Ikinahihiya ng Dalaga ang Binabaeng Ama, Naiyak Siya nang Malaman ang Katotohanan sa Pagkatao Niya
“Bakit ba kailangan mo pang magpunta sa eskwelahan ko para lang inabot ang baong sinadya kong iwan, ha? Gustong-gusto mo talagang pinag-uusapan at pinagtatawanan ako ng mga estudyante roon, ano?” galit na sambit ni Helen sa kaniyang ama, isang tanghali nang makauwi sila sa kanilang bahay galing sa kaniyang eskwelahan.
“Nag-aalala lang naman ako, anak, na baka magutom ka sa klase kaya kahit hirap na hirap na akong maglakad, tiniyaga ko pa rin ‘yong dalhin sa’yo,” nakatungong sagot nito habang hinihinamas-himas ang namamagang mga binti.
“Isusumbat mo pa sa akin ‘yan? Hindi ko kailangan ang pag-aalala mo! Dalawangpung taong gulang na ako, magtatapos na nga ako ng kolehiyo, eh, pero hanggang ngayon, hindi ako makatakas sa pangbubuska ng iba dahil sa’yo!” sigaw niya pa rito dahilan para mapasugod na ang tiyahin niyang nakatira lamang sa kabilang bahay.
“Helen! Tama na ‘yan! Galangin mo naman ang tatay mo!” saway nito sa kaniya.
“Tatay? May tatay bang nakasuot ng pangbabaeng damit at kulay rosas ang buhok? Isang kahihiyan ang maging anak niyang binabaeng ‘yan!” bulyaw niya pa habang nanlilisik ang mga mata sa amang nakatungo lamang sa kanilang papag.
“Pa-pasensya na, anak,” tangi nitong sagot habang umiiyak, inirapan niya lang ito saka agad na muling bumalik sa kaniyang eskwelahan.
Ikinahihiya ng dalagang si Helen ang binabae niyang ama. Simula kasi noong siya’y nasa elementarya pa lamang, sa tuwing nakikita ng kaniyang mga kaklase ang kakaibang istura nito, pinauulanan na siya ng mga tukso.
Wika pa nga ng iba niyang kaklase noon, “Baka lalaki ka rin na nagbihis babae katulad ng tatay mo, ha?” saka siya labis na pagtatawanan dahilan para dalhin niya ito hanggang sa kaniyang pagtanda.
Ngayon namang nasa kolehiyo na siya, lalong lumala ang kahihiyang nararamdaman niya sa tuwing dadalhin ng ama niya ang iniwan niyang pananghalian na hinahanda nito tuwing umaga bago siya umalis.
Hindi niya maiwasang hindi mainis sa tatay niyang ito dahil sa itsura nito tuwing magpupunta sa kanilang eskwelahan. Bukod sa nakabihis pangbabae ito, kulay rosas pa ang mahabang kulot na buhok na ito na para sa kaniya, talaga nga namang agaw pansin lalo na sa maskulado nitong pangangatawan.
Ang itsura rin nito ang dahilan kaya walang araw na hindi siya inaasar ng kaniyang mga kaklase at kaibigan na isinisisi niyang lahat sa kaniyang ama na ngayo’y may nararamdaman ng sakit.
Nang araw na ‘yon, pagkarating niyang ulit sa eskwelahan, katulad ng kaniyang inaasahan, muli na naman siyang pinaulanan ng katatawanan, bulungan, at panunukso ng mga estudyanteng nakakita sa kaniyang ama na labis na nagpahiya sa kaniya kaya siya’y agad na nagpunta sa banyo upang doon maglabas ng sama ng loob.
Ngunit iiyak pa lang sana siya nang bigla siyang makatanggap ng tawag mula sa kaniyang tiyahin. Noong una’y hindi niya ito sinasagot, pero nang makatanggap siya ng mensahe ritong sinugod sa ospital ang tatay niya, siya na mismo ang tumawag dito. “Magpunta ka na rito agad,” tangi nitong utos sa kaniya na ikinakaba niya.
Pagkarating niya roon, agad niyang nalamang malubha na pala talaga ang sakit ng kaniyang ama. Nasa emergency room na ito at binibigyang lunas ng isang doktor.
“Akala ko naman, malalagutan na siya ng hininga kaya mo ako tinatarantang magpunta rito,” inis niyang wika sa tiyahin.
“Wala ka ba talagang puso, Helen? Kung alam mo lang ang katotohanan, mag-iiba ‘yang ugali mo!” sambit nito.
“Anong katotohanan pinagsasasabi mo?” tanong niya.
“Ampon ka lang, Helen. Nakuha ka lang ng kapatid ko sa basurahan! At dahil nga pangarap niyang magkaanak kahit na binabae siya, hindi siya nagdalawang-isip na alagaan ka!” inis na kwento nito na ikinatigil ng mundo niya.
Doon tila bumalik sa utak niya ang lahat ng sakripisyong ginawa nito sa kaniya simula pa lang noong bata siya at siya’y labis na nakaramdam ng pangongonsenya dahilan para magpumilit siyang makapasok sa emergency room upang makita ang ama.
Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay nito habang ito’y tinutusukan ng mga gamot. Bulong niya pa rito, “Lumaban ka lang, papa, pangako, aalagaan na kita!” saka siya humagulgol doon.
Sa kabutihang palad, pagkalipas ng isang araw, muli nang nagkamalay ang kaniyang ama na labis niyang ikinatuwa at katulad ng pangako niya rito, inalagaan niya nga ito nang buong puso.
Hindi na rin niya ito ikinahiya kahit na patuloy pa rin ito sa pagdala ng pagkain niya sa eskwelahan. Kung dati ay iiyakan niya lang ang mga panunuksong natatanggap, ngayo’y hinaharap na niya ito.
“Naiinggit ba kayo kung paano ako alagaan ng isang binabaeng ama? Ano naman kung ‘yon ang kasarian niya? Naapektuhan ba ang mga buhay niyo?!” sigaw niya sa mga ito, isang tanghali matapos niyang tanggapin ang nakalimutan niyang baon mula sa ama na ikinangiti nito.
“Oo nga! Nakakaloka kayo, ha!” sigaw nito sa mga estudyante na ikinatawa nilang dalawa.
Tumibay ang relasyon nilang mag-ama simula noon at laking pasasamalat niya dahil hindi pa huli ang lahat para maalagaan niya ang isang huwarang amang mayroon siya.