Hindi Gusto ng Lalaki ang Pag-ampon ng Asawa sa Anak ng Pinsan Nito; Hindi Niya Akalaing Magiging Malaki Pala ang Utang na Loob Niya sa Bata
“Mahal, ano ba ang naisipan mo at inampon mo ’yang anak ng pinsan mo?” naiinis na pangongompronta ni Mike sa asawang si Joan nang gabing iyon, matapos pumayag ng babae na ampunin nila ang anak ng pinsan nito dahil hindi nito kayang tustusan ang bata.
“Alam mo namang matagal ko nang gustong magkaanak, Mike. Pagbigyan mo na ako, please? Kung mag-aampon din lang naman tayo, bakit hindi pa si Mira? At least siya, kadugo ko, hindi ba?” katuwiran pa ni Joan sa asawa.
Agad namang nakaramdam ng panliliit sa kaniyang sarili si Mike. Siya kasi ang dahilan kung bakit hindi na kailan man magkakaanak pa si Joan. Iyon ay dahil si Mike mismo ang walang kakayahang magkaanak. Baog siya, ngunit buong puso pa rin siyang tinanggap ni Joan. Dahil doon ay wala na siyang nagawa pa kundi sumang-ayon sa gusto nito. Ganoon pa man, hindi pa rin maikakailang naiinis siya sa batang si Mira dahil ito ang isang buhay na nagpapaalala sa kaniya ng kaniyang kakulangan bilang isang lalaki.
“Mira, ano ba! Bakit pinakikialman mo ’yang gamot ko?!” malakas na hiyaw ni Mike nang makitang pinakikialamanan ni Mira ang gamot na naroon sa kaniyang pantalon, isang araw na inutusan siya ng asawa na bantayan ito habang siya ay namamalengke. Inilalagay pa naman ni Mike ang gamot na iyon doon bilang paghahanda, sakaling magkaroon ng emergency, saan man siya naroon.
“Lumayo ka nga sa aking bata ka!” Sinigawan na naman ni Mike ang bata. Bahagya niya rin itong tinabig na siyang naging dahilan upang mapaupo ito sa sahig. Talagang walang amor si Mike kay Mira, at tila habang lalong tumatagal ay nadaragdagan pa ang inis niya rito.
Nakadama ng pag-iinit ng ulo si Mike nang mga sandaling ’yon. Bumuntong-hininga siya at nagpunta na lamang sa kusina upang kunin ang maintenance niyang gamot para sa highblood. Namataan ni Mike na hanggang doon ay nakasunod pa rin sa kaniya si Mira, ngunit minabuti na lamang niyang hindi ito pansinin.
Isang araw ay umuwi si Mike galing sa trabaho. Nag-half day lamang siya ngayon dahil masama ang kaniyang pakiramdam. Hindi niya naabutan ang asawang si Joan sa kanilang salas dahil nasa kusina ito at nagluluto ng pananghalian. Si Mira lamang ang naroon at naglalaro.
Akmang maglalakad na si Mike papuntang kusina nang bigla siyang makaramdam ng pagkahilo. Nagdilim ang kaniyang paningin. Matapos niyang bumagsak sa sahig ay hindi niya na namalayan ang nangyari. Nagising na lamang siya na nasa maayos na siyang higaan at maayos na rin ang kaniyang pakiramdam.
“Mahal!” Agad siyang niyakap ni Joan nang makita nitong nagmulat na siya ng mga mata. “Sobra akong nag-alala sa ’yo, mahal!” sabi pa nito sa pagitan ng mga hikbi habang nakasubsob ang mukha nito sa kaniyang balikat.
“A-ano ba’ng nangyari? Hindi ko na kasi matandaan…” tanong naman ni Mike sa asawa na pilit inaalala kung ano ang nangyari sa kaniya kanina.
“Nakalimutan mong inumin ang gamot mo kaya ka nahilo kanina. Tapos nawalan ka ng malay kanina rito sa salas nang hindi ko alam. Mabuti na lang at narito si Mira. Hindi ko rin alam kung papaano nangyari, pero kinuha niya ang gamot sa mo sa bulsa mo at ipinainom ’yon sa ’yo. ’Tapos ay tinawag niya ako at itinuro kung nasaan ka,” paliwanag pa sa kaniya ni Joan na kababakasan ng pagkamangha.
Nanlaki ang mga mata ni Mike. Nagulat siya sa narinig na tinuran ng asawa. Naalala niya ang palaging pagsunod ni Mira sa kaniya sa kusina sa tuwing siya ay iinom ng gamot, ganoon din ang pakikialam nito sa gamot na nakareserba sa kaniyang pantalon!
Hindi niya akalain na ganoon katalino si Mira, na isang beses lamang nitong nakita ay natandaan na agad nito kung para saan ang gamot na iyon! Ngunit higit sa lahat, hindi niya akalain na sa lahat ng masasamang ipinakita niya rito ay magkakaroon pala siya ng utang na loob sa batang ito. Iniligtas ni Mira ang buhay niya mula sa tiyak na kapahamakan!
Nakadama ng matinding pagsisisi si Mike para sa naging trato niya kay Mira. Nahiya siya sa kaniyang sarili. Pinilit niyang tumayo sa kaniyang higaan upang puntahan ang pwesto ni Mira at yakapin ito nang mahigpit.
“Salamat, anak!” naluluhang sambit ni Mike sa kaniyang tagapagligtas.
“Papa!” sambit naman ni Mira na halos tumunaw sa puso nilang mag-asawa.
Matapos ang pangyayaring iyon, si Mike na yata ang pinakamasayang tatay sa mundo, dahil nang matutunan niyang tanggapin si Mira bilang anak nila ni Joan ay saka niya lang naramdaman na tunay ngang buo na ang kanilang pamilya!