Minaltrato at Itinuring na Masahol Pa sa Hayop ang Bata; Binalikan Nito ang mga Taong Nang-api sa Kaniya Nang Bigla Itong Yumaman
Sampung taon nang nagsisilbi ang ina ni Lenna sa pamilya Sanchez, isang matapobreng pamilya sa lungsod kung saan sila nakatira.
Pilit na tinitiis lamang ng ale ang pang-aalipusta na ginagawa ng pamilya dahil baon sila sa utang roon. Siya na lamang kasi ang kumakayod para sa anak mula nang iwan sila ng ama nito at sumama sa isang dancer sa beer house.
Stay-in ang ale doon kasama ang anak, kaya’t hindi man naisin, maging ang musmos na si Lenna ay nakatikim ng kasamaan ng ugali mula sa pamilya.
“Hoy Salve! Pagsabihan mo nga itong anak mong si Lenna na wag papakialaman ang laruan ng mga anak ko! Baka kung anong sakit pa ang mapulot ng mga bata mula riyan sa lintik na batang iyan,” sigaw ng among babae.
“Pasensiya na po ma’am.. hindi na po mauulit,” tugon naman ng ina ni Lenna.
“Palibhasa kasi no read, no write ka kaya simpleng manners lang ‘di mo pa maituro sa anak mo!” dagdag pa ng among babae.
Yumuko na lamang si Salve at hindi na kumibo pa. Wala naman rin siyang magagawa, dahil hindi rin sila makakaalis sa laki ng pagkakautang.
“Lenna, anak, ‘wag mo nang uulitin na kunin ang kahit anong laruan o gamit ng mga anak ng amo ko ha? Para hindi na tayo napapagalitan,” malumanay na sabi ng ginang.
“Pero nanay, sila po kasi yung nagbigay sa akin noong laruan tapos bigla po akong isinumbong sa mommy nila na kinuha ko raw po,” malungkot na sagot naman ni Lenna na nasa pitong taong gulang pa lamang noon.
“O basta anak, ‘wag ka nang tatanggap ng kahit anong laruan ng walang matandang nakakakita ha? Naiintindihan mo ba si nanay?”
“O-opo nay…” malungkot na tugon ng bata.
Niyakap ng ginang ang kanyang anak dahil sa labis na awang nadarama. Kung mayaman lamang din sila, mabibilhan niya ng mga laruan ang minamahal na anak.
Isang araw, lumapit ang magkapatid na Betty at Migo Sanchez kay Lenna, labing dalawang taon si Migo at siyam naman si Betty. Tinakam nila ng masarap tsokolate ang bata.
“Tingnan mo ‘to kuya o! Napakasarap nitong imported na tsokolateng inuwi sa’tin ni daddy,” pang-iinggit ni Betty na papikit-pikit pa habang nginunguya ang masarap na pagkain.
“Siya nga, Betty? Tikman ko nga rin!” kumain ang batang lalaki at saka tumingin kay Lenna, tulad ng ginawa ng nakababatang kapatid, pumikit-pikit ito at saka ninamnam ang tsokolate.
Halos maglaway naman ang batang si Lenna sa nakikita. Kaya’t nang makita ito ng magkapatid, lalo pa nilang pinasabik ang kawawang bata.
“Gusto mo rin ba, Lenna?” tanong ni Migo.
Tumango-tango naman ang bata. Nagkatinginan ang magkapatid at saka tumawa.
Kinuha ni Betty ang maruming pakainan ng aso at saka ibinuhos doon ang natitirang kapirasong tsokolate.
“Iyan na, Lenna! Kainin mo na yung tsokolate, gusto mo ‘yan hindi ba?” at saka nagtawanan ang magkapatid.
Dadamputin na sana ng bata ang tsokolate sa maduming pakainan ng aso, ngunit pinigilan ito ng magkapatid. Hindi raw maaring kainin ni Lenna ang tsokolate ng pakamay. Kaya’t sapilitang kinain ni Lenna ang tsokolate gamit lamang ang kaniyang bibig, katulad kung paano kanin ng aso ang pagkain sa pakainan nito.
Nakita ito ng ina ni Lenna na labis nitong ikinagulat. Awang-awa ang ginang sa anak dahil parang hayop ito kung ituring.
