Mahilig Mangupit ang Binatilyong Ito sa Tindahan ng Kaniyang Ina; Isang Leksyon ang Matututunan Niya Mula Rito
“Ma’am…” nag-aalangang tawag ng isa sa mga empleyado ni Wilma sa kaniya habang nagkukwenta sila ng kinita nila ngayong araw sa tindahan nila ng iba’t ibang mga accessories. Agad naman siyang tumunghay at nakita niya ang tila hindi mapakaling ekspresyon ng mukha nito, pati na rin ng isa pa nitong kapwa sales lady.
“O, bakit ganiyan ang mga hitsura n’yo?” natatawang tanong pa niya sa mga ito upang pagaanin ang tila namumuong tensyon.
“Ano po kasi, ma’am… si K-keneth po,” muli ay putol pa ring sambit ni Rosa.
“Ano’ng meron kay Keneth?” Nagtaka si Wilma nang marinig ang pangalan ng anak niya.
“Ma’am, kasi po, halos araw-araw pong pumupunta si Keneth dito para kumupit po sa kita ng tindahan. Palagi niya pong ikinakatuwiran sa amin na kayo naman daw po ang may-ari nito kaya huwag daw po namin siyang pakikialaman,” pagtutuloy naman ni Dana sa sumbong na hindi maituloy ni Rosa.
“Ano?!” Napapalatak si Wilma habang napapakunot ang noo. “Aba’t talagang pilyo ang batang ’yan, a!”
Simula kasi nang tumuntong ng hayskul si Keneth ay tila lalong naging matigas ang ulo nito. Paano’y ang napili nitong samahang mga kaeskuwela ay ang barkadahan ng mga estudyanteng sakit sa ulo ng kanilang paaralan! Sa katunayan ay makailang ulit nang naipatawag si Wilma sa eskuwela dahil sa kagagawan ng batang ito. Talagang sakit na niya ito sa ulo!
“Sa susunod na gawin ni Keneth ’yon, tumawag kayo ng pulis. Hayaan n’yong hulihin siya para madala siya sa ginagawa niya. Hindi porque kami ang may-ari ng tindahang iyon ay ganoon na ang gagawin n’ya. Ako na ang nagsasabi sa inyo. Kailangan kong turuan ng leksyon ang anak ko para magtanda!” bilin ni Wilma sa kaniyang mga tauhan.
Wala na kasi siyang ibang pagpipilian kundi ang gawin ito kung ayaw niyang mapariwara nang tuluyan ang kaniyang anak. Kaya’t nang sumunod na araw na nangupit na naman si Keneth sa tindahan ay ganoon nga ang ginawa ng kaniyang mga empleyado!
“Bakit kayo tumatawag ng pulis?! Kami ang may-ari ng tindahang ’to! Wala kayong karapatang pigilan ako kung gusto kong kumuha sa kita rito!” katuwiran ni Keneth kina Rosa at Dana nang makitang inire-report ng mga ito sa pulis ang ginawa niyang pangungupit.
“Hindi ikaw, Keneth, kundi ako ang may-ari ng tindahang ito. Ikaw ang walang karapatang kumuha na lamang basta ng pera dito nang hindi ka nagpapaalam!” mariin namang sigaw ng ina ni Keneth na kapapasok lamang sa tindahan. Nagulat ang binatilyo sa sinabi ng ina.
“M-mama—” Hindi siya makaapuhap ng sasabihin.
“Hindi mo ba alam na pagnanakaw ang ginagawa mo, Keneth? Kahit pa sabihin mong anak ka ng may-ari, hindi mo pa rin maitatangging kumukuha ka pa rin dito nang walang pahintulot mula sa akin, at pagnanakaw ’yon! Isa pa, hindi dahil anak kita ay exempted ka na sa parusa, kaya simula ngayon, lahat ng kinupit mo sa tindahan kong ’to ay pagbabayaran mo o palalayasin kita sa bahay!”
Nahintakutan si Keneth sa nasaksihang galit ng ina dahil ngayon lamang niya nakitang ganito ito. Wala siyang pagpipilian kaya’t sinunod niya na lamang ito.
Unang araw pa lamang ay ibayong pagod na sa pagbabantay pa lang ng tindahan ang kaniyang naranasan. Kailangan din kasi niyang panatilihing malinis ito upang hindi ayawan ng kanilang mga kostumer. Halos lahat ng gawain sa tindahan ay ipinagawa nina Rosa at Dana kay Keneth dahil iyon ang utos ni Wilma.
Isang araw ay isang grupo ng mga kabataan ang pumasok sa kanilang tindahan. Pawang maiingay ang mga ito. Naaalala tuloy ni Keneth ang mga panahong dumadalaw siya rito kasama ang kaniyang mga kabarkada. Ni wala silang pakialam kung nagugulo ba nila ang mga paninda o nadudumihan nila ang tindahan.
“Nakakainis pala, lalo na kapag ikaw ang nag-aayos ng mga ginugulo nila,” sambit ni Keneth sa kaniyang Ate Rosa at Ate Dana.
Maya-maya pa, napansin ni Keneth na ang isa sa mga kabataang iyon ay nangungupit na ng kanilang paninda, kaya’t agad niya itong sinita.
“Minsan ko nang ginawa ’yan, at ngayon ay pinagsisisihan ko na. Sana ikaw rin. Itigil mo na ’yan bago ka pa maparusahan. Dahil walang exemption kapag gumawa ka ng mali. Lahat ay may parusa,” sabi ni Keneth sa binatilyong muntik nang mangupit sa kanilang tindahan.
Napangiti si Wilma na ngayon ay kararating lamang din sa tindahan. Sa wakas, mukhang natutunan din ng kaniyang anak ang leksyon nito. Nawa’y madala nito hanggang pagtanda ang aral na iyon.