Masayang kumakain ng hapunan ang pamilya Bediones. Espesyal ang mga pagkaing inihanda ni Victoria, 51 taong gulang, ang ilaw ng tahanan, dahil sa wakas ay nakatapos na rin ng pag-aaral sa kolehiyo ang bunsong anak nila ng asawang si Gregorio, 55 taong gulang, sa kursong Mechanical Engineering sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman.
Mga paboritong pagkain ni James, ang kanilang bunso, ang pawang mga inihanda ni Ursula. Turbo chicken, braised beef, carbonara, at blueberry cheesecake ang nasa hapag-kainan.
“Ano nang plano mo ngayon, bro?” tanong ng panganay na si Jacob, na tapos naman ng kursong Aviation, at wala pa ring asawa.
“Balak ko magpahinga muna saglit and magready for the board exam,” sagot ni James sa kaniyang kuya.
“Huwag ka muna mag-asawa ah? Baka pakasalan mo na si Celine, unahan mo pa kami ni Kuya Jacob,” kantiyaw naman ni Jinny, ang nag-iisang babae at pangalawa nina Victoria at Gregorio. Graduate naman ito ng Psychology, at gaya ni Jacob, single din ito.
Masayang-masaya namang tinititigan ni Victoria ang kaniyang mga anak. Sila ang tinuturing niyang mga tropeo. Ipinagmamalaki niya ang kaniyang mga anak na puro titulado.
“Mga anak… ngayong mga tapos na kayo ng pag-aaral, may gusto sana akong sabihin sa inyo…”
Napahinto sa pagkain sina Jacob, Jinny, at James at napatingin sa kanilang ina. Ngumiti naman si Victoria sa mga anak. Ginagap naman ni Gregorio ang kamay ng misis.
“Mga anak, gusto kong mag-aral ng college. Gustong ipagpatuloy ang naudlot kong pag-aaral.”
Nagkatinginan ang magkakapatid. Napatingin sila sa amang si Gregorio.
“Ma.. seryoso ka ba diyan? Hindi ba masyadong late na?” alangang tanong ni Jinny sa kanilang ina.
“Hindi pa naman huli ang lahat, anak. Ngayong tapos na kayo ng pag-aaral, gusto ko naman na ako ang ipagmalaki ninyo. Gusto kong magkaroon ng diploma. Hayaan ninyong gawin ko ito, para maipagmalaki ko ang sarili ko,” saad ni Victoria.
“Napag-usapan na namin ito ng Mama ninyo. As a matter of fact, nakapag-enrol na siya sa university,” nakangiting sabi ni Gregorio.
Namilog ang mga mata ng tatlong anak. Pagkaraan, nagpalakpakan sila. Tumayo sila at lumapit kay Victoria. Isa-isa silang yumakap dito.
“Eh Ma, anong kurso naman po ang kukunin ninyo?” tanong ni Jacob.
“Pangarap kong maging guro noon pa man mga anak. Gusto kong magturo sa maliliit na bata. High school graduate lamang ang Mama ninyo dahil kinailangan ko nang magbanat ng buto noon, dahil 12 kaming magkakapatid, at nam*tay pa nang maaga ang Lolo ninyo. Naudlot ang pangarap ko mga anak. At ngayong nakatapos na kayo’t may sari-sariling mga buhay na, hayaan ninyong gawin ko naman ang para sa sarili ko,” paliwanag ni Victoria.
“Oo naman Ma! We support you. Anuman po ang gusto ninyo, suportahan namin kayo,” sagot ni James.
“Salamat mga anak ko!” naluluhang sabi ni Victoria.
Sa unang araw ng pasukan, si Gregorio mismo ang naghatid sa asawa. Kabadong-kabado si Victoria. Sino bang mag-aakalang makababalik pa siya sa paaralan matapos ang napakahabang panahon?
Pagkapasok niya sa kaniyang classroom, napatigil sa pag-uusap ang mga kamag-aaral niya at nagsibalik sa kani-kanilang mga upuan. Dahil unang araw ng klase, pinapayagan pa ang pagsusuot ng kaswal na kasuotan.
