Yumao ang Anak ng Ginang na Ito dahil sa Pagkokontrol Niya, Gawin Niya kaya Itong muli sa Bunsong Anak Niya?
“Nakakita ka na ba ng unibersidad na pupwede mong pasukan? Kuhanin mo ‘yong kursong pagpupulis, ha? Iyon ang makapagpapabago sa buhay natin,” wika ni Juana sa kaniyang bunsong anak, isang araw habang ito’y tahimik na nagbabantay sa labi ng panganay niyang anak.
“Mama, ilang beses ko po bang sasabihin sa inyo na hindi ko po gusto ang kursong iyon? Gusto ko pong maging isang guro,” malumanay na tugon nito habang pinagmamasdan ang litrato ng yumao niyang anak.
“Nagpapatawa ka ba? Walang guro ang umasenso sa buhay, Gigi! Ayaw mo bang maging katulad ng pinsan mo? Sa edad na bente kwatro anyos, may sarili nang bahay at lupa dahil sa pagtatrabaho niya bilang pulis!” sigaw niya rito habang ibinibida ang pulis na pamangking nasa labas lamang ng kanilang bahay.
“Iba-iba naman po ang takbo ng buhay, nanay, eh, malay niyo maging isang matagumpay akong guro,” tugon pa nito na kaniyang lalong ikinainis.
“Kung hindi iyon ang kursong kukuhanin mo, hindi kita pag-aaralin! Huwag mo akong subukan, Gigi! Gagaya ka pa sa ate mong matigas ang ulo!” bulyaw niya pa rito sabay tingin nang masama sa anak na lulan na ng kabaong.
Walang ibang hangad ang nanay na si Juana kung hindi ang magkaroon ng magandang buhay ang kaniyang dalawang anak na dalaga. Ito ang dahilan upang pilitin niya ang mga ito na kumuha ng kursong sa tingin niya, makakapagpaahon sa kanila sa kahirapan.
Naiinggit kasi siya sa buhay na mayroon na ngayon ang bunso niyang kapatid. Pulis ang tatlo nitong anak na lalaki na pawang mayroon nang sari-sariling bahay sa murang edad. Hindi katulad nila na hanggang ngayon ay nangungupahan pa rin ng isang maliit na bahay.
Ito ang dahilan para pilitin niyang kumuha ng kursong pagpupulis ang kaniyang panganay na anak. Sinunod naman siya nito, kaya lang, nang ihiwalay niya ito sa nobyo nito dahil natatakot siyang baka mabuntis ito at hindi siya mabigyan ng bahay, doon na ito nagpasiyang magpahinga habambuhay.
Masakit man sa kaniya ang pangyayari, hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa na magkaroon ng sariling bahay dahil sa bunsong anak niya na ngayo’y pinipilit niya ring maging isang pulis.
Kinabukasan nang araw na ‘yon, tuluyan na ngang inilibing ang kaniyang panganay na anak. Wala siyang ibang nagawa kung hindi ang bumuntong-hininga habang pinagmamasdan ang pagtatabon ng lupa sa kabaong ng kaniyang anak.
Pagkauwi nila galing sementeryo, agad siyang nagtungo sa silid ng kaniyang mga anak upang iligpit na ang mga gamit ng panganay niyang anak. Ngunit sa pag-aayos niya, naagaw ng isang sobreng may nasulat na “College Admission” ang atensyon niya.
Agad niya itong binuklat at galit ang agad na dumaloy sa ugat niya nang mabasang pagguguro pa rin ang kinuha ng kaniyang bunsong anak.
Sakto namang pumasok ito sa silid dahilan para paulanan niya ito ng sermon.
“Talaga bang hinahamon mo ako, Gigi? Gusto mo bang punitin ko ito sa harap mo ngayon?” tanong niya rito.
“Subukan mo, mama!” sigaw nito saka ipinakita sa kaniya ang hawak na lason na ikinagulat niya.
“Bakit? Tatapusin mo rin ang buhay mo katulad ng maarte at mahina mong ate?” tanong niya rito habang unti-unting lumalapit dito.
“Hindi siya ang tumapos sa buhay niya kung hindi ikaw at ang mga pangarap at desisyon mong hindi naman namin gusto!” bulyaw pa nito sa kaniya, “Kung hindi ikaw ang nanay namin, siguro buhay pa si ate at isa na ngayong abogado!” dagdag pa nito na talaga nga namang bumiyak sa puso niya.
Napatigil siya sa sinabi nito dahilan para mahablot nito ang sobreng hawak niya.
“Hindi mo kailangang kontrolin ang buhay namin, mama, patnubay lang ang kailangan namin!” sigaw pa nito saka siya iniwan sa silid na iyon.
Doon paulit-ulit na tumakbo sa isip niya ang lahat ng ginawa niya sa kaniyang panganay na anak na labis niyang pinagsisihan. “Gusto ko lang namang maging maayos ang buhay namin, bakit naman nagkaganito ako sa mga anak ko?” iyak niya habang pinagmamasdan ang litrato ng naggagandahang niyang mga anak.
At dahil nga ayaw niyang muling mawalan ng anak, ginawa niya ang lahat upang suportahan ang natitirang anak sa kagustuhan nito habang siya’y nagdodoble kayod upang maabot ang bahay na kaniyang pinapangarap.
Paglipas ng ilang taon, tuluyan nang nakapagtapos ang kaniyang anak. Habang siya, nakakuha na ng isang hulugang bahay na ilang taon na lang ay tuluyan nang mapapasakaniya.
“Kung dati ko pa napagtanto ang mga bagay-bagay, sana may abogado at guro na ako ngayon,” panghihinayang niya habang nakatingin sa bunsong anak niyang nagbibihis ng uniporme nitong pangguro.