Inday TrendingInday Trending
Maruming Palad, Malinis Na Kalooban

Maruming Palad, Malinis Na Kalooban

Nasa kalagitnaan ng pagkain si Joshua dahil breaktime nila. Nasa isa siyang karinderya, malapit sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Suki na siya roon dahil masarap naman ang mga pagkain at pasok pa sa kaniyang budget.

Nang mapatingin siya sa labas ng naturang karinderya ay isang binatilyong basurero ang nakita niyang nakatanghod sa hanay ng mga ulam. Nang mapansin nitong nakatingin siya ay dali-daling nag-iwas ng tingin ang naturang binatilyo at muling bumalik mula sa pangangaykay ng basura sa labas ng kainan.

Matapos kumain ay nagbayad na si Joshua at minabuting bumalik na agad sa kaniyang trabaho. Walking distance lang naman iyon sa lugar kayaʼt mabilis niya iyong natunton.

Lumipas ang buong araw at sa wakas ay uwian na! Isa na namang nakakapagod na araw ang natapos ni Joshua.

Isinukbit niya ang kaniyang bag at nag-abang na ng sasakyan sa tapat. Handa na sana siya noong pumara ng jeep nang hindi niya makapa ang pitaka niya sa bulsa…

“Hala! Nasaan ʼyon?” Napakamot siya sa ulo.

Hinalughog na ni Joshua ang kaniyang bag, ang locker, ang kaniyang mga bulsa ngunit wala pa rin ang kaniyang pitaka. Kahit sa CR ng building ng kanilang opisina ay wala rin! Madilim na sa labas nang muli siyang lumabas ng building.

Doon niya biglang naalala ang karinderyang kinainan niya kanina!

“Wala na siguro iyon doon. Baka nakuha na iyon ng kung sino!” naiinis niyang anas sa sarili. Pagkatapos ay bigla niya ring naalala ang binatilyong pulubing aali-aligid sa naturang karinderya kanina! Lalo tuloy siyang nawalan ng pag-asang muli pang makikita ang wallet niya.

Nanlulumo si Joshua. Naroon ang isang buwang sahod niya dahil kahapon lamang niya iyong natanggap. Saan siya ngayon kukuha ng budget, gayong sa isang buwan pang muli ang sahod niya? Due date na pa naman ng kanilang bills sa bahay!

Nagpasiya si Joshua na puntahan pa rin ang karinderya at magbakasakaling makikita pa roon ang kaniyang pitaka, kahit na talagang imposible na nga. Mabigat ang mga hakbang niya habang naglalakad. Bagsak din ang kaniyang mga balikat at nakayuko siya sa sementadong daan.

“Ser!”

Isang tawag ang nagpaangat sa mukha niya.

Nakilala ni Joshua ang binatilyong pulubi. Ito ang tumawag sa kaniya. Nasa tapat ito ng sarado na ngayong karinderya at mukhang nabuhayan nang makita siya.

Biglang nagtaka si Joshua kaya nilapitan niya ito.

“Toy, bakit?” tanong niya.

“Hindi po ba at kayo ang may-ari ng pitakang ito?” Itinaas nito ang palad na siyang may hawak sa pitaka niya. Nanlaki ang mga mata ni Joshua!

“Nahulog po kasi iyan sa bulsa ninyo nang mapadaan kayo sa tapat ko. Sinubukan ko po kayong tawagin kaya lang, hindi nʼyo na po ako narinig, e.”

Hindi makapaniwala si Joshua sa sinabi ng binatilyo. “Ibig sabihin, ilang oras mo akong hinintay na bumalik dito para lang isauli itong pitaka ko?”

Tumango ang binatilyong pulubi sa kaniya at muling iniabot ang pitaka niya gamit ang maruruming kamay nito…

“Maraming-maraming salamat, ‘toy!” Halos yakapin na ni Joshua ang binatilyo.

Nang maiabot na nito sa kaniya ang pitaka ay nagpaalam na agad itong aalis, dahil hahabulin pa raw nito ang oras ng pagsasara ng junkshop. Magbebenta pa raw ito ng kalakal.

“Teka, sandali, ‘toy!” pigil ni Joshua rito. “Ako na ang bahala sa kita mo ngayong araw. Samahan mo na lang muna akong kumain ng hapunan,” ang nakangiti pang dagdag ni Joshua sabay akbay sa binatilyo.

“Naku, wag na po—” akma sana itong tatanggi.

“Hep! Bawal tumanggi. Basta, ako ang bahala sa ʼyo, ‘toy. Mabuti kang bata. Pasensiya ka na dahil hindi ganoon ang iniisip ko sa ʼyo kanina.”

Ganoon na nga ang nangyari. Inilibre ng pagkain ni Joshua ang binatilyo, pagkatapos ay inabutan pa ito ng cash, bilang pabuya at pakonsuwelo sa kabutihang ipinakita nito.

Talaga nga kasing naantig ang kaniyang puso sa ginawa nito para sa kaniya. Ngayon siya naniwala na hindi lahat ng kabataan sa panahong ito ay matitigas ang ulo, dahil mayroon pa ring katulad ng binatilyong ito na naturuan ng magandang asal ng kaniyang mga magulang sa kabila ng natatamasa nilang kahirapan.

Ibinahagi ni Joshua ang kuwento ng binatilyo sa kaniyang mga katrabaho, at dahil doon, marami sa mga ito ang nagpasiyang magtulong-tulong upang makabalik ito sa pag-aaral.

Ang maganda pa roon ay nabalitaan ito ng kanilang boss kayaʼt nag-offer din ito ng malaking tulong pinansyal sa buong pamilya nito!

Tunay ngang marumi ang mga kamay ng binatilyo dahil sa hanapbuhay nito. Ngunit napakalinis naman ng kaniyang kalooban at iyon ang mas mahalaga.

Advertisement