Inday TrendingInday Trending
Bilmoko ang Nobya ng Lalaki Kaya Wala Siyang Naiipon; Isang Araw ay Magugulat Siya sa Ibibigay Nito sa Kaniya

Bilmoko ang Nobya ng Lalaki Kaya Wala Siyang Naiipon; Isang Araw ay Magugulat Siya sa Ibibigay Nito sa Kaniya

Araw ng Linggo kaya abala sa pamamasyal ang magkasintahang Archie at Brenda. Habang papunta sa sinehan ay napadaan sila sa bilihan ng mga damit.

“Ay, ang ganda nung bestidang ‘yon, o, Archie! Ibili mo ko no’n ha?” sabi ng nobya.

“Okay, mahal, sa sahod ko ay bibilhin ko ‘yan para may bago kang maisuot kapag nagde-date tayo,” sagot ni Archie.

“Promise ‘yan ha?”

“Yes na yes, mahal ko!”

Kaso, hindi pa sila nakakalayo sa bilihan ng damit…

“Archie, gusto ko rin ng bagong sapatos na ganoon, saka ‘yung bag na ‘yon. Bilhan mo ako niyon, ha?” hirit pa ng babae.

Napakamot na sa ulo si Archie.

“Hay naku! Heto na naman po siya!” bulong niya sa isip.

Mahilig kasing magpabili ng kung anu-ano ang kanyang nobya kapag namamasyal sila, kapag may mga espesyal na okasyon o kahit na simpleng araw lang, kaya nga ang tawag niya kay Brenda ay ‘bilmoko girl’.

Nang sumapit ang suweldo ni Archie ay wala siyang nagawa kundi bilhin ang mga itinuro sa kanya ni Brenda. Kapag umungot na kasi sa kanya ang kasintahan ay tumitiklop na agad siya. Ganoon niya kamahal si Brenda.

“Hala, halos wala nang natira sa sahod ko… Diyos ko naman po! Paano ko ba pagkakasyahin ang kita ko hanggang sa susunod na sahod?” sambit ni Archie sa sarili nang tingnan niya laman ng ATM niya.

Ang totoo, lumaki naman sa may kayang pamilya si Brenda at mayroong magandang trabaho. Lambing na lang nito kay Archie ang pagpapabili ng kung anu-anong mahiligan. Isang araw ay tinawagan nito si Archie sa opisina.

“Archie, mahal ko, ‘yung pangako mong ibibili mo ako ng gusto kong kuwintas baka makalimutan mo, ha?”

Muling pinagpawisan si Archie sa kabilang linya.

“A, eh, sige, dadaan ako sa mall mamaya pag uwi ko. Bibilhin ko ‘yung gusto mong kuwintas. Dadalhin ko na lang diyan bukas sa pagdalaw ko sa iyo,” tugon ng lalaki.

Nang maibaba ang telepono ay parang natigilan si Archie. Nag-iisip.

“Paano kaya ito? Ubos na ang ipon ko… ubos na rin ang sahod ko. Saan ako kukuha ng pambili ng kuwintas na ‘yon?”

Maya maya ay nakaisip siya ng paraan. Ibinenta niya ang mamahalin niyang wristwatch para may maipambili ng kuwintas.

“Makakabili naman ulit ako ng bagong wristwatch kapag nakapag-ipon ulit ako, ang mahalaga’y naibili ko ng kuwintas na gusto niya ang mahal ko,” wika ni Archie sa sarili.

Minsan sa kanyang pag-iisa sa kuwarto niya habang nakahiga sa kama ay hindi niya mapigilang isipin ang nobya.

“Mahirap maging nobya itong si Brenda, magastos… pero wala, eh, mahal na mahal ko siya kaya hindi ako makaangal sa lahat ng hilingin niya sa akin,” aniya sa isip.

Kinaumagahan ay kinantiyawan siya ng mga kaopisina niya dahil sa nalalapit niyang kaarawan.

“Uy, Archie, saan ba tayo sa birthday mo, ha?” tanong ng kaibigan niyang si Tobby.

“Oo nga naman, pare. Ready na kaming mag-mamam!” sabad naman ni Paul.

