Binagsak ng Gurong Ito ang Isang Estudyanteng Hindi Nagpapasa ng Aktibidades, Lumambot ang Puso Niya nang Malamang ang Dahilan Nito
“Ms. Perla, nakarating sa ating punongguro na may binagsak kang estudyante ngayon habang nasa kalagitnaan tayo ng pandemya. Naawa siya sa batang iyon, baka raw mawalan ng gana sa pag-aaral,” sambit ni Bituin sa kaniyang kapwa guro, isang araw matapos niyang makipag-usap sa kanilang punongguro tungkol sa mga batang hindi nakapasa sa unang baitang.
“Paanong hindi ko iyon ibabagsak, Ms. Bituin? Walang pinapasang mga aktibidades! Itong mga modules na para sa kaniya, hindi kinukuha ng kaniyang mga magulang!” galit na sagot ni Perla habang iniaayos ang mga marka ng mga batang siguradong makakapasa.
“Iyon nga, eh, sabi ng ating punongguro, baka raw pupwede mong sadyain sa bahay ang batang iyan baka mayroon silang problema sa bahay,” tugon pa nito na ikinataas ng kilay niya.
“Ano ba ‘yan? Dagdag trabaho na naman! Hindi naman nadagdagan ang sahod ko!” reklamo niya saka padabog na ibinaba ang mga dokumentong hawak niya.
“Wala tayong magagawa, Ms. Perla, kailangan nating matugunan ang mga ganitong klaseng problema ng mga estudyante natin. Lalo na’t alam nating halos lahat sa kanila, walang kakayahang mag-aral sa ganitong sistema,” mahinahong sagot nito saka siya tinapik-tapik sa likuran, wala na siyang ibang magawa kung hindi ang mailing na lang.
Wala pang isang taong nagtuturo ang gurong si Perla nang bigla namang kumalat ang nakakahawang sakit dahilan upang hindi niya matutukan ang kaniyang mga estudyante at hindi niya maramdaman na naabot na niya ang pangarap niya.
Nasa hayskul pa lamang siya nang pangarapin niyang maging isang guro at simula noon, sinubsob niya na ang sarili sa pag-aaral upang maabot ang pangarap niyang ito.
Kaya naman wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang maging isa na siyang ganap na guro. Ngunit ngayong nakuha na nga niya ang titulo bilang isang guro, hindi naman niya maisabuhay ang kaniyang mga napag-aralan dahil sa pandemya na labis niyang ikinaiinis.
Wala siyang ginagawa kung hindi ang gumawa ng mga aktibidades na kailangang sagutan ng kaniyang mga estudyante sa tungkol ng mga magulang. Hihintayin niyang bumalik ang mga papel na ito at kaniyang titingnan kung tama ang mga sagot ng mga ito. Ito ang dahilan para ganoon na lang siya tamarin sa propesyong mayroon siya ngayon.
At dahil nga sa mga pinapasang aktibidades lamang siya bumabase, mayroon siyang naibagsak na isang estudyante na talaga nga namang ikinabahala ng kanilang punongguro dahilan para utusan siya nitong sadyain sa bahay ang estudyanteng iyon.
Kinabukasan, kahit lingid sa kagustuhan niya ang pagpunta sa bahay ng naturang bata, sinunod niya pa rin ang utos ng kanilang punongguro.
Nadatnan niyang naglalaba ang anim na taong gulang niyang estudyante ng mga damit na malaki pa rito.
“Kaninong damit ang nilalabhan mo, Jon?” tanong niya rito na ikinagulat nito.
“Ay, titser, ikaw po pala ‘yan! Pinapalaba po ito kay mama kaso po may sakit siya, eh, kaya ako na lang po ang gumagawa. Sayang po ang kikitain, eh, pangbili rin po ng bigas!” kwento ng walang muwang na bata.
“Puwede ko bang makausap ang nanay mo?” tanong niya pa dahilan para agad na tumayo ang bata sa paglalaba at siya’y samahang pumasok sa tagpi-tagpi nitong bahay.
Tumambad sa kaniya ang nakahiga ginang at dalawa pang batang nagsisidaingan ng gutom.
“Naku, pasensya na kayo, ma’am, ha? Ano po bang sadya niyo?” wika nito sa kaniya habang pilit na bumabangon upang patahanin ang mga bata.
“Bagsak po kasi si Jon ngayong taon, gusto ko lang po sana malaman kung bakit hindi siya nakakapagpasa,” wika niya, bahagya na siyang nakararamdam ng pagkaawa rito.
“Hindi naman po kasi ako marunong magbasa at magsulat, ma’am, kaya hindi ko rin natuturuan si Jon. Bukod pa roon, ‘yong oras na ginugugol ko sa pagkuha ko ng mga aktibidades sa paaralan, ginugugol ko na lang po sa paghahanap buhay para may mapakain sa kanila. Pasensya na po kayo, ha,” kwento nito na talagang kumurot sa puso niya.
Tiningnan niya ang estudyante niyang noon ay sabik na sabik mag-aral na ngayo’y tabla at pansisil ng damit ang hawak.
Doon niya napatunayang talaga nga namang madaling manghusga kung hindi niya alam ang tunay na dahilan sa likod ng hindi pagpapasa ng estudyanteng ito ng mga aktibidades.
Ito ang dahilan para hamunin niya ang sariling araw-araw itong sadyain sa bahay upang maturuan lamang ito magbasa at magsulat.
“Siya ang tanging pag-asa ng kanilang pamilya, at kung magtatagumpay siya sa buhay, tagumpay ko na rin ‘yon,” wika niya sa sarili habang papunta sa bahay nito.
At dahil nga sa araw-araw niyang pagtuturo rito, ilang linggo lang ang lumipas, tuluyan itong nakabasa at nakapagsulat na talaga nga namang ikinasaya ng nanay nito.
Hinabol niya ang mga grado nito hanggang sa tuluyan itong makapasa sa unang baitang ng elementarya.
“Wala man akong dagdag sahod, nadagdagan naman ang tagumpay ko’t nakatulong pa ako,” sambit niya sa sarili habang ginagawa ang mga marka ng batang si Jon.