Bata pa Lamang ay Takam na Takam na ang Lalaki sa Donut Ngunit Dahil sa Hirap ng Buhay ay ‘Di Siya Makabili; Paano Niya Ito Gagamitin Upang Makaahon sa Kahirapan?
Simple lang ang pangarap ni Estong: makakain ng espesyal na doughnut.
Sa tuwing mapaparaan siya sa tapat ng bagong bukas na tindahan ng mamahaling doughnut, hindi niya mapigilan ang kaniyang sarili na mapahinto at amoy-amoyin ang mabangong aroma nito. Nanunuot sa kaniyang ilong pababa sa kaniyang puso at sikmura ang matamis na amoy ng doughnut na gawa sa tsokolate, at iba pang talaga namang katakam-takam.
Subalit sa tuwing kakapain niya ang kaniyang bulsa, bumabalik siya sa reyalidad na hindi sapat ang kaniyang perang baon para makabili man lamang ng kahit isang pirasong doughnut. Ang isang piraso nito ay 13 piso.
Hindi sasapat ang kaniyang pera kapag bumili siya nito. Magagalit ang kaniyang Tiyo Delfin kapag binawasan niya ang perang nauuwi niya sa pagbebenta ng mga kakanin. Bilang na bilang nito ang bawat piso. Binibigyan lamang siya ng pera, na wala minsan ay 5 piso lamang, kapag medyo natuwa ito at hindi natalo sa sugal.
“Dito ka naman kumakain sa amin, bakit kailangan kang bigyan ng pera? Ang takaw-takaw mo nga,” madalas ay sinasabi nito sa kaniya, kapag nagtatangka siyang manghingi ng ekstrang pera upang may maipambili naman siya ng gusto niya.
Sa tuwing matutulog si Estong sa gabi, nananalangin siya sa kaniyang mga magulang na nasa langit na, na sana ay sunduin na rin siya. Sa edad na 10 taong gulang na dapat sana ay naglalaro siya, masaya sa simpleng buhay, o kaya naman ay nag-aaral, heto’t maagang paghahanapbuhay at pagdurusa ang kaniyang tinatamasa.
Kung may mapupuntahan lamang siyang ibang kaanak, o kaya naman ay kung may ibang kakalinga sa kaniya, hindi niya pipiliin ang pagtiisang makipisan sa poder ng kaniyang tiyuhin, kasama ang kaniyang mga pinsan, na para bang alilang kanin ang turing sa kaniya.
Ipinangako niya sa sarili na magsusumikap siyang mabuti upang maiahon ang sarili sa kumunoy na kaniyang kinalalagyan.
Isang araw, sa pag-uwi ni Estong mula sa pagtitinda ng kakanin ay isang pamilyar na mabangong amoy ang dumaan at nanuot sa kaniyang ilong, nagpatibok nang mabilis sa kaniyang puso, at nagpakalam sa kaniyang sikmura. Amoy ng doughnut. Pagtingin niya sa mesa, hindi nga siya nagkamali. Bumili ng isang kahon ng doughnuts ang kaniyang tiyuhin. Anim na pirasong malalaking doughnuts.
Nilapitan niya ito. Samyo niya ang matamis na amoy. Naglalaway siya. Gutom na gutom na siya, at matagal na siyang nasasabik na makakain nito. Nagpalinga-linga siya. Dalawa na lamang pala ang natitira. Naisip niya, kanino kaya iyon?
Kukunin na sana niya ang isa nang sitahin siya ng kaniyang pinsan. Si Charles na 15 taong gulang.
“Hoy p*tay-gutom ka ha. Hindi sa iyo ‘yan, huwag kang kuha nang kuha. Papa oh, si Estong,” sumbong ni Charles sa kaniyang ama.
Lumabas naman ito mula sa kuwarto. “Bakit?”
“Si Estong kukunin sana doughnut ko, hindi nagpapaalam. P*tay-gutom talaga.”
Mabilis na lumapit si Tiyo Delfin. Umigkas ang kanang kamay sa munting ulo ni Estong.
“Sira-ulo ka ha. Masiba ka na nga, bastos ka pa. Lumayas ka nga rito sa harapan ko at baka hindi kita matantiya. Maghugas ka ng mga pinagkainan sa kusina! Bilisan mo!” galit na utos nito.
Medyo nakaramdam ng kaunting liyo si Estong sa ginawa ng kaniyang tiyuhin. Bumabalong ang kaniyang mga luha habang abala ang maliliit na kamay sa paghagod at pagkuskos ng alpombrang may sabon sa mga basong hindi niya pinag-inuman, mga pinggang hindi pinagkainan.
