Inday TrendingInday Trending
Bilin ng Dating May-ari na Huwag Bubuksan ang Isang Silid sa Bahay na Iyon, Hindi Kapanipaniwala ang Laman nang Ito’y Kanilang Binuksan

Bilin ng Dating May-ari na Huwag Bubuksan ang Isang Silid sa Bahay na Iyon, Hindi Kapanipaniwala ang Laman nang Ito’y Kanilang Binuksan

“Mama, totoo ba? Sa atin na ang bahay na ito?! Totoo?” masayang takbo ni Allan sa bagong bili nilang bahay.

“Oo, anak, pwede ka nang mamili ng kwarto,” masayang sagot ni Wilma sa kaniyang anak.

“Anak, nga pala, nakalimutan kong banggitin na nakiusap ‘yung dating may-ari na huwag daw munang galawin ‘yung kwarto na nasa ikatlong palapag sa dulo at babalikan na lang daw niya ang laman ng mga ‘yan kapag nakahanap na raw siya ng malilipatan,” banggit muli ni Wilma habang abala ito sa paglalabas ng mga gamit nila.

“Ha? Tapos hindi mo alam kung ano ang nasa loob? Dapat tinanong mo man lang kung ano ang mga iniwan niya at baka mamaya niyan ay may bangk@y riyan!” biro ni Nestor nang marinig ang sinabi ng kaniyang misis.

“Ito naman si papa, mura na nga natin nabili ang lupa at bahay na ito e. Isa pa, napakabait kausap ng tao kaya naman hinayaan ko na. Saka ang laki ng bahay at ang daming mga kwarto, hayaan na natin ‘yun,” mabilis na sagot naman kaagad ng babae.

Matagal nang naghahanap ng bahay at lupa sina Wilma at Nestor kaya naman nang matagpuan nila ang bahay na ito ay kaagad nilang binili kahit nga medyo may kalumaan na at marami nang kailangang ipagawa. Basta nasigurado niyang legal ang mga papeles ay kaagad niya itong kinuha kahit na hindi na niya natanong pa ang kwento ng bahay na iyon. Ang gusto lamang nilang mag-asawa ngayon ay makaiwas na sa pagrerenta lalo na nga at malapit nang magkolehiyo ang anak nila.

“O, mama, isang buwan na tayong nakakalipat, wala pa rin ba ‘yung dating may-ari ng bahay na ito? Gusto ko nang mabuksan ang kwarto na iyon para makita ko rin kung may papalitan doon,” seryosong sabi ni Nestor sa kaniyang misis habang sila ay naghahapunan.

“Alam mo ba, ‘ma, na may multo raw sa bahay na ito kaya walang bumibili? Alam niyo po ba ‘yun bago niyo ‘to bilhin?” singit naman ni Allan sa dalawa.

“Saan mo naman narinig ‘yang balitang ‘yan?” mabilis na tanong ni Wilma sa anak.

“Sa mga kaklase ko, tinatanong nila ako kung may nakikita na raw ba akong multo kasi sabi nila simula nga raw ng sumakabilang buhay ‘yung babaeng nakatira rito ay doon na parang nabaliw ‘yung asawang lalaki. Sabi pa nga ng iba ay p!nat@y raw ng lalaki ‘yung asawa niya,” kwento naman kaagad ni Allan sa kaniya.

“Naku, ang chismis talaga ay may dagdag bawas. Huwag kayong mag-alala kasi sinabi naman sa akin ni Mark na balo na siya. Isa pa, walang katuturan ‘yang mga ganyang balita, huwag kang maniwala,” mabilis na kontra ni Wilma sa anak.

“O basta kapag tatlong buwan ay hindi pa rin bumabalik ‘yang si Mark ay sisirain ko na ‘yung kwartong iyon. Mamaya niyan ay nandoon pa ang katawan ng asawa niya,” pangangasar pa ni Nestor sa dalawa.

Hindi naman umimik pa si Wilma at aminadong nakaramdam siya ng kaba. Kaya naman kinaumagahan ay nagsimulang magtanong ang babae sa katabing bahay tungkol sa kwentong hindi pa niya nalalaman.

