Inday TrendingInday Trending
Laging Inaabangan ng Bunsong Kapatid ang Padalang Kahon ng Kaniyang Kuyang OFW; Ngunit Isang Araw, Isang Kahon ang Hindi Niya Nagustuhan

Laging Inaabangan ng Bunsong Kapatid ang Padalang Kahon ng Kaniyang Kuyang OFW; Ngunit Isang Araw, Isang Kahon ang Hindi Niya Nagustuhan

“Kuya, sira-sira na ang rubber shoes ko ohhh… baka naman!”

Kausap nina Edgar at ang kaniyang Nanay ang kuya niyang si Arthur na nasa ibang bansa at naghahanapbuhay bilang isang Overseas Filipino Worker o OFW. Tatlong taon na ito sa Jeddah, at simula nang mangibang-bansa ito, ito na ang nagsilbing breadwinner ng kanilang pamilya. Matagal na kasing yumao ang kanilang ama.

“Naku, sige bunso, gagawan ko ng paraan para mabilhan kita. Kaya lang medyo nagtitipid kasi tayo ngayon. Gustong-gusto ko nang umuwi diyan dahil miss na miss ko na kayo,” sagot naman ni Arthur.

“Teka kuya, uuwi ka na rito? Eh paano na iyan, hindi mo na kami mabibilhan ng mga imported na bagay at tsokolate. Paano na ang rubber shoes ko?” tila nairitang tanong ni Edgar sa kaniyang kuya.

“Huwag kang mag-alala, hindi ako uuwi diyan hangga’t hindi ko nabibili yung rubber shoes na hinihirit mo sa akin,” natatawa at napapakamot sa ulo na pagsuweto ni Arthur sa kaniyang bunsong kapatid.

“Natutuwa ako, anak, at naisipan mo na ring umuwi rito sa Pilipinas para naman magkasama-sama na tayo. Miss na miss kita, anak. Iba pa rin talaga kapag nakakausap kita nang personal. Kailan mo ba balak umuwi rito?” tanong naman ng kanilang nanay na si Aling Lorna.

“Baka mga tatlong buwan, ‘Nay. Naghahanap pa kasi ng papalit sa akin, kaya medyo tiyaga-tiyaga lang. Pagbalik ko riyan sa Pilipinas, huwag kayong mag-alala dahil magtatayo na lamang ako ng negosyo, saka yung talyer na pangarap ni Tatay noon. Tutuparin ko na,” tugon naman ni Arthur.

“Sige anak, okay lang naman sa akin, basta’t lagi kang mag-iingat diyan. Nakasuporta naman ako sa iyo, anumang mga desisyon sa buhay na gagawin mo. Oh sige na anak at baka nakakaistorbo na kami sa pamamahinga mo. Mahal na mahal kita,” nakangiting pamamaalam ni Aling Lorna.

“Salamat, ‘Nay! Ingat din kayo. Edgar, huwag mong pasasakitin ang ulo ni Nanay ha?” pabirong paalala ni Arthur sa kaniyang bunsong kapatid, bago tuluyang ibaba ang linya.

“Nanay, bakit naman kailangan nang umuwi ni Kuya rito? Mukhang maayos naman siya sa ibang bansa. Paano na tayo?” tanong ni Edgar kay Aling Lorna.

Ipinagmamayabang kasi ni Edgar sa kaniyang mga kaklase at kabarkada na nasa ibang bansa ang kaniyang kuya. Ipinagmamalaki niya sa kanila na imported ang kaniyang mga gamit. Kung uuwi ang kuya niya sa Pilipinas, hindi na siya mabibilhan ng mga gusto niya mula sa ibang bansa.

“Anak, igalang natin ang desisyon ng kuya mo. Sapat na marahil ang naitulong niya sa atin. Hindi natin alam ang tunay niyang pinagdaraanan doon sa ibang bansa. Malay natin, nangungulila na pala siya sa atin, o kaya naman hindi na niya kayang pakisamahan ang kaniyang mga katrabaho o boss,” paliwanag naman ni Aling Lorna.

Wala na ngang nagawa si Edgar. Sabagay, hindi naman niya hawak ang pag-iisip ng kaniyang Kuya Arthur.

At matuling lumipas ang mga araw at mga buwan. Ayon sa huling mensahe ng kaniyang Kuya Arthur, nakabili na ito ng rubber shoes niya, at ibibigay na lamang sa kaniyang pag-uwi.

Ngunit isang araw, sa kaniyang pag-uwi mula sa paglalakwatsa, agad na tumambad sa kaniya ang isang napakagandang rubber shoes na nakapatong sa kanilang mesita sa sala. Hindi lamang iyon, napakarami ring mga kahon, na tantiya niya ay padala ng kaniyang Kuya Arthur.

“Wow! Nakauwi na ba si Kuya Arthur, ‘Nay?”

Subalit nagitla siya dahil mugtong-mugto ang mga mata ni Aling Lorna. Para itong tulala at hindi makausap nang maayos. Agad niya itong dinaluhan.

“’Nay? Ano’ng nangyari? May problema ba?” nag-aalalang tanong ni Edgar.

Hindi kumibo si Aling Lorna. Tinitigan lamang siya. Saka napansin ni Edgar na karamihan sa mga gamit na nakalabas ay mula sa kaniyang kuya.

“W-Wala na ang Kuya Arthur mo, anak… wala na siya…”

“P-Paanong wala na siya, ‘Nay? Umalis na siya? Saan siya nagpunta?”

At saka isinalaysay ni Aling Lorna na naaksidente raw pala si Arthur. Nahulog ito mula sa mataas na palapag ng ginagawa nitong gusali. Nag-sideline daw pala ito bilang isang karpintero, bago tuluyang umuwi sa Pilipinas, upang may maipandagdag sa iuuwi nitong pera para sa kaniyang pamilya.

Naunang ipinadala ang mga gamit nito, at bukas daw ay darating na ang isa pang kahon na naglalaman ng malamig na bangk*y nito.

Suot-suot ni Edgar ang rubber shoes na binili sa kaniya ni Kuya Arthur sa araw ng libing nito. Hindi niya mailarawan ang lungkot na kaniyang nararamdaman sa biglaang pagpanaw ng kaniyang Kuya Arthur.

Kapakanan pa rin nila ang inisip nito hanggang sa kahuli-hulihang pagkakataon. Mabuti na lamang at may mga hinuhulugan itong life insurance plan kaya kahit paano, may pansimula silang mag-ina, bukod pa sa mga ipon nito, at insurance ng kompanyang pinaglingkuran nito.

Ipinangako ni Edgar sa kaniyang sarili na iingatan niya ang mga gamit na ibinigay sa kaniya ni Kuya Arthur, at siya ang magpapatuloy sa mga nasimulan nitong pag-aalaga sa kanilang mahal na ina.

Kaya naman, nagpursige talagang makatapos ng kaniyang pag-aaral si Edgar nang sa gayon ay maging kagaya niya ang kaniyang Kuya Arthur – masipag, responsable, at nakatutulong sa kaniyang pamilya.

Advertisement