Inday TrendingInday Trending
Pilit na Nakipagkilala ang Lalaki sa Babaeng Nakasabayan Lamang sa Pagbili ng Fishball sa Kalsada; Sila na nga Ba ang Itinadhana Para sa Isa’t Isa?

Pilit na Nakipagkilala ang Lalaki sa Babaeng Nakasabayan Lamang sa Pagbili ng Fishball sa Kalsada; Sila na nga Ba ang Itinadhana Para sa Isa’t Isa?

“Miss… sige na… hindi naman ako masamang tao eh. Gusto lang kitang makilala. Gusto ko lang makipagkilala.”

Tinitigan lamang ni Mia ang makulit na lalaking si Efren na nakasabayan niya lamang bumili ng fishball sa daan. Hindi na siya tinantanan nito.

“Sige na miss…”

Hindi na nakapagtimpi pa si Mia.

“Hindi ka ba tinuruan ng mga magulang mo noong bata ka? Ako kasi sabi ng nanay ko huwag daw makikipag-usap sa mga estranghero eh, sa mga taong hindi kilala. Puwede ba kuya, baka hindi kita matantiya at tatawag na ako ng pulis. Harassment na itong ginagawa mo eh,” sagot ni Mia.

“Pero kinausap mo na ako ngayon kaya binabali mo na ang paalala ng nanay mo. Ako nga pala si Efren, 27, single. Ikaw?”

“Makulit ka talaga ‘no?” iritang sabi ni Mia. Kung tutuusin, guwapo naman ang nagpapakilalang binata. Kaya lang, wala talaga siya sa mood makipagharutan ngayon.

“Sige na miss, minsan ko lang gawin ito. Nabihag mo kasi ang mga mata ko. Nabihag mo kasi ang puso ko.”

“Ang corny mo, kuya ha. Dahil diyan, lalong hindi ako magpapakilala sa iyo,” saad ni Mia habang pinapara ang papadaang pampasaherong dyip.

“Ano palang pangalan mo, ilang taon ka na, at anong trabaho mo…”

“Nagbebenta ako…” saad ni Mia.

“Tindera ka?”

“Hindi. Nagbebenta ako ng aliw. Okay na? Bye!”

At doon na natapos na ang kanilang pag-uusap. Nakasakay na si Mia ng dyip. Tila nabigla naman si Efren sa naging sagot ng babae.

“Hay salamat, tinigilan din ako.”

Nakahinga nang maluwag si Mia nang makatakas siya sa naturang lalaki. Hindi naman sa ayaw niyang makipagkilala. Hindi lamang niya prayoridad ang pagkakaroon ng jowa sa ngayon. Kailangang ituon niya ang sarili sa pagkayod para sa kaniyang pamilya.

Bilang isang tagabenta ng aliw sa comedy bar. Isa siyang entertainer.

Nang gabing iyon, maraming napasaya si Mia sa kaniyang mga hirit sa entablado. Masayang-masaya siya dahil dagsa ang kanilang mga parukyano. Tawang-tawa sila sa mga hirit ni Mia, na kung gaano kahinhin sa personal, ay siya namang kaingay at kuwela sa kaniyang pagpapatawa.

“Hoy girl, may customer tayo kanina na mukhang betsung ka. Actually hinihintay ka niya ngayon, gusto ka raw makausap. Hindi raw siya aalis hangga’t hindi ka niya nakakaharap,” sabi sa kaniya ni LaBelle, ang kaniyang katambal na beki sa entablado.

“Ha? Sino naman ‘yan?”

“Basta, babain mo na. May feslak naman kaya hindi ka mababanas. Gora na!”

Pagkababa ni Mia, gayon na lamang ang gulat niya nang makita ang lalaking umano’y naghihintay sa kaniya.

Walang iba kundi ang lalaking sunod nang sunod sa kaniya na si Efren!

“Hi… tanda mo pa ba ako? Ako si Efren. Ako yung gustong makipagkilala sa iyo kahapon. Ako yung makulit,” nakangiting sabi nito habang kumakamot-kamot sa batok.

“Ikaw na naman? Grabe ka talaga ah. Paano mo ko nasundan dito?” tanong ni Mia.

“Sinundan kita. Sumakay ako sa isang paparating na dyip. Tapos nakita kitang dumaan yata rito. Dito ka pala nagtatrabaho. Nagbebenta ka nga ng aliw. Literal. Tawang-tawa ako sa mga hirit mo kanina sa entablado. Gusto lang talaga kitang makilala. Kamukhang-kamukha mo kasi ang nanay ko,” paliwanag ni Efren.

“Ganoon? Huwag mong sabihing ikaw ang nawawala kong anak?” biro ni Mia na nakapagpatawa kay Efren.

“Oo yata. Puwede ba kitang tawaging Mommy?” nakangiti namang pagsakay ni Efren sa banat na biro ni Mia.

Natawa si Mia.

“O baka naman ikaw ang nanay ng mga magiging anak ko,” dagdag na biro pa ni Efren

Hindi na nagawa pang pigilan ni Mia ang kaniyang pagngiti at paghalakhak. Bumenta sa kaniya ang mga patawa ng binata.

At doon na nagsimula ang kanilang pagkakaibigan patungong pagkaka-ibigan.

Talagang nagtiyaga si Efren na gabi-gabing puntahan ang comedy bar pagkagaling sa trabaho, para lamang mapanood si Mia. Hihintayin niyang matapos ang trabaho ni Mia, pagkatapos ay sabay silang kakain. Hindi nakapagtatakang unti-unti na ngang nahulog ang kalooban ni Mia sa kaniya.

Walang ligawang naganap. Naging magkasintahan sila.

“Marami akong bagahe, Efren. Umaasa sa akin ang mga mahal ko sa buhay. Baka layuan mo ako,” paalala ni Mia sa nobyo.

Ginagap ni Efren ang mga kamay ni Mia.

“Tutulungan kitang pasanin ang mga bagahe mo.”

Hanggang sa magpakasal na nga ang dalawa, at nalaman ni Mia na mayaman pala talaga si Efren. Naging katuwang niya ito sa pagtulong sa kaniyang pamilya, kahit hindi naman nito kailangang gawin. Tutal naman daw ay wala naman siyang ibang kaanak, mas mabuti na lamang daw na tulungan niya ang kaniyang mahal.

Hindi naglaon, nagkaroon na rin sila ng mga supling, at namuhay nang simple at payapa.

Advertisement