Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Binatang Ito nang Malamang sa Kapatid Niya Mapupunta ang Pinaghirapan Niyang Kumpanya, Pinagtangkaan Niya Pa ang Buhay Nito

Nagalit ang Binatang Ito nang Malamang sa Kapatid Niya Mapupunta ang Pinaghirapan Niyang Kumpanya, Pinagtangkaan Niya Pa ang Buhay Nito

“Jester, kumusta na ang kapatid mo? Balita ko, malubha ang lagay niya ngayon, ha? Bakit ba kasi pinabayaan niyo ‘yong magmanehong mag-isa ng sasakyan? Alam niyo namang wala pa sa legal na edad iyon at wala pang lisensya!” sermon ni Kier sa kaniyang pamangkin, isang gabi nang pumutok ang balitang nabangga ng isang trak ang bunso niyang pamangkin.

“Sabi niya naman kasi sa akin, tito, bago siya umalis kanina, kasama ka naman daw niya kaya pinahiram ko ang sasakyan ko. Hindi ko naman alam na nais niya lang mag-ikot-ikot sa Maynila. Nagpapagaling na lang siya ngayon, tito, huwag ka nang mag-alala,” pagpapakalma ni Jester sa tiyuhin habang unti-unti niya itong inaalalayang maupo sa isang silya sa inupahan nilang silid sa ospital.

“Talagang kailangan niyang magpagaling dahil sayang kung hindi niya mananamnam ang pinaghirapan ng tatay niyo kung hindi siya gigising!” sambit pa nito na ikinapagtaka niya.

“Ano pong ibig niyong sabihin?” pang-uusisa niya.

“Sa kaniya ipinangalan ang halos lahat ng ari-arian niyo kabilang na ang kumpaniyang pinapalakad natin ngayon. Siya kasi ang bunso, hindi ba?” wika pa nito na ikinabuntong-hininga niya.

“Oo nga po pala,” tipid niyang sagot, baka sa mukha niya ang pagkabigla sa balitang nalaman.

Simula nang yumao ang negosiyante nilang ama, sa puder na ng kanilang tiyuhin nanirahan at lumaki ang binatang si Jester pati ang kaniyang nag-iisang kapatid.

Ito na ang tinuring nilang pangalawang ama na talaga nga namang hindi nila pinagsisihan dahil kung paano mag-alaga ang kanilang yumaong ama, ganito rin ito mag-alaga at magmahal.

Sa katunayan, pagkatapos na pagkatapos niya sa pag-aaral, agad na siya nitong ginabayan sa paghawak ng kumpanyang naiwan ng kaniyang ama na labis niyang ikinatuwa dahil bukod sa malaki ang kinikita niyang pera, talaga nga namang nahahasa ang galing at talino niya sa pagpapalakad ng isang malaking kumpanya.

Kaya naman, nang malaman niyang kakaunti lang ang mapapasakamay niyang ari-arian balang araw dahil sa bunso niyang kapatid, agad siyang nakaramdam ng pagkainis. Wika niya pa, “Nagpapakapagod ako para sa kumpanyang hindi mapapasa’kin? Ano ako, t*nga?”

At doon agad na sumagi sa isip niyang kailangan na niyang samantalahin ang pagkakataong nanghihina ang kaniyang bunsong kapatid. “Kung hindi mo na maipagpapatuloy ang buhay mo, tiyak, sa akin lahat ang yaman nila Daddy!” bulong niya rito, pagkauwing-pagkauwi ng kanilang tiyuhin.

Agad siyang umisip ng paraan upang mapatigil ang paghinga nito nang hindi mahahalata ng mga doktor sa ospital na iyon. Doon niya naisip na tanggalin ang oxygen na nakakabit dito.

Dahil nga ayaw na niyang magsayang ng oras, agad niyang isinakatuparan ang naisip niyang paraan. Kaya lang, wala pang ilang segundo niyang natatanggal ang oxygen na ‘yon, biglang bumalik ang kanilang tiyuhin upang kuhanin ang naiwan nitong pitaka.

“Anong ginagawa mo kay bunso?” sigaw nito nang makitang nakatingin lang siya sa nag-aagaw hiningang binata, “Nars! Dalian niyo, ang pamangkin ko!” sigaw pa nito sa mga nars saka siya hinila palabas ng naturang silid.

Naghintay lang siya roon hanggang sa muling maging maayos ang paghinga ng kaniyang kapatid at nang tuluyan nang bumalik sa normal ang paghinga nito, agad siyang nilapitan ng kaniyang tiyuhin at siya’y sinampal.

“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo, ha? Bakit kailangan mong pagtangkaan ang buhay ng kapatid mo? Dahil ba sa manang matatanggap niya? Napakaganid mo!” galit na sambit nito.

“A-ako kasi ang nagpapakahirap, tito, tapos siya ang makikinabang?” iyak niya nang tamaan na siya ng kaniyang konsensya.

“Kaya hindi ka pinamanahan ng ama mo nang malaking ari-arian dahil gan’yan ang ugali mo! Simula ngayon, iligpit mo na ang gamit mo sa pamamahay ko at bumukod ka na sa amin ng kapatid mo! Ayokong malagay siya sa panganib dahil sa’yo!” sigaw pa nito sa kaniya na lalo niyang ikinaiyak.

Nang araw ding iyon, pumasok agad sa kaniyang bangko ang lahat ng perang mana at sweldo niya. Iniabot na rin ng kaniyang tiyuhin ang mga dokumentong nagpapatunay na kaniya ang mga lupang naiwan ng ama sa probinsya.

“Hindi mo na ba talaga ako mapapatawad, tito?” tanong niya rito.

“Napatawad na kita pero hindi na kita kayang pagkatiwalaan lalo na sa buhay ng kapatid mong madali mong mauuto,” sagot nito saka siya tuluyang pinaalis ng bahay.

Labis na pagsisi ang naramdaman niya nang mga araw na ‘yon. Mataba nga ang bulsa’t bangko niya, wala naman siyang masandalang kahit isang miyembro ng pamilya.

“Patawarin mo ako, papa, nagawa kong pagtangkaan ang buhay ni bunso para sa mana,” iyak niya habang pinagmamasdan niya ang lupang ngayo’y pagmamay-ari na niya.

Advertisement