Nakapulot ng Sobre na May Lamang Malaking Halaga ng Pera ang Lalaki; Nang Iuwi Niya Ito sa Kaniyang Asawa ay Ikinagulat Niya ang Reaksyon Nito
Alas singko na ng hapon kaya abala na ang mga manggagawa sa pabrika na magsisiuwi sa kani-kanilang mga tahanan. Tapos na ang buong araw na pagtatrabaho kaya oras na para magpahinga.
Isa sa mga nagmamadaling gumayak ay si Resty. Binuksan niya ang backpack at kumuha ng damit na pamalit bago lumabas sa pinagtatrabahuhang pabrika nang may mapansin siya sa sahig.
“Aba, sobre ito ah! Sino kaya ang nakaiwan nito rito? T-teka, mukhang may laman pa!” gulat niyang sabi sa isip at pinulot ang sobre.
Dahil sa kuryosidad ay ‘di niya napigilan ang sarili na buksan iyon at agad na nanlaki ang mga mata niya sa tumambad sa kanya.
“P-pera! Pagkarami-raming pera!” bulong niya sa sarili habang nangangatal pa ang mga kamay sa pagkakahawak sa napulot na pera.
Mabilis na luminga-linga sa paligid si Resty. Napansin niya na walang tao dahil nagsi-alisan nang lahat ang mga kasama niya at nag-iisa na lamang siya roon. Wala ring nakakita na pinulot niya ang sobre.
“Mabuti’t wala nang tao. Walang makakapansin sa akin,” aniya pa sa isip.
Agad niyang isinilid sa kanyang bulsa ang sobre na naglalaman ng maraming pera.
“Malaking halaga rin ito. Malaking tulong na ito sa aking mag-ina,” sabi niya sa sarili.
Tuwang-tuwa si Resty habang naglalakad pauwi. Iniisa-isa na niya ang mga paggagamitan niya sa perang napulot niya.
“Masisiyahan si Rona kapag nalaman niya ito. Mabibili na namin ang pangarap niyang bagong TV, washing machine pati malaking refrigetaror ay maaaari na naming mabili. Maibibili na rin namin ng mga gamit sa eskwela ang anak naming si Cloe,” wika niya sa sarili.
Inisip agad ni Resty na manlalaki sa tuwa ang mga mata ng asawa niyang si Rona kapag nakakita ito ng malaking pera.
Nang makauwi ay agad niyang ipinakita kay Rona ang napulot na sobre.
“Ang suwerte ko ‘no! Sa dinami-rami ng manggagawa sa pabrika ay ako pa ang nakakuha nito. Marami na tayong perang panggastos!” masayang sabi ni Resty sa asawa.
Pero imbes na matuwa ay matabang at may himig pagdaramdam na nagsalita si Rona.
“Bakit mo inuwi rito ang perang ‘yan, Resty? Dapat ay ibinalik mo sa may-ari ng pabrika,” wika ng kanyang asawa.
Ikinagulat ni Resty ang reaksyon ni Rona.
“Pero Rona, malaking pera ito. Mabibili na natin ang mga hindi natin mabili rito sa bahay. Isa pa, napulot ko ang perang ito,” tugon niya.
Napailing si Rona sa sinabi niya.
“Eh, hindi naman pulot ang tawag diyan kundi nakaw, Resty. Hindi sa iyo ang perang ‘yan. Pag-aari ‘yan ng ibang tao pero nakita mo, kinuha mo at inuwi mo. Pagkuha mo ‘yan ng hindi sa iyo kaya nakaw pa rin ‘yan,” sagot ng asawa.
Hindi nakapagsalita si Resty. Natauhan sa sinabi ni Rona.
“Resty, matatanggap ba ng kunsensiya mong magpakasasa sa perang alam nating hindi atin at hindi natin pinaghirapan? Oo, mahirap lang tayo at may mga pangangailangan, pero hindi ko maaatim na angkinin at gastusin ang perang hindi naman akin,” saad pa ni Rona.
Lalong hindi nakakibo si Resty. Napagtanto niya na kahit napulot niya ang pera ay hindi naman ito sa kanya kaya kailangan niya itong ibalik sa tunay na nagmamay-ari.
Kinaumagahan ay isinauli niya ang pera sa may-ari ng pabrikang pinagtatrabahuhan niya.
“Boss, may napulot akong sobre na naglalaman ng malaking halaga ng pera. Isasauli ko sana kahapon kaso wala nang tao sa pabrika pati sa opisina niyo,” sabi niya saka iniabot ang sobre.
Laking tuwa ng matandang lalaking may-ari ng pabrika.
“Naku, mabuti at nakuha mo ito, hijo! Alam mo ba na ang perang ito ay pampasahod sa inyong mga manggagawa? Kung nawala ito’y wala rin kayong sasahurin. ‘Di ko napansin na nahulog ang sobreng ito sa mga dalahin ko kahapon. Maraming salamat at ibinalik mo ito. At dahil sa gnawa mong katapatan ay bibigyan kita ng promotion, Resty,” wika ng kanyang boss.
Nanlaki ang mga mata ni Resty sa narinig niya.
“A-ano pong ibig niyong sabihin, boss?” tanong niya.
“From now on, hindi ka na ordinaryong manggagawa rito sa pabrika. Gagawin kitang supervisor, Resty,” tugon ng matandang lalaki.
Hindi makapaniwala si Resty na sa ginawa niyang pagbabalik sa napulot na sobre na naglalaman ng maraming pera ay promosyon agad ang nakamit niya.
“M-marami pong salamat, boss! Hindi ko po ito inasahan, pero hindi kayo magsisisi dahil mas pagbubutihan ko ang aking trabaho,” sagot niya saka kinamayan ang mabait na may-ari ng pabrika. “Maraming salamat din sa aking mabait na asawa kundi dahil sa kaniya ay hindi ako mamumulat sa katotohanan na kailangan na mas gawin pa rin ang tama kaysa sa pansariling interes,” bulong pa niya sa isip.
Masuwerte si Resty dahil nagkaroon siya ng asawang gaya ni Rona na mayroong mataas na moralidad at hindi nasisilaw sa pera. Ngayon niya higit na nadama na napakasarap pala sa pakiramdam ang paggawa ng kabutihan kaysa angkinin ang bagay na hindi naman niya pinaghirapan. May kasabihan nga na matutong makuntento kung ano ang nasa atin at huwag pag-interesan ang pag-aari ng iba.