Isinumbong ni Salve sa amo ang ginawang ito ng magkapatid, ngunit imbes na pagalitan ang mga anak, ang ale pa ang sinigawan at pinagsabihan ng mag-asawa.
Hindi doon natapos ang pang-aalipusta ng pamilya Sanchez sa mag-ina. Ikinulong ng among babae si Lenna sa kulungan nang aso dahil kinain daw nito ang meryenda na para sana sa anak nito.
Isang araw, bigla na lamang pinagdiskitahan ang buhok ng kawawang si Lenna, uka-uka ang buhok nitong lumapit habang umiiyak sa ina.
“Anong nangyari, anak?” awang-awa na tanong ni Salve.
“Sabi po kasi ni Betty, hahawaan ko raw po siya ng kuto kaya ginupit po nila ng mommy niya ang buhok ko at saka tumawa,” lumuluhang sabi ni Lenna.
Hinalikan lamang sa noo ng ginang ang kaniyang anak at saka kumuha ng gunting upang ayusin na lamang ang buhok ng anak.
Isang araw, pauwi si Salve noon galing sa pamimili sa palengke nang marinig niya ang pamilyar na boses na umiiyak nang malakas. Nagmadali siyang tumakbo papasok ng gate upang matiyak kung tama nga siya.
“Lenna, anak!” sigaw ni Salve. Nabitawan nito ang mga dala-dala at nagmadaling tumakbo.
“Nanay!” sigaw ng bata.
“Diyos ko ang anak ko!” umiiyak na sabi ng ginang.
Nakita niyang nakakadena ang leeg ng anak at nakagapos na parang aso habang nakabilad sa initan. Parusa daw ito dahil nabasag nito ang mamahaling baso ng among lalaki ni Salve.
Hindi na natiis pa ng ginang ang labis na pangmamaltrato sa anak. Kaya’t nagpaalam siya sa pamilya na iuuwi muna ang musmos na si Lenna sa kanilang probinsya. Paraan na rin ito para hindi na masaktan pa ang anak.
Pumayag ang mag-asawa at pinauwi nga muna ang mag-nanay. Sa mga lolo at lola iniwan si Lenna upang doon ay lumaki sa tahanan na puno ng pagmamahal.
Masakit man kay Salve, kailangan niyang iwanan ang anak upang bunuin pa ang ilang taong utang na paninilbihan sa pamilya.
Lumipas ang isa, dalawa, tatlo hanggang walong taon na nagsilbi si Salve. Nabayaran na ang kaniyang mga utang at nakaipon ng sapat para pagkokolehiyo ni Lenna.
Umuwi si Salve na payat na payat at pipilay-pilay. Minabuti niyang hindi na lamang sabihin ang tunay na rason sa kanyang anak upang ‘di na ito masaktan pa. Pero ang dahilan ng pagkapilay niya ay ang pananakit ni Migo pag ito’y umuuwi ng lasing.
“Pangako, ‘nay, ako naman ang babawi sa inyo. Mag-aaral ako ng mabuti para maiahon ko kayo sa hirap,” saad ni Lenna habang nakayakap sa ina.
Pumasok si Lenna sa isang pampublikong unibersidad. Namasukan din siyang crew sa isang kilalang fast food restaurant. Doble-kayod ang kaniyang ginawa.
Matalino si Lenna na ganap nang dalaga noon, kaya iskolar rin siya ng unibersidad. Lumaban sa iba’t ibang patimpalak na nag-uwi ng mga ginto at pilak na parangal. Hanggang sa dumating ang araw na nakatapos siya.
Lumipad si Lenna patungong Australia at doon nagtrabaho ng mahigit sampung taon. Bumalik siya sa Pilipinas upang magbakasyon at tingnan ang mga nabiling lupain rito para sa ina.
Habang nasa sasakyan. Inilibot ni Lenna ang kanyang paningin. Habang binabagtas ang daanan, tila ba nagbalik ang memorya ng kaniyang kabataan noon. Simula sa masasaya pati na ang malulungkot at masasakit niyang karanasan noon.
“Eto na po ang nabili ninyong mansyon ma’am,” sabi ng katiwala nila Lenna.
Pumasok siya at huminga ng malalim. “Ang laki na ng pinagbago rito..”
