Inday TrendingInday Trending
Ginoong Matipid Sa Sarili

Ginoong Matipid Sa Sarili

“Alis na ako, mahal, ha? Mahuhuli na ako sa klase ko, eh!” natatarantang paalam ni Emilio sa kaniyang asawang abala sa pagluluto.

“Naku, teka, mag-almusal ka na muna!” sigaw nito habang inaayos ang kanilang maliit na hapag-kainan, “Ito o, nagluto ako ng sinangag, itlog at tuyo, at tirang mga kakanin, kumain ka na muna,” dagdag pa nito.

“Huwag na, ayos lang ako. Ipakain mo na lamang ‘yan sa mga bata,” nakangiti niyang sagot habang nagsusuot ng kaniyang medyas.

“Ang asawa ko talaga, o! Mayroon pa namang pagkain ang mga bata, pero sige, basta pangako mo kakain ka sa paaralan, ha? Huwag mong tipirin ang sarili mo! Saka sa sahod mo, umagaw ka kahit limang daan, ibili mo ng sapatos mo, malapit ka nang iwan niyan!” sambit nito sa kaniya dahilan upang bahagya niyang sipatin ang lumang sapatos.

“Hindi na kailangan, mahal. Nagagamit pa naman, eh,” rason niya saka dali-dali itong sinuot.

“Hanggang kailan mo magagamit ‘yan? Eh, labas na ang nakalabas na ang swelas!” sabi pa ng kaniyang asawa saka siya unti-unting nilalapitan.

“Lalagyan ko na lang ng pandikit ito mamaya. Sige na, ikaw na’ng bahala sa mga bata, ha. Mahal kita!” paalam niya saka siya mabilis na tumakbo palabas upang hindi na humaba pa ang sermon ng kaniyang asawa.

Isang guro ang ginoong si Emilio. Bago pa man siya maging isang ganap na guro, nabuntis na niya ang kaniyang nobya sa kanilang panganay dahilan upang lalo siyang magpursigi sa buhay. Naging mahirap ang kanilang buhay kahit pa siya’y may trabaho na, hindi naman kasi biro ang gastusin lalo pa noong nasundan ang kanilang panganay.

Sa walong taong pagtuturo ng ginoo, wala siyang ibang inisip kundi matugunan ang kaniyang responsibilidad bilang isang padre de pamilya. Sa katunayan nga, madalas niyang nakakaligtaan ang sarili para lamang maibigay ang buhay na pinapangarap nilang mag-asawa noon.

Bukod pa dito, kilala ang ginoo bilang isa sa mga pinakamabait at magaling na magturong guro dahilan upang hangaan siya ng ilan sa kaniyang mga kapwa guro’t mga estudyante na labis namang ikinakataba ng kaniyang puso.

Noong araw na ‘yon, pagkarating niya sa eskwelahan, agad siyang nagtungo sa isang maliit na tindahan sa loob nito na nagtitinda ng mga school supplies. Bibili sana siya ng pandikit sa sapatos dahil napansin niyang ilang hakbang na lamang, lalabas na ang ilan sa mga daliri niya sa paa ngunit nang malaman niya ang presyo, bigla na lamang siyang napaurong.

“Ay, bente pesos po ang isa? Naku, huwag na po, pabili na lang po ako niyang nagpipisong tape, pwede na po ‘yan,” sabi niya saka siya agad na nagtungo sa palikuran upang dikitan ang kaniyang sapatos.

“Bente pesos? Eh, bente na nga lang ‘tong pera ko, eh, ayos na itong tape, hindi na lang ako gaanong maglalakad habang nagtuturo,” nakangiting sambit niya saka agad nang nagtungo sa kanilang silid.

Iika-ika siyang pumasok sa silid, agad namang nagsiayos ng upo ang kaniyang mga estudyante. Magsisimula na sana siyang magsalita nang bigla siyang kantahan ng mga ito.

“Maligayang bati! Malagayang bati!” sabay-sabay na awit ng mga ito saka siya binigyan ng isang pulang kahon.

“Kaarawan ko pala ngayon? Naku, nawala sa isip ko!” bulong niya sa sarili.

Agad naman siyang nagpasalamat sa mga estudyante nang matapos siyang kantahan ng mga ito.

“Sir! Buksan niyo na po! Pinag-ambagan namin ‘yan!” sigaw ng dalaga dahilan upang dahan-dahan na niyang buksan ang kahon sa kaniyang harapan. Halos mapaiyak siya nang tumambad sa kaniya ang isang pares ng sapatos, “Sobra po namin kayong hinahangaan, kitang-kitang ginagawa niyo ang lahat para sa amin at sa inyong pamilya, kaya bilang kapalit, ayan po ang simple naming regalo. Napansin po kasi naming nahihirapan na po kayo sa sapatos niyong malapit nang masira,” dagdag pa ng dalaga dahilan upang tuluyan nang bumagsak ang kaniyang luha.

Labis ang kaniyang pasasalamat sa mga ito. Sabi niya, “Tunay ngang kung wala kang inaasam kundi ang ikabubuti ng iyong pamilya’t trabaho, ang Diyos ang Siyang aagapay sa’yo,” saka niya muling pinunasan ang kaniyang luha.

Pagkauwi niya, bumungad sa kaniya ang isang simpleng hapag kainan na punong-puno ng masasarap na pagkain na pinalilibutan ng kaniyang masayang pamilya.

“Akala mo ba nakalimutan namin?” nakangising sabi ng kaniyang asawa.

“Maligayang kaarawan, papa!” sabay na sigaw ng kaniyang dalawang anak. Nakangiti niyang niyakap ang kaniyang pamilya saka sila sabay-sabay na kumain.

Simula noon, hindi na muling namroblema ang ginoo sa kaniyang sapin sa paa. Natuto na rin siyang pangalagaan ang sarili dahil katulad nang wika ng kaniyang asawa, “Ang sarili mo ang puhunan mo sa trabaho, huwag mong hayaang sukuan ka nito.”

Advertisement