“Hello prof, good morning po…” bati ng mga mag-aaral. Napatigil si Ursula. Maang na napatingin sa mga kaklase.
“Sorry, hindi ako ang prof ninyo,” sagot ni Victoria.
“Mam, baka naligaw po kayo ng klase…” sabat naman ng isa.
“First year section 25 ito hindi ba?” tanong ni Ursula. Umoo naman ang buong klase. Ngumiti si Ursula at umupo sa isa sa mga upuan, sa likod ng silid. Natahimik naman ang buong klase. May ilang nagkatinginan. May ilang mga nagsesenyasang pigilan ang tawa. Ang inakalang propesor nila, kaklase pala nila!
At dumating na rin ang kanilang propesor sa unang asignatura. Sa tantiya ni Ursula, kaedad lamang ito ng kaniyang panganay na si Jacob.
“Ok class, let’s get to know each other. Isa-isa. State your name, age, and a short background about yourself,” utos ng propesor. Isa-isang nagpakilala ang lahat. Dahil nasa bandang dulo si Ursula, siya ang pinakahuling nagpakilala.
Medyo nahihiya pa si Ursula sapagkat lahat ng mata ay nasa kaniya. “I’m Victoria Bediones, 51 years old, a mother of three. Nagulat ba kayo? Akala ninyo prof ninyo ako ‘no?” pagbibiro ni Victoria.
Tumawa naman ang klase at maging ang kanilang propesor. Nawala ang kaba ni Victoria.
“Marahil nagtataka kayo, despite my age, narito ako at nag-aaral pa. Well, pang-teleserye ang buhay ko kaya hindi ko na idedetalye. Pero gusto kong sabihin sa inyo, wala namang edad sa pangangarap. Hindi ako humihinto sa aking ambisyon na maging guro sa hinaharap, kagaya ninyo. Puwede ninyo akong maging nanay.”
Hindi makapaniwala si Victoria nang palakpakan siya ng kaniyang mga kaklase. Simula noon, lagi na siyang kinakausap ng kaniyang mga kaklase. Tinawag siyang “Mommy V” ng kaniyang mga kaklase. Naging pangulo rin siya ng klase. Sa kaniya tumatakbo ang mga kaklase kapag kailangan nila ng payo sa pag-ibig, payo sa buhay, payo sa pag-aaral, at marami pang iba.
Nakuha ni Victoria ang mataas na paggalang ng kaniyang mga kaklase. Maging ang mga propesor niya ay humanga sa kaniya, lalo’t nagagawa niyang makipagsabayan sa mga kaklase niya.
Medyo hirap sa mga aralin si Victoria subalit nakaagapay naman sa kaniya ang mga anak. Nagpapaturo siya ng Math kay James, nagpapaturo siya ng English kay Jinny, at si Jacob naman ang nagbibigay sa kaniya ng baon at panggastos pampaaralan. At siyempre, hatid-sundo siya ng asawa.
Makalipas ang apat na taon, natapos din ni Victoria ang kaniyang kursong Edukasyon. Hindi lamang basta natapos, kundi siya rin ay may karangalang Cum Laude. Masayang-masaya ang buong pamilya sa kaniyang panibagong tagumpay. Bagay na bagay sa kaniya ang pangalan.
“Anong balak mo ngayon, Ma?” tanong ni Jacob, na malapit nang ikasal sa kaniyang nobya. “Balak kong mag-take ng board exam. Pagkatapos, magtatayo ako ng sariling pre-school,” sagot ni Victoria.
Matapos nga ang ilang buwan at nakapasa na rin si Victoria sa BLEPT o Board Licensure Exam for Professional Teachers. Gamit ang ipon nilang mag-asawa, nagtayo sila ng maliit na pre-school sa bukana ng kanilang bakuran, na naging matagumpay naman dahil marami ang naging enrollees, na karamihan ay nakatira sa kanilang subdivision at kalapit nito. Pinatunayan ni Victoria na walang pinipiling edad ang pangangarap.