Inday TrendingInday Trending
Niligawan at Pinaibig ng Binata ang Kasamahang Dalagang Naging Banta sa Kaniyang Promosyon sa Trabaho; Magtagumpay Kaya Siya sa Kaniyang Plano?

Niligawan at Pinaibig ng Binata ang Kasamahang Dalagang Naging Banta sa Kaniyang Promosyon sa Trabaho; Magtagumpay Kaya Siya sa Kaniyang Plano?

“Our best employee for this month is no other than…”

Pigil ang reaksyon ng mga empleyado, lalo na si Tristan.

“Is no other than… Miss Abigail Lacsamana!”

Dumagundong ang palakpakan at kantiyawan ng mga empleyado nang tawagin si Abigail. General assembly kasi ng kanilang kompanya, na buwan-buwan nilang ginagawa. Bahagi ng programa ang paggawad ng gantimpala at pagkilala sa mga empleyadong nagpamalas ng kahusayan at ‘extra mile’ sa kanilang mga tungkulin o trabaho.

Matabang naman ang ngiting sumilay sa mga labi si Tristan. Umasa siya. Buwan-buwan kasi, siya ang nakasusungkit ng pagkilalang iyon.

Noon.

Nang dumating si Abigail sa kanilang kompanya, ito na ang nakakukuha ng nasabing parangal. Isang taon pa lamang ito nang matanggap subalit naging sikat kaagad at halos laging laman ng mga papuri ng mga boss.

Hindi maganda ang pakiramdam ni Tristan sa ganitong mga takbo sa kanilang kompanya. Tatlong taon na siya at pinangangalagaan ang kaniyang pangalan. Ambisyon niyang maiangat sa tungkulin. Target niya ang pagiging assistant supervisor.

Sinabihan na siya ng kasalukuyang assistant supervisor na pag-igihan pa niya sa trabaho, dahil magbibitiw na sa trabaho ang supervisor, at ito na ang papalit sa puwesto nito. Mababakante ang posisyon ng pagiging assistant supervisor.

Ngunit sa nakikita niya, posibleng masungkit pa ito ni Abigail.

Nang minsang makasabay niya sa palikuran ang assistant supervisor, muling pinaalala ni Tristan dito ang sinabi nito sa kaniya, na siya ang nakikita nitong papalit sa kaniya.

“Naku Tristan, mas galingan mo pa. Ikaw naman talaga ang nakikita kong papalit sa akin, at ikaw ang ilalagay ko sa succession plan ko. Pero alam mo naman, hindi naman ako ang nagpapasya niyan. Ang kataas-taasan ang magdedesisyon niyan.”

Simula noon ay hindi na nakatulog pa nang maayos si Tristan. Iniisip niya kung paano niya maaalis sa kaniyang landas si Abigail.

Ayaw naman niyang lumabas na para siyang insecure kung sisiraan niya ito. Hindi na uso ang ganoong mga paraan.

Habang nag-iisip kung paano niya mauungusan si Abigail, napukaw ang kaniyang pansin sa balita sa telebisyon. Nagsara na raw ang isang kompanya at binili na ito ng isang katunggaling kompanya. Kumbaga, iisa na lamang sila. Ang dating magkatunggali, ngayon ay magkakampi na.

At parang may salitang ‘Aha!’ ang narinig ni Tristan sa kaniyang isipan. Kung tutuusin, maganda naman si Abigail, at batay sa kaniyang mga naririnig-rinig, single ito at walang nobyo.

Naalala niya ang kasabihan sa Ingles na kung hindi mo magagapi ang iyong katunggali, makipaglapit at kaibiganin ito. Iyon ang gagawin niya kay Abigail. Liligawan niya ito, at kapag naging nobya na niya, pihadong hindi na ito makakapalag sa kaniya, lalo na kung inialok na rito ang posisyon.

Sabi nga, “Keep your friends close and your enemies closer.”

Isang banta sa kaniyang karera si Abigail, kaya gagawin niya ang lahat upang mabawasan ang mga banta sa kaniyang promosyon.

Matagal na niyang inaasam-asam ito. Higit pa sa pera ang dahilan niya. May nais siyang patunayan sa kaniyang sarili. May nais siyang patunayan sa kaniyang mga kaanak. Wala raw siyang silbi. Ipakikita at isasampal niya sa mga mukha nilang mali sila.

Kinabukasan, ikinagulat ni Abigail ang paglapit sa kaniya ni Tristan. Inabutan siya nito ng mga bulaklak. Marami sa kaniyang mga kasamahan ang nagsimulang mangantiyaw sa kanila.

Pinigil naman ng kanilang mga kasamahan ang kanilang nararamdamang kilig.

“Pagbati ko iyan sa iyo, best employee,” namumungay ang mga matang saad ni Tristan.

At umugong ang nakabibinging kantiyawan sa paligid.

Doon na nagsimula ang pag-uusap, paglabas-labas, at pagkikita nina Tristan at Abigail. Kape-kape, kain-kain sa restawran, nood-nood ng sine. Nagsimulang magkuwentuhan ng kani-kanilang mga buhay.

Lihim namang natutuwa si Tristan. Gumagana ang kaniyang mga plano. Nahuhulog sa kaniyang bitag si Abigail.

Hanggang sa ligawan na nga niya ito. Makalipas ang dalawang buwan, sinagot siya. Tuwang-tuwa ang kanilang mga kasamahan maging ang kanilang mga boss. Bagay na bagay raw sila.

