Laking Pagsusumamo ng Dalaga na Papayatin Siya ng Kaibigang Doktor; Sa Huli’y Mapagtatanto Niyang Hindi Ito ang Daan sa Tunay na Pag-Ibig
“Steve, parang awa mo na, pagbigyan mo na ako! Wala namang ibang makakagawa nito sa akin kung hindi ikaw. Hindi ba, sabi mo rin ay gusto mong makilala sa larangan ng medisina? Kapag napapayat mo ako ay sadyang magiging tanyag ka!” pagsusumamo ng dalagang si Patricia sa kaibigang doktor.
“Patring, bakit ba gustung-gusto mong magparetoke? Bakit hindi mo na lang gawin sa natural na pamamaraan? Mag-diyeta ka, mag-ehersisyo!” tugon naman ng lalaki.
“Nakakainis ka, Steve! Parang hindi mo naman nakita kung paano ko tinitipid ang sarili ko sa pagkain. Pero tingnan mo, ganito pa rin akong kataba. Kaya parang awa mo na, papayatin mo na ako. Para saan pa ang pagiging mag-best friend natin?” muling sambit ng dalaga.
“Sige nga, Patring, bakit mo gustong pumayat? Ano ba ang dahilan mo at payag kang sumailalim sa operasyon? Hindi ka ba natatakot? Ganyan ka na ba kadesperada?” naiinis nang tanong ni Steve.
“Buong buhay ko, Steve, ganito na akong kalaki. Walang ginawa ang mga tao kung hindi pagtawanan at kutyain ako. Ni wala ngang nanliligaw sa akin dahil mataba ako. Ayaw ko nang masaktan pa! Saka isa pa, alam mo naman kung gaano ko iniibig si Russel. Kapag pumayat na ako’y tiyak kong mapapansin na rin niya ako,” paliwanag pa ng dalaga.
“Si Russel na naman! Bakit kasi hindi mo ituon ang sarili mo sa iba? Mayroon diyang nagmamahal sa iyo hindi mo lang nakikita. ‘Yung tatanggapin ka sa kung sino ka at masaya na basta kasama ka,” muling sambit ni Steve.
“Sino? Si Manong Johnny, ‘yung nagtitinda ng kwek-kwek sa may kanto natin? Masaya ‘yun pag nakikita ako dahil ang dami kong binibili sa kaniya, e! Sige na naman, Steve, tulungan mo na ako! Ayaw mo bang maging masaya ang bestfriend mo?” dagdag naman ni Patricia.
“Kung hindi nga lang kita kaibigan, Patring, ay hindi ko kukunsintihin ‘yang gusto mo! Pasalamat ka at malakas ka sa akin. Bibigyan kita ng isang linggo para pag-isipan ito. Kapag nakapagdesisyon ka na ay saka natin sisimulan ang mga kailangang gawin para matuloy na ang operasyon mo,” wika ni Steve.
Labis ang saya ng dalaga nang mapapayag niya ang kaibigang doktor.
Hindi na makapaghintay ng isang linggo si Patricia. Talagang desidido na siyang sumailalim sa operasyon sa pagpapapayat. Kahit na malaki ang pagtutol ni Steve ay sinuportahan na lang niya ang dalaga.
“Ito ang mga gamot mo, Patring. Huwag na huwag mong kalilimutang inumin ang mga ‘to. Saka ito ang mga listahan ng pagkain na p’wede mo lamang kainin habang nagpapagaling ka. Tulungan mo ang sarili mo, Patricia, nang sa gayon ay mas mabilis ang paggaling mo,” paalala ni Steve sa kaibigan.
“Maraming salamat sa iyo, Steve. Tatanawin kong malaking utang na loob sa iyo ang lahat ng ito kapag nagka-lovelife ako,” pagbibiro naman ni Patricia.
“Sana ay huwag mong pagsisihan ‘yang ginagawa mo sa sarili mo para lang diyan kay Russel. Sana rin ay dumating na ang panahon na matauhan ka na!” dagdag pa ng binata.
Nag-uumapaw ang kaligayahan ni Patricia nang makita ang bagong hubog ng kaniyang katawan sa salamin. Malaki ang tiwala niya sa kaniyang sarili na sa pagkakataong ito ay tuluyan na siyang mapapansin ng matagal na niyang iniibig na si Russel.
At hindi nga siya nagkamali. Unang sulyap pa lamang sa kaniya ng binata ay nabighani na ito agad sa dalaga.
“P-Patricia? Halos hindi kita nakilala. Ang ganda-ganda mo pala kapag payat ka!” pagbati ni Russell sa dalaga.
Mula ng araw na iyon ay halos hindi na mapaghiwalay ang dalawa. Laging ka-date ni Patricia itong si Russel. At dahil ubod na ng ganda itong si Patricia ay kung saan-saan siya ibinabalandra ng binata.
“Ginagawa ka lang na pang-display ni Russel. Tapos gustong-gusto mo naman! Kapag ikaw talaga nasaktan ka diyan sa ginagawa mo, pagtatawanan pa kita!” saad ni Steve ni Patricia.
“Tigilan mo na nga ako, Steve! Maging masaya ka na lang para sa akin. Ang tagal kong hinintay na i-date ako ni Russel. Dream come true ito para sa akin! Parang hindi kita bestfriend kung makapagsalita ka! Napaka-nega mo!” sambit ni Patricia.
“Naiinis lang ako sa ginagawa mo sa sarili mo! Hindi nababagay si Russel sa iyo dahil gusto ka lang niya dahil sa itsura mo ngayon. Kapag nakakita ng mas sexy at mas maganda iyang si Russel ay tiyak kong iiwan ka rin niyan!” sambit muli ng binata.
