Inday TrendingInday Trending
Hindi Malaman ng Binata kung Ano ba ang Ireregalo sa Ina sa Darating Nitong Kaarawan; Lahat na Lang Kasi ng Ibigay Niya ay Hindi Nito Nagugustuhan

Hindi Malaman ng Binata kung Ano ba ang Ireregalo sa Ina sa Darating Nitong Kaarawan; Lahat na Lang Kasi ng Ibigay Niya ay Hindi Nito Nagugustuhan

“Advance happy birthday, ’ma!” bati ni Bobby sa kaniyang inang si Aling Lita pagkarating niya galing sa trabaho. Umupo siya sa tabi nito sabay abot sa kaniyang regalo na nakabalot pa sa isang magarang gift wrapper. “Ina-advance ko na ang regalo ko, ’ma, kasi baka ma-late ako ng uwi bukas. May meeting kasi ako with my clients. Pero, huwag kang mag-alala dahil hahabol ako sa birthday party mo, ’ma.”

“Salamat.” Tinanggap naman ng kaniyang ina ang regalong iniabot niya, ngunit nakita niyang ipinatong lamang nito iyon sa isang tabi. Tila wala itong kainte-interes sa tingnan man lang ang laman niyon, kaya nagsimula nang mainis si Bobby.

“Mama, palagi na lang kayong ganiyan. Kapag galing sa akin ang regalo, parang ayaw n’yo. Hindi kayo natutuwa. Palagi na lang kayong hindi kuntento!” may himig ng pagtatampong sabi pa ni Bobby. Mataas na rin ang kaniyang tono kaya naman gulat na napalingon sa kaniya ang ina.

Hindi nagsalita si Aling Lita. Tumayo ito sa kaniyang kinauupuan at dumirertso sa kaniyang kwarto. Alam ni Bobby na nagkamali siya na napagtaasan niya ito ng boses kaya’t ngayon ay sigurado siyang masama ang loob nito.

Napapahilot sa kaniyang sentido si Bobby habang hawak sa kabila niyang kamay ang basong may lamang alak. Naabutan siya ni Manang Zenny, ang kanilang kasambahay, sa ganoong posisyon kaya naman nagtataka siya nitong tinanong.

“Ano naman kaya ang problema ng alaga ko’t mag-isa kang nag-iinom d’yan?” tanong nito sa kaniya. “Babae ba?”

Tumawa nang mapakla si Bobby bago umiling. “Hindi po… si mama,” aniya. “Hindi ko na kasi alam kung ano ang gusto n’ya sa akin, Manang Zenny. Palagi na lang siyang hindi kuntento sa mga regalo ko. Kahit gaano kalaki, kahit gaano kamahal, parang palagi na lang niyang inaayawan. Pakiramdam ko tuloy, ayaw niya sa akin,” paglalabas pa ni Bobby ng sama ng loob.

Naiiling na napangisi si Manang Zenny sa kaniyang tinuran. “Baka naman kasi, hindi regalo ang gusto niyang manggaling sa ’yo, Bobby?” makahulugan pang turan nito sa kaniya.

Nangunot naman ang noo ng binata.

“Isipin mo nga, Bobby, kung kailan mo huling pinaglaanan ng mahabang oras ang mama mo?” tanong pa sa kaniya ng kaniyang Manang Zenny. Napaisip naman si Bobby dahil doon at nagulat siya nang maalalang ang huling bonding pa nila ng kaniyang ina ay apat na taon na ang nakalilipas!

“Kita mo na? Minsan kasi, ang mga magulang, hindi naman naghahangad ng mamahaling regalo mula sa kanilang anak. Mas mahalaga pa rin sa kanila na paglaanan n’yo sila ng oras. Kwentuhan n’yo sila ng mga problema o hindi kaya’y kahit iyong mga nangyari lamang sa inyo sa buong araw,” dagdag pa ni Manang Zenny kaya lalong natauhan si Bobby.

“Salamat po, manang. Sa wakas ay naintindihan ko na kung bakit ganoon si mama. Malaki na rin pala talaga ang pagkukulang ko sa kaniya,” pasasalamat naman ni Bobby sa kasambahay.

Itinigil niya ang pag-iinom nang gabing iyon at agad na kinuha ang kaniyang telepono. Tinawagan niya ang kaniyang sekretarya upang utusan ito na ipa-move ang lahat ng kaniyang schedule para bukas dahil balak niyang sorpresahin ang ina.

Maaga siyang umalis ng bahay kinabukasan. Inihanda niya kasi ang kaniyang magiging sorpresa para sa ina. Ipina-cancel na rin niya ang gaganaping party mamaya sa kanilang bahay, dahil inilipat na niya iyon ng venue.

Samantala, takang-taka naman ang kaniyang ina dahil ipina-cancel niya ang party. Iniisip nito na baka tuluyan nang nagalit sa kaniya si Bobby kaya nito ginawa iyon. Masamang-masama na ang loob ni Aling Lita, nang bigla na lang umuwi ang kaniyang anak.

“Mama, magbihis ka. May pupuntahan tayo,” seryosong ani Bobby sa ina. Kabado man ay sumunod na lamang si Aling Lita dahil wala siyang lakas upang magtanong pa’t makipagtalo sa binata.

Isinuot niya ang damit na ibinigay sa kaniya ng anak. Habang nasa sasakyan ay nagpanggap si Bobby na busy sa pakikipag-usap sa telepono upang makaiwas sa tanong ng kaniyang mama. Nang dumating sila sa venue, ganoon na lang ang gulat ni Aling Lita nang makita ang isang napakagandang set-up sa isang garden kung saan siya magdaraaos ng kaniyang kaarawan!

“Surprise!” sabay-sabay na sigaw ng mga bisita, kasama na rin si Bobby habang inaakay niya ang ina papalapit doon.

“Mama, alam kong malaki na po ang tampo n’yo sa akin kaya babawi ako sa inyo ngayon. Hayaan n’yong ilaan ko para sa inyo ang buong araw na ito. Pangako, dadalasan ko na ang pakikipag-bonding sa inyo. Happy birthday, ’ma. Hipan n’yo na po ang cake n’yo.”

Masayang-masaya si Aling Lita sa naging regalo ng kaniyang anak sa kaarawan niyang ito. Iyon lang naman kasi talaga ang gusto niyang matanggap mula kay Bobby. Ang bigyan siya ng oras nito at makasama niya ito katulad ng dati.

Advertisement