“Malabo mga pare, mukhang walang pera ang kaibigan natin,” wika naman ni Gino.

“Aba, bakit naman? Naubos na ba sa nobya mo ang sahod mo?” tanong pa ni Tobby.

“Kailangan mo pa bang itanong ‘yon, pare? Kilala mo naman si Brenda… si bilmoko girl ‘yun eh!” natatawang sabi ni Gino.

Tahimik lang si Archie sa sinasabi ng mga kasama niya dahil totoo naman na bilmoko ang nobya niya.

“Naku, pareng Archie, payong kaibigan… habang maaga pa ay dapat mong kontrolin ang nobya mo, baka manigas na ang daliri niya sa katuturo, ikaw rin!” sambit ni Paul.

Nang maiwang mag-isa ay napaisip na naman si Archie.

“Gusto kong i-blow out sa birthday ko ang mga kaibigan kong iyon, pero paano? Eh, hindi ko pa nga alam kung saan ko kukunin ang perang gagastusin ko sa date namin ni Brenda sa Sabado?” tanong ni Archie sa sarili.

Dahil gusto rin niyang pagbigyan ang mga kasama niya sa trabaho pati na rin ang kasintahan niya’y ibinenta na rin niya ang ilan sa mga mamahalin niyang gamit sa bahay, pati singsing at kuwintas niya na matagal niyang pinag-ipunan ay ipinagbili na rin niya para magkapera.

“Huli na ito, kakausapin ko na si Brenda. Hindi ko na kaya ang mga luho niya. Isa pa’y katawan at kaluluwa ko na lang ang natitira sa akin, baka maibenta ko rin,” sabi ni Archie sa sarili habang nakasakay sa jeep papunta sa pagkikitaan nila ni Brenda.

Ilang minuto lang ay narating na niya ang mall. Nagkita sila roon ni Brenda. Tuwang-tuwa naman ang babae nang makita siya.

“O, Archie, mabuti naman at dumating ka na! Halika na sa loob! Daan muna tayo sa department store, ibili mo muna ako ng sandals, ha?” bungad ng nobya sa kanya.

Parang wala sa sariling tumango na lang si Archie sa sinabi ni Brenda.

Pagkatapos na maibili ang gusto ng kasintahan ay kumain sila sa mamahaling restaurant sa loob ng mall. Maya maya ay may inilabas si Brenda sa bag at iniabot kay Archie.

“Mahal ko, pagpasenyahan mo na itong advance na regalo ko sa birthday mo. Ibinalot ko para surprise! Sige na, buksan mo na!” sambit ng babae.

Inalis ni Archie ang balot ng regalo at napamulagat siya sa nakita niya…

“B-bank book at may kasama pang ATM? M-may laman pang malaking halaga ng pera ang bank book!” gulat na sabi ng lalaki.

“Alam kong higit pa diyan ang nagastos mo sa akin, Archie. Nahihiya nga ako sa iyo, alam ko namang hindi kalakihan ang sahod mo sa pinapasukan mong opisina pero sinusunod mo pa rin ang bawat magustuhan o maibigan ko. Sorry ha? Nasisiyahan lang kasi ako kapag binibigyan mo ako ng mga gusto ko kaya nawiwili tuloy akong magturo ng kung anu-ano. Pero naisip ko na wala kang maiipon para sa sarili mo at sa future natin kung ganoon ang ugali ko kaya ako na ang nag-ipon para sa iyo. Mula ngayon ay katulong mo na ako sa pag-iipon,” hayag ni Brenda.

Hindi naiwasan ni Archie na mapaluha sa ibinunyag ng kasintahan. Hindi lang pala isang bilmoko si Brenda, marunong din pala itong mag-ipon at naisip pa ang tungkol sa kinabukasan nilang dalawa. Bigla niyang niyakap nang ubod higpit ang babae.

“O, Brenda, I love you. Hindi ako nagkamali ng babaeng minahal,” sambit ni Archie saka hinalikan pa sa pisngi ang nobya.

“Advance happy birthday, mahal ko! I love you too!” sagot ni Brenda na ginantihan din ng halik sa pisngi si Archie.

Hindi naman masama na maging bilmoko ang nobya basta katulad ni Brenda, ‘di ba?

Advertisement