Bukas na bukas din, isang desisyon ang gagawin niya. Tutal naman, masipag siya at alam niyang marahil naman ay may tatanggap sa kaniya. Hindi na niya matitiis ang ganitong pagtrato sa kaniya ng mga kaanak na dapat ay kumakalinga sa kaniya. Hindi pagmamalasakit ang tawag dito kundi pagpapakasakit. Sa murang edad ay nauunawaan na niya ang lahat.
Kaya naman nang sumapit ang hatinggabi, dala-dala ni Estong ang kaniyang sira-sirang bag at mga damit. Wala naman siyang ibang gamit. Bahala na kung saan siya dalhin ng kaniyang masisipag na mga paa. Kinaumagahan, pagod na pagod na siya sa kalalakad.
Sa palengke, namasukan siyang utusan. Mabuti na lamang at sa panahon ng kaniyang paglalako noon, may ilang mga tindero sa palengke na nakakausap niya at napagsasabihan niya nang kaniyang sitwasyon. Isa na riyan si Mang Obyong. Pinayagan siya nitong kupkupin kapalit ng pagtatrabaho. Pinilit din siya nitong mag-aral sa pampublikong paaralan.
At iyon nga ang ginawa ni Estong. Naisip niya, upang mas maiangat ang sarili, kailangan niyang matuto at magtamo ng mga kaalaman. Pinagsabay niya ang paninilbihan kina Mang Obyong at pag-aaral sa paaralan, hanggang sa siya ay makatapos ng hayskul.
Nang mga panahon na iyon ay medyo may mga iniinda nang karamdaman si Mang Obyong. At dahil wala naman itong mga kamag-anak, ipinagkatiwala na nito kay Estong ang pamamahala sa munting puwesto nito sa palengke, na ngayon ay isa nang convenience store na siyang bilihan din ng mga tindero at tinderang may sari-sari store.
“Pero ang gusto ko mag-aral ka pa rin sa kolehiyo. Ako na ang bahala sa matrikula mo.”
Kumuha ng kursong Business Management si Estong sa isang state university kung saan siya nakapasa. Talagang nagsunog siya ng kilay. Ayaw niyang sayangin ang tiwala at pagkakataong ibinigay sa kaniya ng ama-amahan. Makalipas ang apat na taon, natapos ni Estong ang kurso na may titulong Cum Laude. Masayang-masaya si Mang Obyong.
“Huwag kayong mag-alala, ‘Tay, akong bahala sa negosyo ninyong convenience store. Mas palalaguin pa natin ito,” pangako ni Estong sa kaniyang ama-amahan, na tatay na ang tawag niya.
Gamit ang kaniyang mga natamong kaalaman sa kaniyang napagtapusang kurso, pinamahalaan nang mahusay ni Estong ang kanilang convenience store, na nagsing supermarket at nagkaroon na rin ng apat na branch. Tumanggap na rin sila ng mga nais kumuha ng franchise nito. Naging maalwan ang pamumuhay ni Estong dahil na rin sa kaniyang sipag at tiyaga!
Bukod sa supermarket, nagtayo na rin ng kaniyang sariling negosyo si Estong. Lalayo pa ba siya? Nagtayo siya ng pagawaan at tindahan ng doughnuts. Ngayon, kahit anong klaseng doughnuts ay maaari na niyang kainin!
Sa kabila nito, upang tuluyang magbagong-buhay, binisita niya ang kaniyang matandang tiyuhin gayundin ang kaniyang mga pinsan na may sari-sarili na ring buhay. Labis-labis na paghingi ng kapatawaran ang naganap. Ibinigay naman ni Estong ang kaniyang pagpapatawad sa tiyuhin at mga pinsan, at binigyan pa ito ng kaunting tulong-pinansyal.
Sa tuwing nakikita ni Estong ang mga doughnuts na kaniyang paninda ngayon, bumabalik sa kaniya ang mga alaala ng kaniyang pagkabata. Kaya kung may nakikita siyang mga batang palaboy na tumatapat sa kaniyang mga stalls, inaamoy-amoy ang mga paninda nilang doughnuts, hindi siya nagdadalawang-isip na bigyan sila nang libre dahil alam na alam niya ang pakiramdam.
Napagtanto niyang walang imposibleng makamit ang mga pangarap sa buhay kung sasamahan ito ng determinasyon, sipag at tiyaga!