“Hindi ko masyadong alam ang nangyari sa pamilyang ‘yan kasi hindi naman sila masyadong naglalabas at nakikipagkwentuhan. Pero basta simula nang mawala ‘ang misis niya ay parang nagunaw na rin ang mundo nung lalaki. Mayaman ‘yan dati pero parang wala nang pera, hindi ko na nga alam kung nasaan ‘yun at mabuti na rin na binenta niya ang bahay na ‘yan para naman magliwanag nang muli ang lugar na ito,” sagot ng babaeng nakausap ni Wilma.

Kaagad niyang tinawagan si Mark at kung ano-ano na ang naiisip niya mula sa kwentong nasagap sa mga kapitbahay.

“Mark, kung hindi mo kukuhanin ang laman ng nasa kwarto na iyon ay wala akong magagawa kung ‘di buksan na ‘yun,” naiinis na sabi ni Wilma habang kausap ang lalaki.

“Sige ho, pupunta po ako pasensya na po kayo kung natagalan,” malungkot na sagot ni Mark sa kaniya.

Lakad dito lakad doon ang ginawa ni Wilma habang hinihintay si Mark na makarating dahil pinipilit niyang burahin ang mga naiisip tungkol sa bahay na nabili nila.

“Pasensya na po kayo kung ngayon lang ako nakabalik,” pagpapaumanhin pang muli ng lalaki sa kaniya ngunit hindi na nagsalita pa si Wilma at dali-dali silang pumunta sa iniwan niyang kwarto.

“Ano ba kasing laman ng kwarto na iyan? Kung ano-ano na tuloy na iisip ko,” iritableng sabi ni Wilma sa lalaki habang binubuksan ang kandado nito.

Hindi nagsalita si Mark at napansin lamang ni Wilma na pumatak ang mga luha nito sabay bukas sa pinto ng kwarto na siyang ikinagulat ni Wilma sa kaniyang nakita.

“Ito na po, salamat po sa paghihintay,” lumuluhang sabi muli ni Mark at tumalikod saka dire-diretsong umalis. Hindi kaagad nakapagsalita si Wilma at naiwan itong tulala na nakatitig pa rin sa kwarto saka niya mabilis na hinabol si Mark.

“Mark, sandali, sandali!” sigaw ni Wilma na humahangos dito.

“Ano ‘yun? Bakit ganon ang kwartong iyon?” nagtatakang tanong ng babae.

Ngunit hindi pa rin nagsasalita si Mark kahit na huminto na ito sa paglalakad at panay pa rin ang agos ng mga luha nito. Doon na nakaintindi si Wilma at hinintay na magsalita ang lalaki.

“Namimili lang ako noon sa labas para sa hapunan namin pero pag-uwi ko ay wala na si Claire. Wala na siya at ang anak namin,” umiiyak na siwalat ni Mark sa kaniya.

Doon na nalaman ni Wilma ang buong kwento, nadulas sa hagdanan ang asawa noon ni Mark at nawala ang dinadala nito. Simula noon ay nagdilim na ang mundo ng lalaki, hanggang sa nabaon ito sa utang at naibenta lahat ng ari-arian niya ngunit ang hindi niya nakakalimutan na linisin ang kwarto ng kaniyang anak. Walang laman ang kwarto ngunit malinis at bago pa ang mga pinta sa dingding nito. Para raw kay Mark ay ang kwarto na iyon lamang ang naibigay niya sa kaniyang anak.

“Huwag kang mag-alala, Mark, may dahilan ang Diyos kung bakit mo ito pinagdaraan ngayon. Manalig ka lang at huwag ka sanang mawalan ng pag-asa,” wika ni Wilma sa lalaki at pinangakong aalagaan ang kwarto na iyon.

Umuwi muna si Mark sa kaniyang pamilya upang maiayos ang kaniyang sarili habang si Wilma naman ay sinasama sa kaniyang dasal ang paghihilom ng sugat ng lalaki. Unti-unti ay nawala na rin ang kung anumang usap-usap tungkol sa bahay na tinitirhan nila at nangibabaw ang tunay na kwento tungkol dito.

Advertisement