Dahil sa takot ni Patricia na ipagpalit siya ni Russel ay pinipigilan niya ang sarili na kumain nang marami. Halos tubig na nga lang ang laman ng sikmura nito kada araw.
Isang araw, habang nasa mall ang magkaibigang Steve at Patricia ay bigla na lamang nawalan ng malay ang dalaga. Agad siyang isinugod ni Steve sa ospital.
“Patring, para sabihin ko sa iyo ay kailangan ng katawan natin ng nutrisyon at hindi natin makukuha ang lahat ng iyon sa pag-inom lang ng tubig! Kumain ka! Gusto mo bang sumakabilang buhay?” pag-aalala ni Steve.
“Hindi ako pwedeng kumain, Steve, baka mamaya ay tumaba na naman ako!” pag-aalala ni Patricia.
“Kung hindi ka matatanggap ni Russel dahil sa itsura mo ay hindi talaga siya ang nararapat para sa iyo. Kumain ka na, Patricia. Alam mo bang mas maganda ka noong mataba ka?” seryosong sambit ni Steve.
Kumain lamang nang kaunti si Patricia upang pagbigyan ang kaibigan. Ngunit patuloy pa rin ang pag-aalala niya na baka mamaya ay muli siyang tumaba at hindi na pansinin ni Russel.
Sa pananatili ni Patricia sa ospital, tanging si Steve lamang ang karamay nito.
Nang makalabas si Patricia sa ospital ay agad siyang nakipagkita kay Russel.
“Ang tagal mong nawala, Patricia, saan ka ba nagsuot? Ang dami nang nangyari,” saad ni Russel sa dalaga.
“Parang tatlong araw lang naman akong lumipas. Ni hindi mo nga ako kinumusta man lang o dinalaw sa ospital. Nag-text naman ako sa iyo kung ano ang nangyari sa akin,” saad naman ni Patricia.
“Busy kasi ako talaga. Sa katunayan nga kailangan ko nang umalis ngayon. Sasama ka ba? Kasi kung hindi ay tatawagan ko na lang si Claire para siya na lang ang sumama sa akin,” muling sambit ni Russel.
Nagulat si Patricia sa sinabing ito ni Russel. Lalo pa niya ikagulat nang malamang ang Claire na tinutukoy nito ay isa ring babaeng dine-date ng binata.
“Akala ko, ako lang ang dine-date mo, Russel? Bakit may ibang babae ka pa?” naiiyak na sambit ni Patricia.
“Date? Date ba ang tawag mo do’n? Umaalis tayo, Patricia pero hindi tayo nagde-date. Hindi ang isang katulad mo lang ang gagawin kong nobya!” natatawang sambit ng binata.
Labis na naluha si Patricia sa isinagot ni Russel. Naalala niya ang lahat ng sinabi sa kaniya ni Steve.
Umuwi si Patricia nang gabi ring iyon na mabigat ang loob.
“Bakit nga ba nagpapakat@nga ako sa isang lalaki? Ikaw naman, Steve, bakit mo ko pinayagan sa kabaliwan ko? Hindi mo man lang ako pinigilan!” umiiyak na sambit ni Patricia habang umiinom ng alak at walang humpay sa pagkain.
“Tiniis kong magutom para lang hindi tumaba ulit. Kahit masakit ay sumailalim ako sa operasyon. Naubos nga ang savings ko at nagkautang pa ako sa’yo! Lahat ng pangarap ko ay gumuho dahil lang sa babaerong Russel na ‘yan!” patuloy pa ng dalaga.
“Sabi ko naman sa’yo, Patring, hindi siya karapat-dapat para sa pag-ibig mo. Hindi mo kailangang magbago para lang mahalin ka ng iba. Kapag nagmahal ka, kailangan tanggap mo kung ano siya. Tulad ng pagmamahal ko sa’yo na hindi mo naman pinapansin,” wika ni Steve.
Natigilan si Patricia nang marinig niya ang sinabi ng binata.
“Oo, Patricia, matagal na kitang mahal. Kaso hindi ko naman maipilit ang sarili ko sa’yo dahil alam ko kung sino ang mahal mo. Pero para sa akin, kahit noong mataba ka, ikaw pa rin ang pinakamaganda at may pinakamabuting pusong taong nakilala ko,” dagdag pa ng binata.
Dito na napagtanto ni Patricia ang lahat. Kaya pala laging nariyan si Steve sa kaniyang tabi ay dahil mahal siya nito.
“Bakit nga ba pinagsisiksikan ko ang sarili ko sa taong gagamitin lang ako? Bakit ngayon ko lang nalaman na ang tunay palang nagmamahal sa akin at ang dapat kong mahalin ay nasa tabi ko lang? Salamat, Steve, salamat at kahit kailan ay hindi mo ako iniwan,” nakangiting sambit ni Patricia.
“Ano man ang timbang at itsura mo, Patricia, mahal na mahal kita. Kaya hayaan mong patunayan ko ito sa iyo. Pangako ko na habang buhay kang magiging maligaya sa piling ko!” saad pa ng binata.
Pinayagan ni Patricia na ligawan siya ni Steve. Hindi naglaon ay sinagot niya rin ito.
Samantala, pinanatili pa rin ni Patricia ang kaniyang bagong payat na katawan. Ngunit hindi na niya ginugutom ang kaniyang sarili dahil alam niyang sa pagkakataong ito ay may isang taong tunay na magmamahal sa kaniya anuman ang kaniyang timbang o itsura.