Hanggang sa magkaroon ulit ng General Assembly. Hindi nasira ni Tristan ang pokus ni Abigail, dahil mas lalo itong gumaling sa trabaho. Inspirado raw kasi.

Bagay na hindi ikinatutuwa ni Tristan.

Kailangang may gawin siya. Kailangang mawala si Abigail sa opisinang iyon. Mangyayari lang iyon kung magkaka-anak sila at pakakasalan niya ito. Kapag nangyari iyon, bilang mister nito ay sasabihin niyang hindi na niya ito papayagan pang pumasok sa opisina. Siya na lamang bilang haligi ng tahanan ang magtatrabaho.

Kaya naman, hindi na pinatagal pa ni Tristan ang mga bagay-bagay. May nangyari sa kanila ni Abigail, at makalipas ang ilang buwan, nagbunga na ito. Kaya naman hindi na tumanggi pa si Abigail nang alukin na siya ng kasal ni Tristan.

Sa huwes lamang ginanap ang kanilang pag-iisang dibdib subalit para kay Abigail, napakamakabuluhan nito at hindi niya ito makalilimutan. Hindi rin nila mabilang kung ilang beses silang binati ng kanilang mga kasamahan at kakilala, nagpapahayag ng kaligayahan sa kanilang pagpapakasal.

At dumating na ang araw na pinakahihintay ni Tristan.

“Mahal, ang gusto ko sana, dito ka na lang sa bahay. Ako na ang magtatrabaho,” utos ni Tristan sa misis.

“Kaya ko pa naman eh. Hindi pa naman ako nahihirapang gumalaw, puwede pa akong pumasok sa opisina,” sansala naman ni Abigail.

Ang totoo niya, napamahal na rin si Abigail kay Tristan, kaya lang, mas mahal pa rin ni Tristan ang kaniyang karera. Naisip niya, kapag nanganak na lamang si Abigail, doon na lamang niya ito pagbabawalang pumasok.

Ngunit sa ikalimang buwan ng pagbubuntis ni Abigail, hindi inaasahan at hindi napaghandaan ni Tristan ang pagkaka-promote kay Abigail bilang assistant supervisor. Hindi makapaniwala si Tristan na hindi sa kaniya naibigay ang hinahangad-hangad na posisyon.

Pinalagpas na lamang ng Tristan ang bagay na ito. Naisip niya, apat na buwan na lamang naman ang hihintayin niya. Manganganak na si Abigail. Kapag nanganak ito, magmama-maternity leave ito, at unti-unti, kukumbinsihin niya ang misis na manatili na lamang sa bahay at alagaan ang kanilang anak.

Bagay na nangyari naman. Makalipas ang apat na buwan, nagsilang na nga si Abigail, kaya ang naging officer-in-charge na humalili sa posisyon nito sa opisina, walang iba kundi si Tristan. Masayang-masaya siya. Pakiramdam niya, para sa kaniya ang posisyon na iyon. Gagalingan niya nang husto upang hindi na maibalik ito kay Abigail.

Nang matapos na ang maternity leave ni Abigail, nagpaalam ito kay Tristan na babalik na siya sa pagtatrabaho.

“Para saan pa? Kaya naman kitang buhayin. Dito ka na lang sa bahay. Alagaan mo ang anak natin. Saka maraming ginagawa sa opisina. Nagagampanan ko naman ang trabaho mo bilang OIC mo,” matigas na tutol ni Tristan.

“Isa akong career-driven woman, Tristan, noong pinakasalan mo ako, bago tayo magka-anak. Hindi mo ako basta-basta makukulong dito sa bahay. Sayang naman ang mga pinag-aralan ko kung hahayaan mo lang ako rito. Hayaan mo na akong magtrabaho. Kukuha na lang tayo ng yaya para mag-alaga kay baby,” muling giit ni Abigail.

“Huwag ka nang mapilit dahil nasa akin na ang pagiging assistant supervisor, huwag mo nang agawin pa sa akin,” nadulas na sumbat ni Tristan.

Natigilan si Abigail.

“So totoo nga ang balitang nakarating sa akin, na bitter ka dahil sa akin ibinigay ang posisyon na iyan. Hindi ako tanga, Tristan. Sa kabila ng mga agam-agam ko noong niligawan mo ako, isinantabi ko ang lahat ng iyon dahil una pa lang kitang nakita, gusto na talaga kita. Kaya noong niligawan mo ako, ganoon na lang ako kasaya.”

Natigilan si Tristan sa mga rebelasyon ng kaniyang misis.

“P-Patawarin mo ako Abigail. Aaminin ko sa iyo. Naging makasarili ako. Noong una, ang intensyon ko talaga para ligawan ka ay para mawala ka sa landas ng pagkuha ko sa posisyon. Pero habang dumaraan ang mga araw, napamahal ka na sa akin,” pag-amin ni Tristan.

Naunawaan naman ni Abigail ang pinanggagalingan ng mister sa kung bakit ninais nitong magkaroon ng posisyon sa trabaho, kung bakit ninais nitong may mapatunayan sa kaniyang sarili at sa mga kaanak.

Kaya naman, pinayagan na ni Tristan na muling makabalik sa kaniyang trabaho si Abigail. Tuluyan na itong nagbitiw sa tungkulin bilang assistant supervisor dahil nga kapapanganak lamang niya, at ang prayoridad niya ay pag-aalaga rin sa kanilang anak. Si Tristan na ang naging permanenteng assistant supervisor.

Kinalimutan ng mag-asawa ang naging isyu sa kanilang trabaho at namuhay nang masaya at maluwalhati kapiling ang kanilang anak.

Advertisement