Nakatingin si Lenna sa lumang mansyon kung saan nanilbihan ang kaniyang ina ng mahabang panahon. Binili niya ito at iniregalo sa kaniyang ina.
Nang pumanaw kasi ang among lalaki noon ni Salve, bumagsak ang negosyo ng pamilya. Nalulong sa masamang bisyo si Migo at nakakulong, iniwan ng asawa si Betty at nagkaroon ng matinding karamdaman naman ang ina ng mga ito.
Nang umikot ang gulong ng kapalaran, ibinagsak ang mga noong matapobre at iniangat ang mga pinagkaitan.
Pinatunton ni Lenna ang kinaroroonan nila Betty. Sa isang lugar na mala-iskwater nila nakitang naglalabada si Betty. Ibang-iba na ito. Bakas sa balat at mukha ang matinding kahirapan.
Dahan-dahang lumakad si Lenna at saka tinapik ang balikat ni Betty.
Nanlaki ang mga mata ni Betty san akita. “L-Lenna? Ikaw na ba ‘yan?”
“Kumusta na, Betty? Ang dami na palang nagbago rito…” tugon ni Lenna na pinipigilan ang mga luha sa pagbagsak.
Naghalo-halong galit, lungkot at awa ang naramdaman ni Lenna, ngunit mas nanaig ang kabutihan sa kaniyang puso.
Lumapit si Betty at saka lumuhod sa harapan ni Lenna, halos halikan na nga nito ang paa ng babae dahil sa sobrang baba ng pagkakaluhod.
“Lenna…” tuloy-tuloy sa pagpatak ang luha ni Betty. “Patawarin mo sana ako sa mga nagawa ko noon sa’yo. Ang tagal kong inintay na muli kang makita at humingi ng tawad sa’yo.
Pinagbayaran na namin ng doble-doble ang lahat ng maling nagawa namin. Patawad, Lenna…” saad ni Betty.
“Tumayo ka na riyan.. hindi ako naparito upang singilin kayo. Narito ako upang tulungan kayo. Halika at sumama sa akin!” umiiyak na rin na sagot ni Lenna.
Sa isang simpleng bahay, dinala ni Lenna si Betty, ang ina nito at ang tatlong anak ni Betty sa nang-iwan na asawa.
“Regalo ko na sa inyo ang bahay na ‘to. Upang magkaroon kayo ng komportableng tirahan. Sagot ko na rin ang pag-aaral ng mga anak mo hanggang sa makaipon ka ng pera. Sasagutin ko na rin ang pagpapagamot ng mommy mo, Betty.
Eto lamang ang maitutulong ko sa pamilya mo. Tanging kabutihan na lamang ang aking igaganti sa masasakit na pinagdaanan namin noon ng aking nanay. Upang maibaon ko na rin sa limot ang lahat…” pahayag ni Lenna.
“Lenna… naging masama kami sa iyo noon, pero grabeng kabaitan ang ipinakita mo. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala… salamat Lenna… salamat… pagpalain ka pa nawa ng Diyos,” mangiyak-ngiyak na pagpapasalamat ni Betty.
Niyakap ni Lenna si Betty at nagpaalam. Naikuha din ni Lenna ng maayos na trabaho si Betty upang makatulong pa rito.
Nakaupo si Lenna sa may mansyon habang umiinom ng mainit na kape. Huminga siya ng malalim at saka ngumiti. Naging mapait ang kanyang pinagdaanan, pero dobleng pagpapala ang ibinalik sa kanya ng Diyos.
Naging mabuti pa rin si Lenna at mapagpakumbaba kahit na napakarami nang narating sa buhay.
Panibagong pagpapala pa ang nabuksan nang makapagpatayo siya ng malaking bigasan at grocery store na para sa kaniyang ina.
Huling balik na niya sa Australia upang magpakasal doon. Sa kaniyang retirement sa nalalapit na hinaharap, balak niyang manatili na sa Pilipinas at dito na manirahan kasama ng pamilya.
Sa buhay natin ito, ugaliin nating maging magpakumbaba, dahil sa pag-ikot ng mundo, ang mga taong pilit na ibinababa noon ang sila pa palang itataas at lubos na pagpapalain sa hinaharap.