kasalanan at wala siyang pagkukulang para sirain ko ang pamilya ito. Ayusin mo ang sarili mo, Patricia,” wika niyang muli sa sarili saka pumunta diretso kay Ramil at niyakap ito.

“Ayun naman, napakalambing pa rin ng mga magulang ko. Baka naman magkaroon pa kami ng kapatid niyan!” asar naman ni Romel, panganay nilang anak.

“Salamat dahil minahal mo ako ng ganito,” bulong ni Ramil sa kaniya at mas lalo pa siyang naluha.

Ngayon luminaw ang mga katagang binitiwan ni Jenny sa kaniya kanina. Tama nga ang kaniyang kaibigan, walang mali at walang kasalanan si Ramil para lokohin niya ng ganito. Dahil ang totoo, siya ang hindi marunong makuntento sa buhay, siya ang may pagkukulang at higit sa lahat siya ang laging wala para makumpleto ang kaniyang pamilya.

Simula noon ay hindi na muling nanlalaki pa si Patricia. Mas natanggap na niya ngayon ang kung ano mang pagkukulang ng agwat ng kanilang edad at mas pinupuno na lamang niya ito ng pagmamahal. Araw-araw niyang ipinagpapasalamat sa Diyos ang pagkakaroon niya ng buong pamilya. Hindi man daw siguro perpekto sa lahat ng aspeto ay alam naman niyang punong-puno ito ng pagmamahal.

Nawa’y palagi nating maalala na ang pag-aasawa ay hindi lamang sa tawag ng laman makukumpleto dahil darating ang araw na mawawala ang lahat ng kuryente, lahat ng lakas at lahat ng kabataan pero hindi ang pamilyang binuo ng maayos. Ang mga anak ay makakapamilya pagdating ng araw ngunit ang asawa ay makakasama natin hanggang sa pagtanda. Kaya mahalin natin ang ating kabiyak, kabayan.

Advertisement